Karapatang Pantao Videos

Bidyo: Detensiyon ni Ericson Acosta, sisiyasatin ng Amnesty International


Dumating sa bansa ang isang opisyal ng Amnesty International (AI) para siyasatin ang patuloy na detensiyon ni Ericson Acosta, isang makata at musikero na ilegal na inaresto ng militar noong nakaraang taon sa Samar. Ayon kay Gary W. King, pinuno ng Minneapolis, USA Chapter ng AI, isang pandaigdigang grupo na nagtataguyod ng karapatang pantao, dapat […]

Gary King ng Minneapolis Chapter Amnesty International USA, kasama ang kapamilya at tagasuporta ni Ericson Acosta (Ilang-Ilang Quijano)

Gary King ng Minneapolis Chapter Amnesty International USA, kasama ang kapamilya at tagasuporta ni Ericson Acosta (Ilang-Ilang Quijano)
Gary King ng Minneapolis Chapter Amnesty International USA, kasama ang kapamilya at tagasuporta ni Ericson Acosta (Ilang-Ilang Quijano)

Dumating sa bansa ang isang opisyal ng Amnesty International (AI) para siyasatin ang patuloy na detensiyon ni Ericson Acosta, isang makata at musikero na ilegal na inaresto ng militar noong nakaraang taon sa Samar.

Ayon kay Gary W. King, pinuno ng Minneapolis, USA Chapter ng AI, isang pandaigdigang grupo na nagtataguyod ng karapatang pantao, dapat nang palayain ng gobyernong Aquino si Acosta kung hindi siya sasampahan ng pormal na reklamo.

“To this day, he has not had one day in court, and the prosecutor has not filed a formal complaint…In violation of the Speedy Trial Act (Republic Act 8493), he was not arraigned within 180 days…In our opinion, he should immediately be charged and his rights to trial begin, or he should be released,” pahayag ni King.

Humarap si King sa isang press conference kanina kasama ng mga kapamilya at tagasuporta ni Acosta, kabilang na sina Malou Jacob, dating Executive Director ng National Commission on Culture and the Arts, at National Artist for Literature Bienvenido Lumbera.  Naninindigan silang biktima ng pampulitikang persekusyon si Acosta, at dapat nang palayain kasama ang 365 na bilanggong pulitikal sa buong bansa.

Ayon sa grupong Selda (Samahan ng mga Ex-Detainee laban sa Detensiyon at Aresto), 78 sa mga ito ang ibinilanggo sa ilalim ng gobyernong Aquino.

Inudyukan din ni King ang gobyerno na imbestigahan ang tortyur na dinanas ni Acosta sa kamay ng militar, at parusahan ang mga mapapatunayang maysala.

Simula 1976, nagtatrabaho na si King para sa kapakanan ng tinatawag na mga prisoner of conscience sa Pilipinas. Aniya, kung batay sa pagsisiyasat ng AI ay maideklarang ‘prisoner of conscience’ si Acosta, gagawin ng grupo ang lahat ng makakaya nito para ikampanya ang kanyang pagpapalaya.

Narito rin sa Pilipinas si King para siyasatin ang kaso ng pagkawala noong 2008 ni James Balao, isang aktibista mula sa Kordilyera.

Samantala, inihayag naman ni Lumbera na nagdesisyon ang Philippine Center for International PEN (Poets, Playwrights, Essayists and Novelists) na suportahan ang kampanya sa pagpapalaya kay Acosta.

“Ang tulad ni Ericson ay hindi isang kaaway; siya’y isang katuwang para sa pag-unlad ng bansa. Dapat sinusuportahan siya ng ating gobyerno bilang isang artist,” ayon pa kay Jacob, kumakatawan din sa Women Playwrights International- Philippines.

Idiniin naman ni Angie Ipong, dating detenidong pulitikal at pangkalahatang kalihim ng Selda, dapat mabigyan ng general, unconditional at omnibus na amnestiya ang lahat ng bilanggong pulitikal.

May ulat ni Emilyn Nuñez