Kailan tatanggapin ng simbahan ang kabaklaan at laban ni Audie Gemora?
May sariling laban si Audie Gemora sa pagtanggap ng simbahan at ng lipunan sa kabaklaan. Ito ay hindi sa pag-amin o hindi ni Audie na siya ay isang bakla kundi ang kanyang pananalig at paniniwala sa pagtanggap ng simbahan sa kabadingan. Kasi nga’y sabi tayo nang sabi na tinatanggap na sa lipunang Filipino ang kabaklaan […]
May sariling laban si Audie Gemora sa pagtanggap ng simbahan at ng lipunan sa kabaklaan.
Ito ay hindi sa pag-amin o hindi ni Audie na siya ay isang bakla kundi ang kanyang pananalig at paniniwala sa pagtanggap ng simbahan sa kabadingan.
Kasi nga’y sabi tayo nang sabi na tinatanggap na sa lipunang Filipino ang kabaklaan pero ang katotohanan ay hindi naman taos-puso at hindi lubusan lalo na kung ang bakla ay tinatanaw na walang silbi—hindi nag-aakyat ng pera sa tahanan o sa kanyang sarili, walang narating sa kanyang larangan, nanggitata at walang maipagmalaki na kung anuman sa ipokritong sosyedad na ito.
Ang sentimiyento ni Gemora ngayon ay may kaugnayan sa pagdidirek niya ng dulang “Next Fall” na mula sa Broadway at inangkat ng Repertoty Philippines at dinala sa Pilipinas para ipalabas sa Onstage Theater sa Greenbelt.
***
Naiinis na kasi si Audie sa kabagalan ng pagtanggap ng simbahan sa kabaklaan.
Siyempre’y ikakatwiran ng simbahan, Katoliko man o Born Again Christian na tinatanggap nito ang kabadingan pero ‘yong walang sekswal na pakikipag-ulayaw sa kapwa lalaki.
Pero ang istorya ng “Next Fall” ay mayroong pagnanasang sekswal at may mga nagaganap na sekswal na mga tagpo kahit na hindi sa ibabaw ng entablado ay sa likod ng tanghalan, halimbawa’y sa silid na isa rin sa tagpuan ng dula.
“But it is a crime not to produce and direct ‘Next Fall’ because I believe that I shouldn’t deprive myself of a very good literary material.
“And also, it is about love so what is bad about it?” tanong ni Audie.
***
Kilalang Born Again si Gemora at ang theatre group na kanyang pinamamahalaan, ang Trumpets International ay isang kumpanya na may diwa ng Kristiyanismo at ang mga ipinalalabas dito ay karaniwang may kahulugan ng tradisyunal at pangkaraniwang paksa.
Pero nangahas si Audie at wala siyang pakialam sa kung anuman ang sasabihin sa kanya ng simbahan.
Pero siya na rin ang nagsabi na kung magiging maluwag at malaya lang ang simbahan, Katoliko man o Born Again o maging ang mga relihiyon o ispiritwal na nagkokondena sa kabaklaan halimbawa’y Islam o anumang mahigpit at konserbatibo sa pagtingin sa kabaklaan, mas mangingibabaw pang lalo ang pagkakaunawaan at pag-iibigan ng mga tao.
Ito anu Gemora ang kahulugan ng “Next Fall” dahil may isang karakter dito, si Adam na hindi naniniwalang kasalanan ang kabaklaan samantalang ang bading na kanyang karelasyon ay nananalig na kasalanan kanilang ugnayan.
***
Talaga namang hindi pa tinatanggap nang tahasan ang kabadingan sa Pilipinas dahil ang dami-dami pang mga mamamayan na ayaw sa bakla at inis sa bakla samantalang ang higit na isyu ay ang kahirapan at hindi ang kasarian.
Masyadong patriyarkal kasi ang pamilyang Filipino at nakasalalay sa lalaki ang lahat at pag lumisya sa lalaki ay bakla o mahina na, isang bagay na mali.
Sana naman ay panoorin ng mas nakararaming Filipino, lalo na ng mga heterosexual ang “Next Fall” at hindi lang mga tunay na bakla ang manonood o merkado nito.
Ito ay para sabihing talagang malaya na ang bakla sa bansa.