Pagguho ng lupa sa Pantukan, dumaraming kalamidad resulta ng kapabayaan ng gobyerno – Kalikasan
Sa kabila ng maraming naganap na mga sakuna at siyentipikong pag-aaral, tila hindi pa rin napaghandaan ng gobyerno ang mga posibleng kalamidad, ayon sa isang grupong makakalikasan. “Mukhang nabigong muli ang gobyerno na maiwasan ang mga trahedya partikular sa mga peligrosong lugar tulad ng Pantukan, Compostela Valley at mga siyudad ng Cagayan De Oro, Dumaguete […]

Sa kabila ng maraming naganap na mga sakuna at siyentipikong pag-aaral, tila hindi pa rin napaghandaan ng gobyerno ang mga posibleng kalamidad, ayon sa isang grupong makakalikasan.
“Mukhang nabigong muli ang gobyerno na maiwasan ang mga trahedya partikular sa mga peligrosong lugar tulad ng Pantukan, Compostela Valley at mga siyudad ng Cagayan De Oro, Dumaguete at Iligan sa Mindanao sa kabila ng mga pangyayari at siyentipikong mga pag-aaral na nagsasabing mangyayari nga ang mga ito,” ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan People’s Network for the Environment o Kalikasan PNE.
Ipinakikita umano ng mga ulat na ang mga naturang insidente ay dulot ng malakas na pag-ulan at lindol.
Animnapung katao at mahigit isang daan ang hindi pa rin nakikita nang maganap kamakailan ang pagguho ng lupa sa Pantukan, Compostela Valley kung saan mayroong mga maliitang pagmimina.
Sinabi ng Kalikasan PNE, na kaparehong trahedya rin ang tumama sa naturang lugar noong Abril 22, 2010 na nagresulta naman sa pagkamatay ng 14 na patay, 14 na sugatan at walo ang nawawala.
Pinunto pa ng grupo na ang reaksiyon ng gobyerno sa pagguho ng lupa sa Pantukan noong nakaraang taon ay sisihin ang maliliit na nagmimina na umano’y nakakasira sa kalikasan at nagpapalala sa bulnerabilidad ng naturang lugar. Ipinanukala pa umano ng gobyerno ang sapilitang relokasyon ng mga nagmiminang mamamayan mula sa Pantukan.

“Ang tila sirang plakang estratehiya ng administrasyong Aquino sa paninisi sa maliliit na minero ay nabigong magpaalis sa kanila sa Pantukan, sa kabila ng mapanganib nilang trabaho. Wala silang pagpipilian dahil hindi naman nagbigay ang gobyerno ng malilipatan at alternatibong pagkakakitaan,” ani Bautista.
Samanatala, binanggit ng Kalikasan ang pag-aaral ng grupong Agham (Advocates of Science and Technology for the People) sa naturang insidente, na nagsasabing ang pagmimina, gaano man kalaki, ay nagpapahina sa lupa na nagiging sanhi ng pagguho nito lalo na kung may lindol o malakas na pag-ulan.
“Hindi lamang nabigo si Pangulong Aquino na bigyang-pansin ang kalagayan ng maliliit na minero, kundi pinayagan pa niya ang operasyon ng malawakang pagmimina sa naturang lugar. Unang-una, malinaw na ang administrasyong Aquino, ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na mga gobyerno ay nabigong magbuo ng mga hakbang tulad ng ‘warning system’ at magsagawa ng ebakwasyon bago pa ang pagbuhos ng malakas na ulan sa Pantukan at iba pang lugar,” ayon naman kay Leon Dulce, convenor ng Kalikasan Party-list.
“Sinisisi ng administrasyong Aquino ang maliliit na tao pero hinahayaan ang mga tunay na may kagagawan ng mga sakuna tulad na lamang ng mga malalaking kompanya ng pagmimina, komersiyal na pagtotroso at korap na mga opisyal ng pamahaalan na patuloy na wasakin at dambungin ang ating kapaligiran at likas na yaman,” dagdag ni Dulce.
Ang Pantukan ay binabasehan ng Russel Mines and Minerals, isang kompanyang Amerikano na nagsasagawa ng eksplorasyon sa pagmimina. Ang Mt. Diwalwal naman ay matagal nang tinatarget ng Xstrata, isa sa tatlong pinakamalalaking kompanya ng pagmimina sa bansa na naglalayong palawakin ang pagmimina sa apat na probinsiya ng Mindanao.
Sa Davao City, Talaingod at Bukidnon, apat na permit sa pagmimina ang nagbabanta sa kabundukan ng Pantaron. Ang mga ito’y sa kabila ng katotohanang nagpapatuloy ang komersiyal na pagtotroso na patuloy na wumawasak sa natitirang kagubatan ng Minadanao, pahayag pa ng grupo.