Balagtasismo Versus Fliptop Mismo?

February 22, 2012

BLKD sa laban vs Dello ito noong Disyembre 10 sa San Juan. (fuckyeahblkd.tumblr.com)

BLKD sa laban vs Dello ito noong Disyembre 10 sa San Juan. (fuckyeahblkd.tumblr.com)

Ang totoo niyan, gusto ko lang talagang gamitin ang pamagat na iyan.

At habang naghahanap ng mga sanggunian para mabigyang-katwiran ang kalapastangan sa pamagat ng artikulong ito, nasumpungan ko sa internet ang isang pang-akademikong panayam ng makatang siyang batayan ng naturang alusyon. Bilang isang “note” sa Facebook, kumopo ang panayam ng tumataginting na apat na “likes.”

Francisco Baltazar

Francisco Baltazar

Huwag nang magpanggap na dapat unawain siyang kinikilalang Pambansang Alagad ng Sining, sa gibang niyang pagbabalik-tanaw at pilit na pagkikinis sa mga panukalang inilatag sa isang munting aklat na pinamagatan niyang “Balagtasismo versus Modernismo” noong 1984.  Paumanhin kung ni hindi ko maipapaliwanag kung ano ang ibinabantayog niyang “modernismo,” at ang kung anu-ano pang mga suliranin ang inuurirat niya ukol sa tula at sa kinabukasan nito. Kung ano nga kaya ang nais ipahiwatig ng kanyang mga “kislap-diwa,” “sangang-diwa” at sari-saring pasaring sa masasamang bisyo sa pagtulang tumatalam at nakasasawa dahil sa mga paulit-ulit, gasgas, at de-kahon na mga pahayag at panawagang karaniwan sa mga Balagtasista.

Ang alam ko lang ay ilang taon nang maugong sa kabataan ang isang panibagong “balagtasan” — hindi man ito tahasang nagbibigay-pugay kay Balagtas o sa mga makata ng 1920’s na siyang nagtaguyod ng gayong talastasan.

Hindi man maunawaan ng kabataan ngayon ang saysay sa pag-uuri ng imahe at retorika sa panulaang tinaguriang “paloob,” narito’t rumaragasa na sa madla ang kanilang naka-eengganyong “palabas” —  sa mga aktwal na labanan sa mga lihim na bulwagan ay dinudumog ito ng daan-daang manonood. Sa unang ilang bente-kwatro oras pa lamang ng pagpapaskil sa internet ay tumatabo na agad ang mga ito ng daan-libong pagtunghay sa Youtube.

Hindi sa lokal na “balagtasan” kundi sa dayuhang “Grind TimeNow” humango ng inspirasyon ang “Fliptop.” Ibinabandila ito bilang “FirstFilipino Rap Battle League.” Di man sinasadya, ibinudyong ang ligang ito ng isang (sabihin na nating) nag-aatubiling tagapamana ng Bagong Kritisismo ng lokal na barkadahang pampanitikan. Bilang Anygma, siya ang palaisipang Lakandiwa na siyang utak sa likod ng Fliptop. Pero bilang Aric Yuson, hindi na mahirap isipin kung kaninong tanyag na manunulat kinopya ang kanyang apelyido.

Balagtasan

Jose Corazon de Jesus (pantasproject.net)

Jose Corazon de Jesus (pantasproject.net)

Noong 1924 sa Tundo, Maynila, isang “katipunan ng mga mananagalog at makatagalog” ang nagpanukala ng pagdaraos ng – noong mga panahong iyon ay – makabagong duplo bilang parangal sa tinagurian nilang “Makata ng Panginay,” si Francisco Baltazar (1788-1862), na kilala rin bilang “Balagtas.”  Ang kanilang mga patulang duwelo — ang balagtasan – ay ginanap sa mga bulwagang gaya ng Teatro Zorilla at Olympic Stadium. Naging matunog sa mga ito ang mga pangalan nina Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Pedro Gatmaitan, Benigno Ramos, Inigo Ed. Regalado, Julian Cruz Balmaceda, Lope K. Santos, Amado V. Hernandez at marami pang ibang makatang Tagalog. Lumaganap ang “balagtasan” sa iba pang rehiyon ng bansa gaya ng bukanegan sa Ilocos, bilang parangal sa makatang Iloko na si Pedro Bukaneg (Zafra, 1999). Sa Kabisayaan, nahahalintulad ang balagtasan sa mga katutubong anyong balitaw, banggianay at ismayling.

Sa isang kakaibang panahon at daigdig sumibol ang Fliptop, na nakatuntong sa kulturang hip-hop. Bilang mga emcee at rapper, ang mga baguhan at bihasang kalahok sa paligsahan ay kumakatha ng berso bilang literal na liriko (lyrics). Bagamat mayroon ding koponan para sa rapper sa Ingles, naging patok sa mas marami ang mga labanan sa wikang Filipino. Naging pinakamatunog dito ang pangalan ng mga gaya nina Loonie, Dello, Target, Datu, Kjah at BLKD.

Sa aspeto ng matulaing duwelo mahuhugot ang paralelismo sa pagitan ng balagtasan at Fliptop, gayundin sa init ng masugid na pagsubaybay ng mga manononood na tumatangkilik dito. Maaaring kakulitan na rin lang kung uusisain pa ang kaibhan ng dalawa sa lawak at paksa. Mapapansin naman ang kalahatang tendensiya ng Fliptop na tumutok sa palasak na pagwasak at pag-aalimura sa katauhan at pagkatao ng katunggali —  kadalasan sa pamamagitan ng mga pariralang walang malay sa sukat at metro, burara at bulagsak sa talinhaga, at sa katuus-tuusa’y tumatakas na lamang sa bulalas na pagbabantas ng “yo!” Sa kabila ng tradisyon nito sa batuhan ng putik, isang natatanging labanang pakabig ang itinampok ng Fliptop sa (marahil ay isinulat nang) duwelo nina KJah at Target.

Samantala, maaaring naging “balagtasismo” ang pamana ng balagtasan sa paningin ng mga kritiko at makatang sumang-ayon sa gayong ideya – dahil sa katangian nitong pag-iistrikto sa mga batas ng sukat at tugma, sa magiting at mataginting nitong pamamaraan ng pahayag at panawagan, at sa iba pang elementong taliwas sa pagiging “moderno.”

Hindi ko ilalatag bilang suliranin ng panitikan ang pambihirang penomenon ng Fliptop sa popular na kultura sa kasalukuyan. Suliranin lamang marahil ito ng mga makatang mapag-imbot, mabuway at nagdududa sa saysay ng sariling mga tula at piniling panulaan. Marahil ang lalong mahalaga ay muling naging karaniwan sa atin ang mga tula, at naipaalala sa atin ang kapangyarihan ng pananalinhaga. Komplikadong magpauso ng balagtasismo versus Fliptop mismo, habang mas mainam na resolbahin muna ng mga nagtataguri sa sarili bilang makata ang mas simpleng mga bagay gaya ng espasol versus nilupak.

Maaaring wala man lamang nakapuna, pero ngayong Pebrero pumapasok sa ikatlong taon ang Fliptop. Ngayong Pebrero rin ang ika-150 taon ng kamatayan ng dakilang si Balagtas. Inaabangan pa rin na isapubliko sa Youtube ang pinananabikan at pinag-uusapang dwelo nina Loonie at Dello noong Disyembre.  Samantala, mula sa mga guho ng dinemolis na Barangay Corazon de Jesus, lumilikha ng bukas ang isang grupo ng organikong kabataang makata.

Mabuhay ang tula!