Panulaang may puso


Rebyu ng Pusuanon: Mga Bersong Bikol | ni Kristian Sendon Cordero | Ateneo de Naga University Press

Rebyu ng Pusuanon: Mga Bersong Bikol
ni Kristian Sendon Cordero
Ateneo de Naga University Press

Sa syudad ng Naga, isa ang kabataang makata at guro na si Kristian Cordero sa nagbibigay-kulay sa dinamikong kultura ng mga Bikolano. Bilang kolumnista ng lokal na pahayagang Bicol Mail, minsan siyang hinabol ng kontrobersya para lamang sa (sabihin na natin na) payak na paglalahad ng isang kontemporaryong alamat. Anupa’t ngayon ay lipas na ang nasabing kontrobersya at maaaring namumuhay na lamang sa antuking alaala ng tinaguriang mga gurang.

Nakapagtataka, sapagkat kung kapusukan ang pag-uusapan, hindi lamang dapat usisain ang retorika sa lingguhang prosa ni Cordero. Marahil dahil sa partikular na panlasa ng lokal na mga tagasubaybay, banayad lamang, kung mambulabog man, ang estilo ni Cordero sa pagtalakay ng mga kultural na paksa sa kanyang lingguhang kolum. Mangyari pa, higit na dapat maintriga ang mambabasa sa pambihirang kapangyarihan ng kanyang mga tula.

Tumutula si Cordero sa Filipino. Tumutukoy siya ng ilang higante (at duwende) ng pandaigdigang panulaan bilang kanyang mga impluwensya at inspirasyon. Ngunit sa kanyang koleksyong Pusuanon, muling ipinamamalas ni Cordero ang kapangahasan na magbalik sa tinubuang lupa at magpahayag sa kinalakihang pitik ng dila. Tumitibok ang mga tula mula sa parehong salitang-ugat, pumipintig mula sa katulad na “puso” – kung “mapusok” ang tawag dito ng mga Tagalog, ito’y “pusuanon” para sa mga Bikolano.

Ang mga tula sa Pusuanon ay isinulat sa pinakapamilyar na lokal na dayalektong Bikol. Mula sa punto de bista ni Cordero, ang paglalahad at pagsisiwalat ng napakapamilyar na kapaligiran at karanasang Bikolano ay halos nagiging isang panaginip. Ang una niyang koleksyon ng tula ay nakasulat sa tatlong lengguwahe – Filipino, Bikolano, at Rinconada (na sinasalita sa mga bayan ng Nabua, Bato, Bula, Baao at Iriga City sa probinsya ng Camarines Sur). Ang koleksyong Pusuanon, na may piling salin sa Ingles mula sa mga kapwa-makatang Bikolano na sina Frank Penones at Marne Kilates, ay unang inilathala ng Goldprint Publishing House noong 2007 at muling inilathala ng Ateneo de Naga University Press sa huling bahagi ng taong 2010.

Halos nakapangingilabot ang palasak ngunit pambiharang paghawak ng mga tula sa mga alusyon nito mula sa Bibliya. Siya nga si Kristian Cordero – na maaaring pagtakhan ng ilan kung nasa papel nga ba bilang pastol na tagapagligtas, maamong tupa, erehe o filibustero. Ipinupwesto ni Cordero ang kanyang tula mula sa kawalang-muwang ng paglalang ng sanlibutan hanggang sa lupit at higanti ng araw ng paghuhukom.

Sa pamamagitan ng pamilyaridad ng imahe at teksturang hatid ng hubad na lengguwahe, nangangahas din si Cordero sa tangkang pagbagtas sa mga paksang “unibersal.” Sa tulang “Paglalang” :

Igwa man naghohona na an itum bakóng táwo,
igwa man nagsasabi na an puti an diyos.
Igwa man nagsasabi na an tawóng kakolór kan dagá
an mga aki nin demónyo, mga buáng peregrino
na daíng pagmidbid sa sadiri.

(There are those who say
the whites and the blacks created
the people colored like the earth.
Some think blacks are not human,
some say god is white.
There are those who say that those colored
like earth are the devil’s children, crazed pilgrims
who do not know themselves.

“Creation,” salin ni Marne Kilates)

Hindi maitatanggi para sa kapwa-Bikolano ang kapangyarigan ni Cordero sa manipulasyon ng mga imahe ng kanyang kabataan, na maaaring nananatiling tanawin, bukambibig o kalakarang karaniwan pa rin sa mga baryo at kabayanang ng rehiyong sinilangan. Hindi madaling ipaliwanag sa dayuhan ang danas sa partikularidad ng mga salitang gaya ng buskay (kabibe), o banggi-banggi (insektong nakakain), o kaya ng pariralang “mili tabili”? Paano pa kaya ang hiwaga ng ambubulato (uod), tawong-lipod (engkanto), danaw (lawa), tagaw (butiki) at ng udo (tae)?

Maaaring maging lampa ang mga ito kung nakatuntong sa ibang tinig. Tulad ito ng mga tradisyunal na awit na nagiging awtentiko lamang kung maririnig mula sa garalgal na tinig ng mga ninuno. Pangkaraniwan lamang na hiyaw ng desperasyon, halimbawa, kung hindi mapanghahawakan ang rubdob ng mga kontradiksyon sa isang tula tulad ng “Paghukom”:

Uranan na ako nin kalayó, asalon na garó
daíng pakinabang na sirâ na nabusí an apdo.
Palidon, til’ókon na ako kan dúros, gabóton an kada buhok
sa sakuyang hawak sagkód na matorta an sakuyang utók.

Lamuson na ako kan tubig, lantupan, sagkód na mabutod
an sakuyang púso, sagkód na matunaw an mga bulód
sagkód na an pinakasagkód magin kapinunan giraray
asín sa kagadanan magsup’áy an maninigong buhay.

(Rain down fire on me now, roast me
on a stick like a useless fish, its bile sac torn.
Blow me away, wind, choke me, pluck each strand
of hair from my body, burn my brain to a crisp.

Water, drown me now, flood me, until my heart
bloats, until the mountains dissolve
until the farthermost end becomes the beginning again
and death overflows with the worthiest life.

“Judgment Day,” salin ni Marne Kilates )

Maaaring para kay Cordero, tunay na banal ang pagtula. Kumapit man siya sa kredo ng kapritso, maaaninag ang di-pangkaraniwang pananalig sa pagtula na tinutumbasan niya ng pambihirang disiplina ng makata. Hayaan munang magtapos itong pagtatasa sa kanyang pahayag ng pagsisimula, mula sa “Puon Digdi”:

Sa ngonyan minabalik pa man giraray an iba
tanganing maghanap nin mga bagó
asin orihinal na tatarámon asin mapatotoohan
an osipon na tubo kitang pararáwit-dawit.
Alágad nadadaog sinda nin mga pagduwa-duwa
asín nagkakalaman an saindang ngirhát
sa espada kan gramatika.

Para na saná sa mga pusûánon
an pagigin para-ráwitdáwit.

(Sa ngayon may ilan pa ring bumabalikwas
upang tumuklas ng mga bago
at orihinal na salita at mapatunayan ang alamat
na likas sa atin ang pagiging makata.
Ngunit nananaig ang mga pag-aalinlangan
at nagkakalaman ang takot sa espada ng balarila.

Para na lamang sa mga mapangahas
ang pagiging makata.

“Mula Rito”)

Sa pagtahak ng mga bago, makabago, o tinaguriang postmoderno sa isang kinabukasang tiwalag at walang katiyakan, ang Pusuanon at ang mga makatang gaya ni Cordero ay pag-asa ng panulaang tapat sa kanyang dila at tiyak na may puso.