Kolonisasyon at paglaya ng kaisipang migrante


Sa Paaralang Migrante, sinariwa ang buhay ni Carlos Bulosan at kinonekta ito sa kasalukuyang kalagayan ng mga migranteng Pilipino

Carlos Bulosan, awtor ng America Is In the Heart at isa sa pinakaunang migranteng Pilipino sa US

Ang kaisipang sa Amerika–o sa iba pang bansa–giginhawa ang buhay: ito ang tuntungan ng patuloy na pagyakap ng mga Pilipino sa diaspora o malawakang migrasyon.

Minahalaga ng grupong Migrante International na baybayin ang ilang kaisipan hinggil sa diaspora sa pamamagitan ng pagsariwa sa buhay at karanasan ni Carlos Bulosan, at ang pagkonekta nito sa kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipino sa ibang bansa. Sa Paaralang Migrante na isinagawa kamakailan sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, panauhin ang mga manunulat na sina E. San Juan Jr. at Delia Aguilar, mga propesor na naka-base sa Estados Unidos.

Kolonisasyon sa kaisipan

Marami sa kasulukuyang henerasyon ang hindi na nakakakilala kay Carlos Bulosan, lider-manggagawa at manunulat na isa sa pinakaunang mga migrante sa Amerika. Ngunit nakikinabang ang henerasyong ito sa progresibong mga kaisipang nailuwal noon ni Bulosan.

Ayon kay San Juan, nabuhay si Bulosan kaalinsabay ng makasaysayang kilusan sa pagsulong ng karapatang sibil sa Amerika, laluna sa ethnic minorities, kabilang na rito ang mga Pilipino.

“Sobrang kolonisasyon sa kaisipan ng Pilipinas,” aniya, ang naging sanhi ng malawakang migrasyon sa panahon ng kolonisasyon ng US sa Pilipinas. Kabilang si Bulosan sa henerasyon ng mga migranteng manggagawa na ipinadala sa Hawaii upang maging sugar planters. Bilang kolonya ng Amerika, naging taga-suplay ang Pilipinas ng murang paggawa. Ayon kay San Juan, hindi lamang nasasakop ng puwersang militar at pang-ekonomiya ng US ang Pilipinas, “kundi laluna ng kultural at  ideyolohikal na puwersa.”

Nagsimula ang pagkilos ni Bulosan, bilang bahagi ng asosasyon ng farmworkers sa California. “Kung babasahin ninyo ang unang bahagi ng America is in the Heart (Chapters 1-6), ang bahaging iyon ay tungkol sa insureksiyon at pag-aklas ng mga pesante. Naglalarawan ang bahagi na iyon ng pakikibakang anti-pyudal maski sa panahon ng mga Amerikano. Dito naipapakita na may continuity ang pakikibakang ito,” aniya.

America is in the Heart ang pamagat ng sikat na nobelang autobiography ni Bulosan, at tinataguriang isa sa mga kanon ng panitikang Amerikano.

Binaybay rin ni San Juan ang pagiging bahagi ni Bulosan sa mga puwersang Kaliwa sa Hollywood noong dekada ‘30, hanggang maging biktima ng McCarthyism o anti-komunistang witchhunt noong dekada ‘40 at ‘50.

“Mayroong organikong relasyon si Bulosan sa Pilipinas,” ayon kay San Juan. Ibig sabihin, hindi iwinawalay ni Bulosan ang kanyang sarili sa ugat at pinagmulan. “Ang identidad ni Carlos Bulosan sa Amerika ay kabahagi ng affirmation, recognition and discovery of identity ng maraming mardyinalisadong Amerikano na ipinagkait ng kanilang karapatang pantao,” dagdag niya.

Tagapagsalita sa Paaralang Migrante: (mula kaliwa) Garry Martinez, E. San Juan Jr., at Delia Aguilar (Darius Galang)

Sa pamamagitan nga ng akda ni Bulosan, nakilala umano ng mga Pilipinong nasa Amerika si Andres Bonifacio, ang rebolusyong Pilipino sa ilalim ng kolonyanismong Espanya at Amerika, at ang Filipino-American War. “Itong pagtuklas sa natatagong kasaysayan ay bahagi rin ng kilusang panlipunan,” ani San Juan.

‘Kumonekta sa lipunan’

Samantala, sinimulan ni Delia Aguilar ang pagtalakay sa kasalukuyang kalagayan ng mga Fil-Am sa pamamagitan ng pagkuwento ukol sa isang eksibit sa New York. Isinalarawan sa nasabing eksibit ang kasaysayan ng mga migranteng Pilipino sa Amerika. Sa punto-de-bista ng eksibit, mula sa pagiging neo-colonial subjects ay naging citizens o mamamayan ng Amerika na ang mga Pilipino roon. “The suggested theory is that Filipinos have already become citizens, that they have evolved from the status of Carlos Bulosan to become participants in US society,” ayon kay Aguilar.

Ngunit isa umano itong ilusyon, dahil mayorya ay nananatiling pinagsasamantalahan na manggagawa gaya ni Bulosan. Binigyang-diin ni Aguilar na may katangian ang mga Pilipinong manggagawa, lalo na ang kababaihan, na hinahanap hindi lamang sa US kundi sa buong mundo. “Filipino migrant workers, especially women, have garnered the reputation of being the best among domestic caregivers because Filipinos are naturally nurturing, caring. These are the special qualities that we have. And we’re proud of that, being desirable workers,” aniya.

Sa kabila ng pagiging mabuting mga manggagawa (na bentahe sa mga kapitalista), mahigit 4,000 na Pilipino ang umaalis sa bansa araw-araw. Ayon kay Aguilar, may mahalaga itong sinasabi hinggil sa katangian ng lipunang Pilipino. Gayunpaman, dahil sa konserbatismo at kawalan ng pagkakaintindi sa neo-kolonyalismo, hindi kinukuwestiyon ng marami ang patuloy na diaspora na ito.

Ito rin umano ang nagdudulot ng umano’y “pagbubulag-bulagan” sa tunay na kalagayan ng mga migrante, lalo ng kababaihan. “We know for a fact that women are being oppressed, that they are being trafficked overseas, but we are taught to excuse it and or to blame the individual,” ani Aguilar. Dagdag niya, ang tungkulin ng bawat isa ay kumonekta sa lipunan at alisin ang pokus sa indibidwal. (“Our task is to connect with the social, and not focus on the individual”)

Hangga’t di lumalaya ang Pilipinas

Ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, “Ang buhay ni Carlos (Bulosan) sa Estados Unidos, ang kanyang diskriminasyon na naranasan, ay walang pinagkaiba sa dinaranas ngayon ng 15 milyong Pilipino  na nakakalat sa 234 na bansa. Walang pinagkaiba–busabos, at sa totooo lang, hindi na tao ang pagtingin. Kapag ikaw ay isang migranteng manggagawa, ikaw ay isang makina kung ituring,” aniya.

Idiniin naman ni Agerico DeVilla, propesor ng Pilosopiya sa UP Diliman, ang pangangailangan ng kaisipang manatili sa sariling bayan. Bilang nag-iisa sa kanyang pamilya na naiwan sa Pilipinas, nagpahayag siya ng panghihinayang sa talino ng mga Pilipino na nagsisipag-abroad. “Kailangan natin ang mamumuno sa sarili nating bansa,” pagsusumamo niya, partikular sa mga tagapakinig na mag-aaral.

Pambihira na ang mga Fil-Am na bumabasa at nakakakilala kay Bulosan, lalo na ang nakakakuha ng mahahalagang aral mula sa kanyang buhay at pakikibaka. Pambihira na rin ang mga Pilipinong pipiliin hindi lamang mabuhay, kundi makibaka sa sariling bansa.

Gayunpaman, may potensiyal at tungkulin ang bawat Pilipino, sa loob o labas man ng bansa, na mag-ambag sa ikalalaya ng kanilang sarili. Ayon nga kay San Juan sa kanyang pagtatapos, “Hangga’t hindi lumalaya ang Pilipinas, hindi natin makikita ang tunay na halaga ng mga Pilipino. Kailangan munang mapalaya natin ang ating bayan bago natin mapalaya ang ating sarili.”