Mga natatanging personal na karanasan sa 10th Hong Kong Asian Fund Financing Forum ng 36th HK International Film Festival
Dahil postmodernismo na, wala nang hangganan ang impluwensiya ng mga sining sa bawat isa saan mang kontinente at hanggat may mahihita ang isang tao sa kanyang kapwa sa pagsulong ng kanyang damdamin at kaisipan, humahayon na sa lahat ng panig ng mundo ang mga unipormadong karanasan ng bawat isa kabilang ang showbiz. Kamakailan ay nanggaling […]
Dahil postmodernismo na, wala nang hangganan ang impluwensiya ng mga sining sa bawat isa saan mang kontinente at hanggat may mahihita ang isang tao sa kanyang kapwa sa pagsulong ng kanyang damdamin at kaisipan, humahayon na sa lahat ng panig ng mundo ang mga unipormadong karanasan ng bawat isa kabilang ang showbiz.
Kamakailan ay nanggaling kami sa Hong Kong para dumalo sa ika-10 HK Asian Fund Financing Forum, mas kilala sa dinaglat na HAF na sinimulan ng alagad rin ng sining sa HK na si Jacob Wong.
Ang 10th HAF ay bahagi ng HK International Film Festival na ngayong taong ito ay nagdiriwang ng ika-36 na selebrasyon kung saan si Roger Garcia naman ang namumuno ng pestibal.
***
Ang showbiz ng Hong Kong ay walang pagkakaiba sa showbiz ng Pilipinas kahit na sa pundo dahil kahit na konti lang ang pera ng showbiz sa bansa natin, gano’n din ang sistemang bumabalot dito na sa kalaunan ay sumusuma tutal din sa komersyo, kapitalismo, pamumuhunan at iba pang kaugnay na elemento ng negosyo sa buong mundo.
Ang Hong Kong International Film and TV Market (FILMART) ang kumakatawan sa merkantilismo ng showbiz sa Hong Kong kung saan ito ang eksibisyon at merkado ng bilihan, palitan, tubuan at iba pa sa larangan ng aliw na kinakatawan ng iba’t ibang bansa sa daigdig na nais ipamarali ang kanilang mga produktong pantelebisyon at pampelikula at ang mga ganansiyang makakamtan dito sa proseso ng pang-ekonomikong ugnayan ng bawat isang tao, isang bansa, isang industriya.
***
Hindi nagpahuli ang Pilipinas sa pagtugpa sa kalakalang ito ng globalisasyon sa anumang hitsura o resulta sa pagkuha ng ABS-CBN, GMA Network, Unitel ni Tony Gloria, Film Development Council of the Philippines ng kani-kanilang puwesto o booth sa tiyanggeng ito sa Hong Kong.
Tiyangge itong multi-milyon o bilyon ang pinag-uusapan sa mga produktong pang-aliwan anuman ang kalidad ng mga ito.
Kami man ay nakisali sa palitang ito ng ideya at komersyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng trailer o teaser ng pelikula ng Fil-Briton director na si Jowee Morel ng kanyang pinakabagong obrang “Leona Calderon” na pinangungunahan ni Pilar Pilapil kasama ang premyadong British at Hollywood actress na si Virginia McKenna.
Nagbigay kami sa booth ng Archstone Distribution sa Amerika at sa FDCP na ayon kay Abrumel Loong, Project Development Officer ng FDCP ay ipinalabas nila nang ipinalabas sa TV set na nakadispley sa loob ng puwesto ng ahensiya.
***
Nais ng ABS-CBN na maipagbili ang kanilang mga TV show na may mga subtitle na Tsino o Koreyano o Hapones o iba pang wika para makarating sa mas malawak na pamilihan ng telebisyon at ganito rin ang nais ng GMA Network at Unitel.
Dumalaw sa booth ng FDCP si Ronald Arguelles, ang Head ng Cinema One ng ABS-CBN at si Joji Alonso, ang prodyuser ng “Ang Babae sa Septic Tank” na pinagbibidahan ni Eugene Domingo.
Si Eugene nga ang nagwaging Best Actress sa 6th Asian Film Awards na idinaos sa unang araw ng HAF sa pareho ring lugar, sa HK Convention and Exhibition Centre sa Wan Chai.
Best Actress si Eugene pero hindi sa pagpili ng mga hurado kundi siya ang Pinakamahusay na Aktres na Paborito ng mga Tao sa Hong Kong.
Dahil ang nanalong Best Actress sa pananaw ng mga lupon ng inampalan ay isang Tsina na bida sa pelikulang “A Simple Life” katambal ang HK Superstar na si Andy Lau na nagwaging Best Actor dahil bida sa obra.
Pero dahil pinahahalagahan ni Domingo ang parangal, tinanggap niya nang walang pakundagan at alinlangan ang tropeyo at nagbiro pa kay Andy sa entablado.
Kailangan daw halikan siya ni Lau dahil limang taon ang hiniling ni Ugie, palayaw ni Eugene, ang karangalan, isang hiling na pinagbigyan ni Andy na ikinatuwa ng mga manonood kaya aliw na aliw sila kay Eugene.
O, di ba, kahit sa ibang bansa, ganyan din ang showbiz sa pakuwela at tawanan.
***
Nagwagi rin si Shamaine Centenera-Buencamino bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang “Niño” ni Loy Arcenas at natalo naman si Chris Martinez sa kategorya ng Best Screenplay para sa “Ang Babae sa Septic Tank” sa “A Separation” na sinulat ng isang Iranian.
Gayunman, taas-noo ang mga Filipino sa Hong Kong sa mga tagumpay na ito kabilang sina Briccio Santos, ang Tagapangulo ng FDCP; Senedy Que, isang filmmaker; Ed Cabagnot ng Cultural Center of the Philippines.
Showbiz na showbiz talaga ang HAF at HIFF at ang mga kaganapan sa loob ng pagdiriwang ng mga ito dahil ang mga ito ay malalim, malawak, matalinghaga, masalimuot, madrama, madula, makulay, matunggali at iba pang katangian ng buhay dahil ang buhay ay showbiz at ang showbiz ay buhay.