Tinig Kalikasan

Araw ng pagkakapit-bisig para sa kalikasan at mamamayan


Ngayong Abril 22 ay Earth Day: isang araw ng pagdiriwang, pagkilos at protesta. Isa itong pagkakataon upang kilalanin ang mga biyaya ng ating kalikasan at palakasin ang panawagan na ipagtanggol ang ating ekolohiya at likas na yaman laban sa mga puwersang naninira nito.

Ngayong Abril 22 ay Earth Day: isang araw ng pagdiriwang, pagkilos at protesta. Isa itong pagkakataon upang kilalanin ang mga biyaya ng ating kalikasan at palakasin ang panawagan na ipagtanggol ang ating ekolohiya at likas na yaman laban sa mga puwersang naninira nito.

Apatnapu’t dalawang taon nang inilulunsad ang Earth Day. Nagsimula ito bilang isang malawak na environmental teach-in sa Estados Unidos (US) noong Abril 22, 1970 sa inisyatiba ng Amerikanong senador na si Sen. Gaylord Nelson. Pagtugon ito ng mamamayan ng US sa isang oil spill sa California noong 1969, sa estilo ng mga teach-in ng mga kilusang kontra Vietnam war. Sa ika-22 ng Abril inilunsad ang unang Earth Day upang hindi tumapat sa panahon ng pagsusulit at ‘spring break’ sa mga paaralan, upang makahikayat ng mas maraming estudyante na lumahok rito. Nagkataon naman na ang Abril 22 ay kaarawan pala ng Rusong rebolusyunaryo na si Vladimir Lenin, kaya napaghinalaan rin ito ng mga kontra-Komunistang ahensya noong panahong iyon.

Marami na ang nagbago mula sa unang Earth Day noong 1970. Mula sa ilang unibersidad sa US, ipinagdiriwang na ito sa mahigit 175 na bansa, kasama ang Pilipinas. Mas marami na ring maka-kalikasang kampanya at araw ngayon, katulad ng Earth Hour, World Environment Day ng United Nations, at iba pa. Nilalahukan ang mga ito ng maraming mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng mundo ngunit nagagamit rin ito ng mga malalaking korporasyon para sa kanilang ‘green-washing.

Sa Pilipinas, nararapat lamang na dapat sagipin ang kalikasan, dahil dito nakasalalay ang kabuhayan at buhay ng maraming mamamayan:

  •  Kalakhan ng mga kagubatan – na sumasaklaw sa mahigit 70% ng kalupaan ng bansa noong 1900s – ay nasira sa nakaraang 100 taon dahil sa pagtrotroso, pagmimina at iba pa.  Tinataya ng mga NGO na 19% hanggang 6.6% na lamang ang ating forest cover ang natitira. Maraming katutubo at komunidad ang naapektuhan dahil rito.
  • Itinuturing na sentro ng marine biodiversity sa buong mundo ang Pilipinas,  pero nayuyurak na ang karagatan na tahanan ng laksang-yaman na ito. 98% ng mga bahura (coral reefs) ng bansa ay nanganganib na. Mahigit 75% ng bakawan (mangroves) ay nawala mula 1918 hanggang 2000. 50% ng seagrass beds ay nasira sa nakaraang 50 taon. Sa kabila ng biyaya ng ating mga karagatan, ang mga mangingisda at mamamalakaya ay nananatiling isa sa pinakamahirap na mga saray sa lipunang Pilipino.
  •  Ang lupaing agrikultural ng bansa ang nasisira at hindi napakikinabangan ng mamamayan mismo. Kontrolado ito ng iilang pamilya at korporasyon na naging bukas sa kumbersyon ng lupa, paglawak ng plantasyon para sa biofuel at export crops, at malakas na paggamit ng agrochemical technologies. Laganap na ang kagutuman sa hanay ng mga magbubukid at magsasaka.
  • Talamak ang polusyon sa mga siyudad at kalunsuran. Ang hangin at ilog ng Maynila ay kabilang na sa mga pinakamarumi sa buong mundo. Masama ang epekto nito sa kalusugan ng mamamayan, lalo na ng mga maralitang tagalungsod na walang akses sa mga serbisyong pangkalusugan.
  • Hawak naman ng dayuhan at ng iilan ang mga rekursong mahalaga para sa pag-unlad ng bayan. Maraming mapagkukunan ng tubig, pero mahal pa rin ang serbisyong patubig at inumin dahil rito. Ang mayamang reserba ng minerals at enerhiya ng bansa ay pinababayaan na lamang dambungin ng malalaking dayuhang korporasyon kapalit ng pagkasira sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan.
  • Ang lahat ng ito ay nagpapalala sa bulnerabilidad ng ating mamamayan sa mga epekto ng global warming:  katulad ng mas madalas at malakas na mga bagyo, pagbabago ng dalas at dami ng ulan, pagtaas ng dagat at pag-init ng panahon

Patuloy na lumalala ang krisis ng kalikasan na hinaharap ng Pilipinas. Nararanasan na natin ang epekto nito sa pamamagitan ng mga sakuna at disaster na tumatama sa bansa.  Nananatiling kapos – at madalas nakapagpapalala sa mga kasalukuyang problema – ang mga patakaran, programa at proyekto ng kasalukuyang administrasyon. Patuloy rin ang pagpatay, harassment at paglabag ng karapatang pantao ng mga lumalaban para sa kalikasan.

Ang pangdaigdigang tema ng Earth Day 2012 ay Mobilize the Earth. Buong mundo ang apektado, kaya buong mamamayan din ng mundo ang dapat magbago. Pakilusin ang nakararami upang baguhin ang umiiral na kalakaran na paggamit ng kalikasan na para lamang sa iilan.

Sa Pilipinas naman, Kapit-bisig para sa kalikasan ang panawagan para sa Earth Day ng Kalikasan Partylist. Kapit-bisig: hindi kibit-balikat at hindi kanya-kanya.

Madalas na sinasabi na nagmumula ang pagbabago ng kalikasan sa sariling aksyon, kagaya ng pagdampot ng mga maliliit na basura, pagbabago ng lifestyle at pagtitipid. Bagama’t importante ito, hindi sapat na baguhin lamang ang sarili at manatili na lamang doon. Kung titingnan natin, magkakaugnay ang lahat ng bagay: ang pagkilos ng isa ay kailangang maging isang kolektibong puwersa kung nais natin ito makaambag sa pagbabago.

Kaya’t kailangang makipagkapit-bisig sa iba pa para maisaayos natin ang kalikasan: sama-samang organisadong lakas para ipihit ang maling pagdarambong at pagsira ng ating kapaligiran bago maging huli na ang lahat.

Si Lisa ay kasapi at isa sa mga convenor ng Kalikasan Party-list.