Interbensiyong militar ng US, pinaiigting dahil sa mga kontratang eksplorasyon sa langis – Gabriela


Kinalampag ng kababaihan ng Gabriela mula sa iba’t ibang komunidad sa Maynila ang Mendiola noong Abril 20 para igiit ang pagbabasura ng Visiting Forces Agreement (VFA). Ayon sa Gabriela, “ipinagbili” ni Pangulong Benigno Aquino III ang soberanya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapanatili ng VFA. “Nakapanlulumo na habang sinisisi ni Pangulong Aquino ang Tsina dahil […]

"Bentador" ng likas-yaman ng bansa at "tuta" ng gobyernong US ang bansag ng kababaihan ng Gabriela sa administrasyong Aquino. (Joan Cordero)
"Bentador" ng likas-yaman ng bansa at "tuta" ng gobyernong US ang bansag ng kababaihan ng Gabriela sa administrasyong Aquino. (Joan Cordero)
"Bentador" ng likas-yaman ng bansa at "tuta" ng gobyernong US ang bansag ng kababaihan ng Gabriela sa administrasyong Aquino. (Joan Cordero)

Kinalampag ng kababaihan ng Gabriela mula sa iba’t ibang komunidad sa Maynila ang Mendiola noong Abril 20 para igiit ang pagbabasura ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon sa Gabriela, “ipinagbili” ni Pangulong Benigno Aquino III ang soberanya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapanatili ng VFA.

“Nakapanlulumo na habang sinisisi ni Pangulong Aquino ang Tsina dahil sa pagpasok nito sa Panatag Shoal sa bansa, hinahayaan naman nito na huthutin ng mga dayuhang korporasyon ang langis sa ating bansa,” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

‘Noynoy bentador’

Sa pamamagitan umano ng VFA, malayang nakakamal ng dayuhang mga korporasyon ang yamang mineral at langis ng bansa. Binigyan din umano ni Aquino ang mga kompanyang ito ng oil exploration contracts.

“Habang tumataas ang presyo ng langis sa merkado, tumataas din ang mga bilihin. Kahit na mayaman ang bansa sa deposito ng langis, mineral, at gas, hindi natin ito napakikinabangan dahil kontrolado ang mga ito ng mga dayuhang kompanya,” dagdag ni Salvador.

Dahil din sa Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at US, nabibigyang pahintulot ang pagbubungkal ng 12 bagong oil exploration contracts sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang pagkontrol ng pribadong dayuhang mga kompanya sa likas-yaman ng bansa ang siya rin umanong dahilan kung bakit magtataas na ngayon ng singil sa kuryente sa Mindanao.

“Hindi na tayo magugulat kung ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa Mindanao ay isang paraan lamang para isapribado na ang industriya ng kuryente,” ani Salvador. Kapag pribadong kompanya na umano ang humawak sa industriyang ito sa Mindanao, madali na umanong kontrolin at taasan ang presyo ng kuryente.

Paliwanag pa ni Salvador, paraan lamang umano ng US ang kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Tsina hinggil sa mga isla ng Spratlys at Scarborough Shoal. Tuntungan lamang umano ito upang makapagpatalaga nang higit na bilang ng tropa ng mga Amerikanong sundalo.

“Kailangang makamit ang pag-angkin natin sa Spratlys (at Scarborough Shoal) sa pamamagitan ng lahat posibleng mapayapa at diplomatikong pamamaran, at di nasasalaula ang ating pambansang soberanya, teritoryal na integridad, kaligtasan at interes ng mga mamamayan,” paliwanag pa ni Salvador.

‘US troops, palayasin!’

Ayon pa sa Gabriela, hindi pantay ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US sa VFA. Higit umano itong pabor sa interes ng US.

“Sa ilalim ng VFA, may criminal immunity ang mga sundalong Amerikano na ang ibig sabihin… nasa custody ng Amerika ang sinumang sundalong Amerikano na magkasala, hindi na rin nila kailangang kumuha ng passport, driver’s license, at iba pa,” ani Salvador.

Para sa kababaihan, higit na isyu ng kawalan ng soberanya ang pagtanggap ni Aquino sa VFA kaya dapat itong tutulan.