Madudugong demolisyon sa Paranaque, iba pang lugar kinondena


Kinalampag ng kabataan ang National Housing Authority (NHA) matapos ang marahas na demolisyon sa Silverio Compound, Paranaque noong Abril 23. May isang namatay, samantalang 33 ang nakulong at 36 naman ang sugatan sa naganap na insidente, ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Kahapon natapos ang 10-day eviction notice na ibinigay ng lokal na pamahalaan […]

Kinondena ng militanteng mga grupo ang administrasyong Aquino at ang may-ari ng SMDC na si Sy sa marahas na demolisyon sa Silverio Compound noong Abril 23. (Macky Macaspac)
Kinondena ng Bayan Muna Party-list ang madugong demolisyon sa Silverio Compound at tinawag ang administrasyong Aquino na "berdugo" dahil sa paggamit umano ng brutal na mga paraan sa pagtaboy ng mga maralita. (Joan Cordero)
Kinondena ng Bayan Muna Party-list ang madugong demolisyon sa Silverio Compound at tinawag ang administrasyong Aquino na "berdugo" dahil sa paggamit umano ng brutal na mga paraan sa pagtaboy ng mga maralita. (Joan Cordero)

Kinalampag ng kabataan ang National Housing Authority (NHA) matapos ang marahas na demolisyon sa Silverio Compound, Paranaque noong Abril 23.

May isang namatay, samantalang 33 ang nakulong at 36 naman ang sugatan sa naganap na insidente, ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Kahapon natapos ang 10-day eviction notice na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Paranaque upang lisanin na ng mga residente ang kanilang mga tahanan. Ayon sa mga residente at batay sa mga dokumento ng lokal na pamahalaan, balak ng huli na pagtayuan ng condominium ng SM Development Corporation ang compound na may 9.7 ektarya.

“Tila naging guwardiya ni Henry Sy at ng SM ang PNP Southern Police District dahil sa pagtatanggol nito sa kanilang interes.  Kinokondena namin ang marahas na demolisyong ito na nagdulot ng kamatayan,” ani Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.

‘Kontra-mahihirap, mamamayan’

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nakagawa ng krimen si Henry Sy sa mga mamamayang mahihirap.

“Matapos imasaker ang mga puno sa SM Baguio, minasaker naman ni Henry Sy ang mga taong naninirahan sa Silverio Compound,” ani Crisostomo.

Matatandaang nitong mga nakaraang buwan, ipinaputol ng SM Development Corporation sa pamumuno ni Henry Sy ang higit isang daang pine trees upang palawakin ang SM Baguio.

Ngunit bago pa man din ang taong 2012, laganap na ang “kagahaman” ng SM, ayon sa organisasyong Anakbayan.

Ilan umano sa mga manipestasyon nito ang laganap na sexual harrassment sa kababaihang sales ladies, higit walong oras na pagtayo, 30-minute break lamang sa buong oras ng paggawa, paglusaw sa unyon, kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa, at iba pa.

 Kontra-demolisyon, relokasyon

Samantala, nagprotesta rin ang mga residente ng Sitio San Roque upang kondenahin ang naganap na demolisyon sa Paranaque.

Tulad ng mga residente sa Silverio Compound, minsan na ring tangkailang idemolis ang kanilang mga tirahan noong 2010. Nais naman silang paalisin sa kanilang mga tirahan upang pagtayuan ang kahabaan ng EDSA ng mga establisyementong pangnegosyo bilang bahagi ng proyektong Quezon City Central Business District (QCCBD) ng gobyerno.

Sa katunayan, sa darating na ika-14 ng Mayo, mayroon muling demolition notice para sa mga residente ng San Roque.

Bagaman may iniaalok na relokasyon sa Gaya-Gaya, Bulacan, at Montalban, Rizal ang pamahalaan sa mga residenteng tatanggalan ng tirahan sa San Roque at Silverio Compound, nanindigan silang hindi lilipat doon.

“Mamamatay kami sa gutom kapag tinanggap namin ang relokasyon. Pamasahe pa lang papunta doon, walang-wala na. Wala ng matitira sa aming sahod kung ganoon,” ani Sheila Bernal ng Kadamay – Silverio Compound.

Malayo sa kanilang mga kabuhayan ang titirahan sa Bulacan at Rizal. Wala rin umanong kabuhayan roon, at walang seguridad sa pagkakaroon ng tahanan.

Katunayan, nagprotesta din ang relocatees sa Montalban, Rizal kahapon matapos makatanggap ng ulat na ipapasara ang mga bahay ng relocatees na hindi pa nakapagbabayad ng upa sa tirahan.

“Paano kami makakapagbayad ng upa buwan-buwan kung mismong pagkain pa nga lang ng pamilya namin sa isang araw, problemado na kami,” sabi ni Merci Merilles, lider ng Montalban Relocatees Alliance. Kawalan ng hanapbuhay ang itinuturong dahilan ng kawalan ng pambayad sa kanilang mga tirahan.

“Wala kaming pagpipilian kundi ang lumaban para sa aming mga tirahan,” dagdag ni Bernal.