Sa pulong ng Asian Development Bank: Kahirapan, di maaaring ikubli – Bayan
“Hindi maitatago ang kahirapan ng matataas na pader ng gobyerno ng Pilipinas.” Ito ang reaksiyon ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sa pagtayo ng matataas na mga pader at pangharang sa mga maralitang komunidad sa malalaking kalsada sa Kamaynilaan na dinaraanan ng 4,000 delegado ng ika-45 taunang pulong ng Asian […]

“Hindi maitatago ang kahirapan ng matataas na pader ng gobyerno ng Pilipinas.”
Ito ang reaksiyon ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), sa pagtayo ng matataas na mga pader at pangharang sa mga maralitang komunidad sa malalaking kalsada sa Kamaynilaan na dinaraanan ng 4,000 delegado ng ika-45 taunang pulong ng Asian Development Bank (ADB) sa Maynila noong Mayo 2-4.
Sinasalungat naman ng isang sarbey ng Social Weather Stations ang isinagawang pagtatago ng pamahalaan sa mga imahe ng kahirapan sa bansa. Ayon sa nasabig sarbey, 11.1 milyong pamilyang Pilipino ang tinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Mahigit 20 bahagdan ang itinaas nito mula sa 9.1 pamilyang naitalang self-rated poor noong Disyembre 2011.
Tinuligsa rin ng Bayan ang “red carpet treatment” na ibinibigay ng pamahalaan sa ADB, na siya umanong pasimuno ng mga “anti-development” na mga polisiyang inilalako lamang ang bansa sa pribado at banyagang mga korporasyon at higit na nagdudulot ng kahirapan sa mga mamamayan.
ADB, kontra pag-unlad
Ilan sa mga naninirahan sa mga barung-barong na itinago ng pamahalaan sa mga delegado ng pulong ng ADB ay mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer (CCT), ayon sa Human Rights Watch.
Isa ang CCT sa mga repormang pinondohan ng ADB at ipinatupad ni Pangulong Benigno Aquino III upang solusyunan ang kahirapan sa bansa.
“[The CCT] has not made a dent in poverty despite the billions of pesos allocated for the program,” ani Reyes.
Kabilang rin sa mga polisiyang pinangunahan ng ADB na tinuligsa ng Bayan ang Electric Power Industry Reform Act (Epira). Ayon sa Bayan, ang batas ito ang dahilan kung bakit higit na mataas ang singil ng kuryente sa bansa kumpara sa mga karatig-bayan gaya ng Hong Kong at South Korea.
Simula nang maisabatas ang Epira noong 2001, tumaas nang higit sa doble ang presyo ng kuryente sa bansa mula $0.08 per kWh hanggang sa $0.18 per kWh sa kasalukuyan, ayon sa datos mismo ng Department of Energy.
Maliban sa pagtaas ng singil sa kuryente, ang ADB rin ang nanguna’t nagpondo sa pagsasapribado sa serbisyo ng tubig sa Pilipinas, kabilang ang mga sistema ng irigasyon at mga dam. ADB rin ang naging dahilan sa komersalisasyon ng National Food Authority, ani Reyes.
Lumalalang kahirapan
“The chronic problem [of poverty] shows that the economic impositions of lending agencies like the ADB and World Bank are not working for the people,” paliwanag pa ni Reyes.
Sa halip na pondohan ang pagkakaroon ng abot-kaya at dekalidad na batayang serbisyo, nauuwi lamang ang badyet ng bansa sa mga repormang kagaya ng mga iminumungkahi ng ADB na hindi naman tunay na nagbibigay-solusyon sa kahirapang dinaranas ng mamamayan, ayon sa Bayan.
“Prices have gone up, local industries are shutting down, joblessness remains high, domestic resources are being plundered and profits are shipped back to the more industrialized countries,” dagdag ni Reyes.
Sa tala ng Bayan, tinatayang umabot na sa $5.84 Bilyon ang utang ng bansa sa ADB noong 2011. Nakatakda namang gumastos ang administrasyong Aquino ng P738.6-B ngayong 2012 bilang pambayad sa utang ng bansa, samantalang P575.8-B naman ang nakalaan para sa mga batayang serbisyo ng mga mamamayan.