Mahal, di maaasahang kuryente, dahil sa pribatisasyon
Walang habas ang taas-singil sa kuryente sa mga lugar na may pribadong kontrol ang suplay at distribusyon ng kuryente. Sa pagtulak ni PNoy ng lalong pagsasapribado ng serbisyo ng kuryente sa Mindanao, nakaamba ang lalong taas-singil sa kuryente
Salin sa Pilipino ni Kristine Joy A. Echaluce

MACO, Compostela, Philippines – Isang pribadong oil-fired power generation facility na tinatawag na Power Barge 118 ng Therma Marine Inc. (TMI) ang matatagpuan sa Maco, Compostela Valley. Pero mahal ang kuryente sa Maco.
“Pinapatay namin ang ilaw namin sa gabi, para mabawasan ang bayarin sa kuryente. Mas mahal na kasi ang singil ng kuryente dito kaysa sa Davao City,” saad ni Inday Mahusay, tindera ng sari-sari store sa lugar. Ilang metro lang ang layo ng tindahan niya sa TMI Power Barge 118 na pinatatakbo ng pinakamalaking tagasuplay ng kuryente, ang Aboitiz Power Corp. Ngunit kahit anong pagtitipid ang gawin nila, hindi pa rin mababawasan ang bayarin sa kuryente nina Inday. Gumagamit sila ng refrigerator para sa kanilang mga paninidang mga alak, softdrinks at yelo. Kahit pa man tatlo hanggang limang oras ang brownout nila roon araw-araw ay wala silang magawa kundi ang magbayad ng kanilang bwanang bayarin sa kuryente.
Ang kalagayan ng pamilyang Mahusay ay katulad din sa mga taong nakatira malapit sa power generating facilities. Andyan lang ang kayamanan, malapit lang, pero hindi para sa kanila ang kuryente. Halimbawa na rito ang mga komunidad sa Kidapawan City, North Cotabato at Iligan City, Lanao del Norte, na pawang mga biktima din ng mahaba at nakakamanhid na power cuts araw-araw.
Kanino ang benepisyo?

Itinayo ng gobyerno ang Maco Power Barge 188 noong 1994 sa pamamagitan ng National Power Corp. (Napocor). Makalipas ang 15 taon, binili ito ng Aboitiz, kasama ang PB 117 sa Nasipit, Agusan del Norte.
Maganda ang mga negosyo. Binili ng nangungunang kompanya ang apat pang ibang power barge noong Mayo ng huling taon. Pero ang mga residenteng tulad ng mga Mahusay, hindi binigyan ng mura at permamenteng suplay ng kuryente.
Kung ipapatupad ba ito sa lahat ng mga komunidad, makakabenepisyo ba ang karamihan?
“Mayayman lang ang may kaya nu’n, hindi kami,” dugtong pa ni Inday. Mahirap na para sa kanila ang panatilihin ang isang sari-sari store na kumukonsumo ng kuryente.
Nang maganap ang isang Mindanao Energy Summit na dinaluhan ng 300 power industry stakeholders noong Abril 13, binigyang-diin ni Pang. Benigno Aquino III ang pagsasapribado bilang “tanging solusyon” sa power outages. Ayon din sa kanya, “hindi maganda” na kinokontrol at pinatatakbo ng gobyerno ang Agus at Pulangi Hydropower Plants. Mas mabuti na raw ang ipagbili ito sa pribadong mga pag-aari. Pinigilan naman ito ng gobernador ng Agusan del Norte na si Rodolfo Del Rosario na ipagbili ito, dahil malaki ang nakukuha nilang kita na nagkakahalagang P7-Bilyon. Nakipagtalo pa rin si Aquino na “mas magandang long-term solution” ang pribatisasyon dahil magiging libre na raw sa burukrasya ang mga pasilidad na ito, at magiging malaya na mula sa tendensiya raw ng gobyerno na di-mahawakan nang maayos.
Kung ang mga natitirang pagmamay-ari ng gobyerno na power facilities sa Mindanao ay maipagbibili, asahan na lang nilang tataas pa ang bayarin gaya ng naganap sa Maco.
Para sa ordinaryong mga mamamayan tulad ng pamilyang Mahusay, karagdagan na namang pasakit sa kanila ang pribatisasyon na maaaring pumatay sa kanilang maliit na negosyo.