Kagyat na aksiyon vs paninira ng kalikasan para maibsan baha, iminungkahi ng Kalikasan


Naaalarma ang Kalikasan Party-list sa tila kakulangan ng aksiyon ng administrasyong Aquino para maibsan ang malupit na epekto ng baha sa Kamaynilaan at iba pang probinsiya. Ayon kay Clemente Bautista, pangulo ng Kalikasan, tila hindi sapat ang ginagawa ng administrasyon, lalo kung isasaalang-alang ang pangmatagalang epekto ng baha. Wala ring pangmatagalang plano para mabawasan ang […]

Pagbakwit ng mga apektadong residente ng baha sa Brgy. Tumana, Marikina (Gregorio B. Dantes, Jr.)
    Pagbakwit ng mga apektadong residente ng baha sa Brgy. Tumana, Marikina (Gregorio B. Dantes, Jr.)
Pagbakwit ng mga apektadong residente ng baha sa Brgy. Tumana, Marikina (Gregorio B. Dantes, Jr.)

Naaalarma ang Kalikasan Party-list sa tila kakulangan ng aksiyon ng administrasyong Aquino para maibsan ang malupit na epekto ng baha sa Kamaynilaan at iba pang probinsiya.

Ayon kay Clemente Bautista, pangulo ng Kalikasan, tila hindi sapat ang ginagawa ng administrasyon, lalo kung isasaalang-alang ang pangmatagalang epekto ng baha. Wala ring pangmatagalang plano para mabawasan ang epekto ng baha sa mga mamamayan.

Nagmungkahi ang Kalikasan ng tatlong kagyat na aksiyon na maaaring gawin ng pamahalaan: operationalize disaster management protocols, suspend large-scale mining operations and provide immediate aid, relief, at medical assistance for flood victims.

Sinabi ni Bautista na walang “konsisten na monitoring” at updating ang gobyerno sa mga lugar na bulnerable sa pagbabaha at/o flash floods pati ang landslides. Kasama rito ang mabababang mga lugar o mga komunidad na malapit sa malalaking dam at ilog.

Dapat umano bantayan din ang mga lugar na nakakalbo na ang mga gubat at itinuturing nang “geohazard zones.

All support must be given to ensure prompt and proper warning, evacuation and rescue of communities in danger, especially among the urban and rural poor,” sabi pa ni Bautista.

Maliban dito, hiniling din ng Kalikasan na iutos ni Pangulong Aquino ang pagtigil sa malawakang komersiyal na pagmimina sa bansa. Aniya, mas nakita ang masamang epekto ng pagmimina matapos magkaroon ng mine tailings spill kamakailan sa Padcal mine sa Tuba, Benguet matapos mapuno ng baha ang mga tunnel sa naturang minahan.

Philex (kompanyang nagmimina sa Benguet) is the country’s largest mining corporation and Padcal is the country’s largest gold mine. However, there are 30 other large-scale metallic mines and at least 21 abandoned mines where tailings dam failures and similar disasters can occur,” paliwanag ni Bautista.

Pangatlo, hiniling ng Kalikasan na paghusayan pa ng administrasyong Aquino ang pagsasagawa nito ng relief operations para sa mga nasalanta ng malakas na ulan at pagbaha.

Lumalabas umanong hindi natutugunan ng gobyerno ang kagyat na pangangailangan ng mga evacuee at iba pang nabiktima ng mga baha.

Panawagan para sa mga biktima

Samantala, ipinanawagan nila sa mga mamamayan at gobyerno na suportahan ang nagaganap na relief operations at mag-ambag ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga biktima ng pagbaha.

Dahil sa patuloy at malakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw, binaha ang maraming bahagi ng Metro Manila at ilang kalapit na probinsya na nagresulta sa pagbakwit ng mahigit 260,000 katao at pagkamatay ng higit sa 20 katao.

Bilang dagdag sa pagtugon ng pambansa at lokal na mga pamahalaan, maraming organisasyon at indibidwal ang nagbigay ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng baha.

Sa bahagi ng Kalikasan at mga volunteer nito, magpapakain sila ng lugaw ngayong araw sa Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City, isa sa mga pinakamatinding naapektuhan ng pagbaha. Susundan naman ito ng relief operation sa mga apektadong komunidad sa Cavite at Laguna, sa pakikipagtulungan ng Southern Tagalog Serve the People Corps (STP Brigade) at Kalikasan Party-list Southern Tagalog.

“May pangangailangan na magbigay ng agarang tulong sa mga biktima ng baha. Pagkatapos ng mga rescue operation, dapat mabigyan ng batayang pangangailangan ang mga komunidad tulad ng pagkain, damit at pangangailangang medikal para makaiwas sila sa mga sakit tulad ng leptospirosis, pagtatae at kolera,” sabi ni Clemente Bautista, Jr., presidente ng Kalikasan Partylist.

Nanawagan rin ang Kalikasan ng tulong tulad ng pagkain o pera para ibigay sa mga biktima ng kalamidad. Ang anumang tulong ay maaaring dalhin sa tanggapan ng Kalikasan sa #26 Matulungin Street, Barangay Central, Diliman, Quezon City mula alas-otso ng umaga hanggang alas-otso ng gabi na tatagal hanggang Agosto 15.

Ang unang serye ng kanilang relief operation ay nakatakda sa Agosto 10 sa Noveleta Cavite. Para sa mga interesadong tumulong, maaaring kontakin si Natalie Pulvinar sa numerong 920-90-99 o mag-email sa kalikasanpartylist1@gmail.com.