Masa ang tunay na bayani

September 21, 2012

Manipesto ng mga manggagawa ng La Tondena. Mula sa koleksiyon ni Dante Ambrosio.

Manipesto ng mga manggagawa ng La Tondena. Mula sa koleksiyon ni Dante Ambrosio.

Ang masa ang tunay na mga bayani.

Pinatunayan ito sa kasaysayan ng pakikibaka sa panahon ng batas militar. Libu-libong magsasaka, manggagawa, mga katutubo sa Cordillera at sa Mindanao, mga Moro at mga maralitang tagalungsod ang gulugod ng paglaban sa pasistang paghahari noong martial law. Bago pa man nangyari ang malawakang pagkilos ng mga panggitnang uri sa mga kalunsuran pagkatapos ng asasinasyon kay Ninoy Aquino, libu-libong manggagawa’t magsasaka ang lumaban sa diktadura; iginiit ang kanilang mga kahilingang pang-ekonomiya; ipinaglaban ang karapatan sa kanilang lupa at mariing tumutol sa pasistang panunupil.

Narito ang ilan sa kanilang  makasaysayang  paglaban sa gitna ng  represyon at panunupil ng diktadura.

Kilala ang mga manggagawa ng La Tondeña sa pagbali sa pagbabawal sa welga na itinakda ng diktadura sa pamamagitan ng General Order Number 5 na pinimarhan ni Marcos  noong Setyembre 22, 2012 .[1] Noong Oktubre 24, 1974 , nagdeklara ng welga ang mga manggagawa para sa regularisasyon ng  600 manggagawang kaswal at 500 manggagawang “ekstra” na mahigit na sa anim na buwan ang panunungkulan. [2] Dinahas ng mga sundalo at pulis ang piketlayn ng mga manggawa sa unang gabi pa lamang ng welga at hinuli ang mga welgista at kinulong. Pero malawak ang suporta ng unyon ng mga manggagawa ng La Tondena mula sa mga kapwa manggagawa sa mga karatig na pabrika, mga samahan sa komunidad, mga taong simbahan at mga estudyante.

Hindi lamang ang mga manggagawa ng La Tondeña ang nagpamalas ng tapang laban sa General Order ni Marcos. Sa maagang bahagi ng 1973, naglunsad na ng “sit-down strike” ang mga manggagawa sa isang pabrika ng tela sa Canlubang, Laguna at ng “wildcat strike” ang mga manggagawa ng General Textile Mills sa Libis, Quezon City.  Mga 900 manggagawa naman sa Pampanga Sugar Mills ay naglunsad ng boykot mula sa kanilang trabaho bilang protesta sa pagkabalam ng kanilang sahod.  Sa mga unang buwan ng 1974, ang mga manggagawa ng Lirag Textile Mills sa Malabon ay nagsagawa ng piket para sa mas mataas na sahod. Naglunsad naman ng martsa sa Bicutan ang manggagawa ng Gelmart, isang malaking pabrika ng pagawaan ng damit sa Paranaque, para igiit ang pagkilala sa kanilang unyon.

Ang mga katutubo (na karamihan ay mga magbubukid) ng Cordillera ay matapang na tumindig at lumaban sa proyektong Chico River Dam sa Kalinga at Bontoc at sa pagsasara ng  “Cellophil Resources Corporation na sumaklaw sa 200,000 ektaryang konsyeson para sa logging at paper pulp na iginawad ni Marcos sa kanyang kroni na si Herminio Disini noong 1973.” Pinaslang noong Abril 24, 1980 ng mga tauhan ng mga militar ng diktadura si Macliing Dulag, lider sa paglaban sa Chico Dam.

Ang demonstrasyon ng mga manggagawa sa tubuhan, magsasaka, mangingisda, estuyante, mga taong-simbahan sa Escalante, Negros Occidental noong Setyembre 20, 1985 para tutulan ang patuloy na pag-iral ng batas militar ay  marahas na binuwag gamit ang machine gun at automatic rifles. Dalawampung demonstrador ang namatay, 30 ang sugatan.

Hinarap ng 13,000  manggagawa ng Bataan Export Processing Zone (BEPZ) sa Mariveles, Bataan ang mga tangke ng army sa kanilang welga noong 1982.

Isa sa pinakaunang tumindig laban sa batas militar ang mga kapatid na Moro  sa Mindanao. Naglunsad sila ng armadong paglaban sa diktadura. Sa tindi nang ginawang operasyong militar ng mga tauhan ng diktadura sa Mindanao, mahigit sa 100,000 Moro ang tinatayang pinatay sa panahon ng batas militar.

Iilan lamang sa masang lumaban ang may pangalan sa mga aklat o naisama sa listahan ng mga bayani sa panahon ng batas militar. Pero hindi maitatwa, hindi matatawaran ang kanilang dakilang kontribusyon sa pagguhit ng kasaysayan ng paglaban sa panunupil at pang-aapi. At nakakatiyak tayo, na patuloy na titindig at lalaban ang masang Pilipino sa panunupil at pang-aapi kahit sa panahon na walang lantarang pagdeklara ng batas militar katulad sa kasalukuyan.

Pandarahas sa isa pang militanteng paglaban ng mga manggagawa ng Artex Textile Mills sa Malabon noong 1984. (Boy Bagwis)

Pandarahas sa isa pang militanteng paglaban ng mga manggagawa ng Artex Textile Mills sa Malabon noong 1984, panahon pa rin ng diktadurang Marcos. (Boy Bagwis)