Maralitang Lungsod

Pagpaslang sa menor-de-edad sa demolisyon sa Tarlac, kinondena


Mariing kinondena ng Anakpawis Partylist-Gitnang Luson, Karapatan-TarlacĀ at Salinlahi Alliance for Children’s Concerns ang pagkakapaslang sa isang 15 taong gulang na bata sa marahas na demolisyon sa maralitang komunidad sa Brgy. San Roque, Tarlac City, noong Oktubre 2. Ang biktimang si John Cali Lagrimas, mula sa Brgy. San Francisco ng naturang lungsod, ay napatay habang nagaganap […]

Walang-malay na si John Cali Lagrimas, 15 anyos, matapos ang pamamaril ng mga pulis sa mga lumalaban sa demolisyon. (Kontribusyon/AMGL)
Walang-malay na si John Cali Lagrimas, 15 anyos, matapos ang pamamaril ng mga pulis sa mga lumalaban sa demolisyon. (Kontribusyon/AMGL)
Walang-malay na si John Cali Lagrimas, 15 anyos, matapos ang pamamaril ng mga pulis sa mga lumalaban sa demolisyon. (Kontribusyon/AMGL)

Mariing kinondena ng Anakpawis Partylist-Gitnang Luson, Karapatan-TarlacĀ at Salinlahi Alliance for Children’s Concerns ang pagkakapaslang sa isang 15 taong gulang na bata sa marahas na demolisyon sa maralitang komunidad sa Brgy. San Roque, Tarlac City, noong Oktubre 2.

Ang biktimang si John Cali Lagrimas, mula sa Brgy. San Francisco ng naturang lungsod, ay napatay habang nagaganap ang demolisyon sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Ayon kay Joseph Canlas, tagapag-ugnay ng Anakpawis Partylist-Gitnang Luson, ang naturang demolisyon ay tahasang paglabag sa karapatan ng mga maralitang tagalungsod. May nakabimbing mosyon umano para ipawalang bisa ang demolisyon at may nakatakdang pagdinig sa Tarlac City Regional Trial Court sa Oktubre 12.

Wala rin umanong ipinakitang kautusan ng korte ang mga pulis at demolition team kaya malinaw na iligal ang demolisyon.

Sinabi pa ni Canlas na 51 taon nang inookupa ng mga residente ang naturang lugar at nagbayad na sila ng renta sa dati nitong may-ari. Subalit nitong mga nakaraang taon, isang nagngangalang Dennis Junio ang umaangkin sa lupa pero wala namang maipakitang katibayan ng pagmamay-ari, kaya tumangging lumikas ang mga residente.

Tinatayang 68 pamilya ang naapektuhan ng demolisyon.

Ang naturang demolisyon ay pinangunahan umano ng isang Col. Arnel Ramos ng Tarlac City Police. Kasama niya ang 200 miyembro ng demoliton team, 100 elemento ng PNP mula sa Camp Macabulos at Camp Olivas sa San Fernando, Pampanga, ilang miyembro ng SWAT at dalawang trak ng bumbero.

Sa pahayag ng Anakpawis Partylist, nagsimula ang demolisyon bandang alas-otso ng umaga habang malakas ang ulan. Dinepensahan umano ng mga residente ang kanilang tahanan hanggang magpaputok ng baril ang mga miyembro ng demolition team bandang alas-diyes na siyang nakapatay kay Lagrimas at nakasugat sa iba pa.

Sinabi pa ni Canlas na ang naturang demolisyon ay manipestasyon ng mga polisiya at programa ng administrasyong Aquino.

“Walang pabahay at kabuhayan para sa mga maralita habang isinusulong ng gobyerno ang pribatisasyon at komersiyalisasyon ng lupa. Ang mga maralita na matagal nang naninirahan sa kanilang lupain ay binabalewala at itinuturing na parang hayop. Wala silang pagpipilian kundi magkaisa at ipagtanggol ang kanilang tahanan laban sa demolisyon,” ani Canlas.

Sa tala naman ng Salinlahi, si Lagrimas ang ika-siyam na batang napaslang sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Aquino.