Dinky Soliman, inakusahan ng korupsiyon ng mga biktima ng Bagyong Pablo


Hiniling ng mga survivor ng Bagyong Pablo ang pagbibitiw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD)  Sek. Dinky Soliman na inakusahan nilang kinukurakot ang pondo para sa mga biktima ng bagyo. Sa isang pahayag, inireklamo ng mga residente ng Compostela Valley at Davao Oriental ang umano’y mismanagement at pangungurakot sa P18 Bilyong calamity fund […]

Mga biktima ng Bagyong Pablo, dalawang beses pa lang umanong nakatanggap ng relief packs sa loob ng dalawang buwan. (Kilab Multimedia)
Mga biktima ng Bagyong Pablo, dalawang beses pa lang umanong nakatanggap ng relief packs sa loob ng dalawang buwan. (Kilab Multimedia)

Hiniling ng mga survivor ng Bagyong Pablo ang pagbibitiw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD)  Sek. Dinky Soliman na inakusahan nilang kinukurakot ang pondo para sa mga biktima ng bagyo.

Sa isang pahayag, inireklamo ng mga residente ng Compostela Valley at Davao Oriental ang umano’y mismanagement at pangungurakot sa P18 Bilyong calamity fund at iba pang tulong mula sa internasyunal na komunidad. “Karamihan sa mga biktima ng Pablo ang dalawang beses pa lamang nakatanggap ng relief packs sa nakaraang dalawang buwan, na may kasama pang bulok na bigas,” ayon sa Barug Katawhan.

Nagpiket ngayong araw ang mga biktima sa harap ng tanggapan ng DSWD sa Region XI.

Inakusahan ng grupo ang DSWD ng overpricing sa mga bunkhouse na itinayo para sa mga biktima. “Iniulat sa mga pahayagan na kalahating milyong piso ang halaga ng bawat isa, pero ayon sa International Organization for Migration, nasa P200,000 lang ito. Sinabi rin ng DSWD na P50,000 ang ginastos nila para sa labor, pero P20,000 na lump sum lamang ang natanggap ng mga manggagawa,” ayon kay Karlos Trangia, tagapagsalita ng grupo.

Ibinunyag din ng grupo na may mga ghost list ang programang cash-for-work ng DSWD sa bayan ng Cateel, Davao Oriental at Monkayo at Compostela, Compostela Valley, kung saan peke umano ang pirma ng mga trabahador na binigyan ng ahensiya ng pera.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi rin ni Trangia na hindi pa rin binibigay ng DSWD ang 10,000 sako ng bigas na ipinangako ni Soliman matapos ang barikada ng mga biktima sa Montevista National Highway noong Enero 15.

“Napakaraming rekisitos na hinihingi, gaya ng paglista ng pangalan ng lahat ng benepisyaryo. Marami ang natatakot na gagamitin ito ng gobyerno laban sa kanila at sasampahan din sila ng mga kaso, gaya ng ginawa sa amin,” aniya.

Pitong lider ng Barug Katawhan, kabilang na si Trangia, ang kinasuhan ng pulisya ng public disorder at iba pang kaso matapos ang barikada.

Ayon pa kay Trangia, “nakikipagkutsaba” ang DSWD sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para gamitin sa kontra-insurhensiya ang mga relief effort ng gobyerno. Tinagurian niyang hamletting ang pagpapatira sa kanila sa mga bunkhouse na malapit sa opisina ng DSWD.

“Labag ito sa aming customary laws. Bakit hindi na lang kami bigyan ng mag materyales para makapagpatayo ng sarili naming bahay?” aniya.

Ibinebenta rin umano ng DSWD sa halagang P200 ang bawat relief pack, ayon sa reklamo ng mga Lumad sa Baganga, Davao Oriental.

“Mismong ang gobyernong Aquino ang nagtutulak sa 6.2 milyong biktima ng Pablo na bumangon at lumaban para mabuhay,” pahayag ng Barug Katawhan.

Isang malaking barikada ang muling ikakasa ng mga biktima sa Pebrero 15 para igiit ang kanilang mga kahilingan, kabilang na ang umano’y pananagutan sa sakuna ng malalaking kompanya ng mina at plantasyon.

Samantala, sa isang pahayag ng DSWD, sinabi ni Soliman na handa silang ibigay ang ipinangakong mga sako ng bigas, basta’t tutugon umano ang grupo sa walong rekisitos ng ahensiya.