Mayo 1, 2013: Dambuhalang protesta vs ‘kontra-obrerong’ rehimen ni PNoy

May 3, 2013

"Sahod itaas, presyo ibaba" pa rin ang isa sa pangunahing mga panawagan ng mga manggagawa sa Mayo Uno ngayong taon. (Macky Macaspac)

“Sahod itaas, presyo ibaba” pa rin ang isa sa pangunahing mga panawagan ng mga manggagawa sa Mayo Uno ngayong taon. (Macky Macaspac)

Sinabi ni Pangulong Aquino na dapat daw magdiwang ang sektor ng paggawa sa Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, dahil sa “good job” na ginawa ng administrasyon at naturang sektor. Pero ang sagot ng mga manggagawa: mas masidhing protesta at pagkondena.

Humigit-kumulang 30,000 katao, mula sa iba’t ibang unyon, pederasyon at organisasyong masa ang lumahok sa protestang pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Maynila noong Mayo 1. Muli nilang pinuntirya ang administrasyong Aquino sa mga programa at polisiya nitong “kontra-manggagawa”—kasama na ang pagtanggi na magbigay ng umento sa sahod sa araw ng mga manggagawa.

“Konsistent siya (Pangulong Aquino) sa pagbasura sa panawagang dagdag-sahod,” sabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Noong nakaraang taon, tumanggi rin si Aquino sa umento, at sa halip nagdeklara ng dagdag na P30.00 na Cost of Living Allowance (COLA). Pero ginagamit umano ng administrasyon ang dagdag na COLA bilang dahilan para di magdagdag ng sahod ngayong Mayo 1. Ayon sa batas, di raw puwede magdagdag ng sahod higit sa isang beses sa loob ng isang taon–maliban na lamang kung may supervening event, o ekstraordinaryong kaganapang magbibigay katwiran sa dagdag-sahod—para ibigay ang umento.

“Ano pa bang supervening event ang hinahanap ng gobyernong ito, gayung kitang-kita na ang sahod ng manggagawa ay napakalayo sa living wage,” sabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Sinabi ni Soluta na hindi na kasya ang sahod ng mga manggagawa sa nagtataasang presyo ng mga bilihin. Dagdag pa ni Soluta, “black mail” ang ginagawa ni Aquino sa pagsabi niyang magreresulta sa malawakang tanggalan ang anumang dagdag-sahod.

Naunang sinabi ng Malakanyang na P3.1-Trilyon ang mawawala kung pagbibigyan ang hinihiling na P125 dagdag-sahod. Pero sinabi ni Ferdinand Gaite, pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), na malilipat lamang ito sa kamay ng mga kawani at manggagawa, palayo sa kamay ng mga kapitalista na dambuhala na ang kita.

Ipinoprotesta rin ng KMU ang pagtanggi ni Aquino na ibasura ang iskemang kontraktuwalisasyon at kawalan ng kaseguruhan sa trabaho ng mga obrero. Mistulang nais ni Aquino na “malubos ang pagsasamantala sa mga manggagawa,” ani Soluta.

Kinondena din ng KMU ang paggamit ni Aquino sa non-wage benefits, dahil galing naman daw sa buwis at kontribusyon ng mga manggagawa ang mga ito. Hindi umano direktang makakapagbigay ginhawa ang non-wage benefits sa mga manggagawa sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

“Ang kailangan ng mga manggagawa, makabuluhang dagdag-sahod at seguridad sa trabaho. Ito ang kailangan ng pamilya ng manggagawa dahil tumataas ang singil sa kuryente, tubig at iba pang bayarin,” sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sinabi ni Salvador na ginagamit ng pangulo ang mag manggagawa at ang araw ng paggawa para pabanguhin ang imahe nito. “Ang kapal ng mukha niya, matagal ng walang ginagawa ang gobyerno para sa mga manggagawa,” aniya.

Sinabi naman ni kandidato sa pagkasenador ng Makabayan na si Teddy Casino na ipinakita ni Aquino ang “kawalang malasakit sa mga manggagawa.”

“Katiting na nga ang kahilingan nila, wala pa siyang itinira,” sabi ni Casino, tungkol sa patuloy na pagtanggi ni Aquino sa makabuluhang dagdag-sahod.

Martsa ng mga manggagawa patungong Mendiola. (Pher Pasion)

Martsa ng mga manggagawa patungong Mendiola. (Pher Pasion)

Sinabi pa ni Casino na hindi umano maasahan ang gobyerno ni Aquino na magtaguyod sa interes ng mga manggagawa, dahil “ang posisyon ng pangulo’y (laging) pabor sa malalaking employer, mga negosyante at sa mga dayuhang investor.”

“’Yung mga manggagawa, natin hindi man lang niya binigyan ng pagkilala at anumang pagmamalasakit,” sabi ni Casino, na tinaguriang tanging kandidato sa pagkasenador na nanggaling sa hanay ng kilusang manggagawa.

Samantala, sa misang idinaos sa Church of the Black Nazarene sa Quiapo alay sa mga manggagawa, pinasalamatan ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang mga manggagawa sa pagpapanday nito (manggagawa) ng lipunan.

“Salamat sa mga manggagawa, kung wala kayo, wala ang ating lipunan,” sabi ni Tagle, sa misang pinangunahan niya kasama ang 25 pang pari.

Ipinanawagan din ni Tagle na dapat umanong ipanguna ang dangal ng tao, ng mga manggagawa bago ang pagkamal ng tubo.

“Kahit nagbago pa ang classification ng manggagawa, ang dangal at karapatan nito’y hindi magbabago,” aniya. Idinagdag pa ni Tagle na kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan at nanawagan sa internasyunal na mga institusyon na tugunan ang isyu ng mga manggagawa.

Slideshow: Larawan nina Boy Bagwis, Darius Galang, KR Guda, Christine Kaye Javier, Macky Macaspac, Pher Pasion, Soliman A. Santos and Emilie Van Limbergen  | Audio: Live recording ng pagkanta ni Ericson Acosta ng “Patay Na Ang Kabayo” sa programa sa Mayo Uno, 2013 sa Liwasang Bonifacio, Manila.

Artikulo ni Macky Macaspac, karagdagang panayam ni Christine Kaye Javier