Nasaan ang happiness? (Naratibo ng isang araw sa buhay ng mga manggagawa sa Coca-Cola)
Isang sanaysay hinggil sa impresyon sa isang kabataang manunulat ng nakawelgang mga manggagawa ng Coca-Cola
MAKULIMLIM NA ang kalangitan nang marating namin ang dambuhalang pabrikang nakahilera sa labas ng mga tarangkahan nito ang piketlayn na kinatitirikan ng mga kawayang pinatungan ng tolda, kasabay na nakasabit sa harapan nito ang mga panawagan sa plastik na lubid na itinali sa magkabilaang pulang mga bandila na sumayaw sa pagaspas ng hangin.
Tila ipinapahiwatig ng panahon na tapos na ang tag-araw at paparating na nga ang tag-ulan, ngunit ni patak ng ambon ay wala kang maramdaman, tanging sipol lang ng mga ulap na nag-aabang ng mga pangyayari.
Kahapon ng umaga pagkagising ko, ito ang tumambad na balita sa pagbukas ko ng aking Facebook account: Ipinutok ng mga manggagawa ng Coca-Cola ang welga alas-4 ng madaling araw dito sa Sta. Rosa, Laguna. Kagyat nilang kahilingan ang madalas ding hinihiling ng iba pang manggagawang nakita kong nakapiket o nakasama sa mga rali sa Kamaynilaan: mataas na sahod, seguridad sa trabaho, dagdag benepisyo at pagkilala sa pagtatayo ng unyon.
Pagkatapos ng ilang mga pag-aangas ng post sa loob ng social media at pagkundena sa kabulukan ng sistemang nagpahintulot nito, napagpasyahan kong itigil na muna ang pandadaot sa birtwal na mundo at pakatotohanan ang mga salitang “Suportahan ang kanilang laban”. Kaya sinimulan ko ng mag-text at tumawag sa ilang mga kaibigan na gustong sumama, naligo, nagbihis, nag-deodorant, nagtooth-brush, nagmumog, nagbilang ng natitirang barya sa pitaka at saka sumakay sa unang dyip patungo sa kinaroroonan ng protesta.
Dalawang oras din ang inabot ng byahe, pansamantala akong nakaidlip sa huling mga minuto nito, nanaginip saglit ng katakot-takot na dispersal sa dahas ng mga kalasag at truncheon, saka biglang nagising nang sabihan ako ng aking kasamahan ng “Oi, dito na tayo bababa.”
Nang makatapak na kami sa aspalto, hinanap namin ang sentro ng bulto. Nalito kami dahil lahat ng itim na gate na aming nakita, ang bawat isa ay may nakaharang na grupo ng mga manggagawa: ang ilan nagpapahinga’t nakahiga sa karton, nagpapaypay gamit ang pinilas na kahon, habang naka-relyebo sa pagbabantay at pagmanman naman ang iba. Makalipas ang ilang pagtatanong, nahanap din ng aming mga paa ang Gate 4 na kinaroroonan ng pangulo ng Unyon ng mga Manggagawang Driver, Forklift Operator at Picker, na masaya kaming kinadaupang palad. “Sa YS po kami.” Pakilala ng katabi ko.
Habang ipinaliliwanag ni Kuya Avelino sa amin ang puno’t dulo ng mga dahilan ng kanilang laban, sa pagbanggit sa yugto-yugtong eksena na parang boksing na may halong teknikalidad ng saulado niyang mga pribisyon ng Labor Code (taliwas sa iniisip ng ilan, napakabihasa ng mga manggagawa sa pag-aaral ng mga batas na nakakaapekto sa kanila), lumipad ang aking isipan nang titigan ko at sinubukang silipin ang loob ng tahimik na gusali, ang matagumpay nilang napigilan sa pagparalisa ng produksyon. Sa likod ng anino ng mga bakal, lumakbay sa aking pisngi at nagpahiwatig ang hanging tumangay patungo sa aking nakaraan-na-parang-nag-time-space-warp bigla, isang alaalang ngayon ko lamang napagtanto:
Nakarating na ako dati sa loob ng pabrikang sarado ngayon sa harapan ko.
***

***
FLASHBACK, NOONG panahong nag-aaral pa ako sa high school. Sumama ako sa fieldtrip papuntang Laguna. Unang beses kong marating noon ang nasabing probinsya. Matapos kaming bumisita sa makasaysayang simbahan ng Paete at namangha sa mga wood carvings doon, pati na ang pamimili ng mga pasalubong na karamihan ay cookies n’ cream na pulburon sa Liliw, ang huling destinasyon ng aming paglalakbay sa araw na iyon, ay sa Sta. Rosa.
Naalala ko pang natuwa sa amoy ang mga kaklase ko nang malanghap ang halimuyak ng seasoning ng Cup Noodles nang lumampas ang aming bukas-ang-mga-bintanang bus sa pagawaan ng Nissin. Hindi ko tiyak ang rason kung bakit bilang isang Katolikong pamantasan, ang napili nilang climax ng aming trip ay walang iba kundi ang pabrika ng Coca-Cola. Dahil yata may kakilalang nagtatrabaho sa management doon ang isa naming guro o ang aming pari.
Sinalubong kami ng ngiti ng isang lalaking tour guide sa pagkalampas namin sa check-up ng mga security guard. Saka kami pinatuloy at pinalakad papunta sa loob ng gusali na habang papalapit nang papalit ay lalong lumalakas ang huni ng kalansing ng mga makina na parang libu-libong mga kutsara at tinidor ang nagtutunggalian sa loob ng higanteng dinner hall na puno ng mga pinggan. At tulad ng inaasahan, punong-puno nga ng makina ang loob ng pagawaan, asembliya ng mga di mabilang at tila nagmamartsang mga bote sa pag-ikot ng mga conveyor belt.
Unang dinemonstrate ng aming tour guide sa pagmamalaki na environmental friendship ang kanilang dakilang layunin, ay ang proseso ng paghugas ng mga gamit na bote. Awtomatik na mga parang-robot-na-daliring may nakakabit na spongha ang nagsabon sa mga ito, saka hinugasan ng walang hanggang sumisirit na tubig. Ibig sabihin, pro-recycling ang kumpanya (kaya naman tayo nagdedeposit ng barya kapag inuuwi natin ang mga bote). Tularan daw namin sila: Magtipid ng papel sa pamamagitan ng pagsusulat sa lahat ng espasyo nito o gamitin muli ang supot na pinagsiksikan ng mga pinalengkeng gulay ni nanay.
Pangalawang ipinakita ay kung paano tinitimpla ang paborito naming inumin. Hinarap kami sa mga malalaking silindrong bakal na may parang Geiger counter (dahil mahilig ako noon sa Dragon Ball Z) sa gilid nito. Ayun pala ay sinusukat nito ang pressure at temperatura. Tinapik ng tour guide ang isa sa mga dambuhalang lalagyanan, saka sinabi na sa loob nagaganap ang paghalo ng magic ng asukal at carbonated na tubig. Pero hindi niya binanggit ang iba pang recipe ng Coca-Cola, sikreto daw ito at lalong hindi sa kani-kanino sinasabi, iyon daw ang kanilang kaibahan kung bakit sila nangunguna sa merkado kalaban ng Pop at Pepsi: marunong silang magtago ng mga bagay na sila lang ang nakakaalam.
Pangatlo at huling bahagi na aming pinakahihintay, ay ang pagbuhos mismo ng Coke sa mga nilinis na bote kanina. Isa-isa naming natunghayan kung paano umangat sa puno ang itim na likido sa pinakorteng beywang ng babae, bumula saka humupa sa aming harapan. Inabutan kaming lahat ng aming tour guide ng tig-iisang bote. Malamig ito sa kamay, at sa sandaling hinalikan na ng aking mga bibig ang ganap na tumighaw sa aking uhaw nang hapong iyon, isa lang ang pumasok sa isip ko habang umiinom: Sa buong tanang buhay ko, ito na ang pinakasariwang Coca-Cola na dumausdos sa aking lalamunan at bumusog sa aking walang lamang tiyan.
Refreshing like no other.
***
![Sabi nga sa kanta ng Eraserheads: "Fieldtrip sa may pagawaan [ng lapis] ay katulad ng buhay natin. Isang mahabang pila, mabagal at walang katuturan." *Sing it*](https://pinoyweekly.org/new/wp-content/uploads/2013/05/coke-unhappiness-workers-strike-2.jpg)
***
WALA AKONG maalalang manggagawa. Wala. Kahit na anong pilit kong mag-concentrate ng malalim upang mahalungkat sa baul ng aking nakaraan ang isang imahen ng nagpapagal na manggagawa. Sadyang hindi ito bahagi ng aming tour sa araw na iyon, hindi inilahad kung paano nakakaabot sa kamay ng masa ang kanilang produkto, kung paano tinitiyak ng bawat sinasahuran nila ang maayos na paglalagay sa packaging o casing at pagdeliver sa mga tindahan.
Hindi ko makita sa aking musmos na karanasan ang mga tulad ni Kuya Avelino, isang truck driver, na nagpaliwanag sa amin ngayon ng kanilang malaon nang problema sa pagawaan, sa mga trabahador na humigit-kumulang 18 taon nang naghahanapbuhay sa tipak ng lupang inilaan ng ating gobyerno sa dahuyang korporasyon upang magkaroon daw ng pagkakakitaan ang mga tao.
Marahil ganito nga ang sistema ng Kapitalismo, binubulag tayo sa tuwa ng mga materyal na produkto samantalang itinatago sa atin ang katotohanan kung sino ang mga tunay na lumilikha ng yaman nito. Saka sa ating kamalayan, ihaharap ang isang kaisipan, isang ilusyon na masaya ang lahat ng bagay. Walang salimuot, walang naghihirap dahil sa kabila ng sikap ay tanging kasiyahan ang handog ng bukas sa mga marunong magtiis at magsakripisyo.
Tulad ng Coke na ikinabit na sa produkto ang isang kamalayan, tinuturuan tayong makuntento na lamang sa kaya nating abuting mga produkto. Tinuturuan tayong pahalagahan ang mga bagay sa kanilang materyal na presyo, binabaluktot ang mga konsepto mula sa kanilang mga tunay na esensya. Malaki rin ang impluwensiya ng Coke sa kultura natin, simula pagkabata nakahiligan ko na ang mga commercial nito tuwing pasko na inangkin mismo ang mukha ni Santa Claus at maging mga pakulo tulad ng papremyong nakaukit sa mga tansan, Pog at Ito ang Beat.
Nang magsimula ang maikling programa upang maunawaan ng mga nagdaraanang commuter ang nagaganap, dumami ang mga nagtipon na manggagawa. Partikular na tumatak sa aking isipan ang tanong ng isang nagsalitang manggagawa, sa higpit ng kapit ng mikropono at pagkundena sa ganid na kumpanya habang binibigwas ng kanyang kamao sa ere ang mga salita:Nasaan ang happiness?
Nasaan nga ba ang happiness nila, nating mga Pilipinong batbat sa krisis ng pagsasamantala ng mga tulad ng iilang nasa kapangyarihan kasabwat ang mga dayuhan? Matapos magpundar ng dugo at pawis sa pag-aasam na makamit ng mga manggagawa ang mga pangarap nila para sa kani-kanilang mga pamilya, nasaan ang happiness kapag binigo ka at niloko ng iyong mismong halos araw-araw na pinapasukang kumpanya, pinagkatiwalaan mo ng paglalaan ng panahon ng iyong buhay? Matapos ang programa, sinuyod namin ang kalsada at nakipagkwentuhan sa mga manggagawang nakapwesto sa Gate 1.
Dito namin nakilala si Tatay Emil. “Tatay” dahil sa edad niyang limampu’t limang taon, kahit ang mga kapwa niya manggagawang nakawelga ay binibiro siya sa pagmamano at ang ilan naman ay mas kumportableng tawagin siyang “Daddy”. Sa tanda niya, nalibot na ni Tatay Emil ang rehiyon sa kanyang pagpasok sa labinlimang magkakaibang pabrika. At ang kanyang obserbasyon? Dito lamang sa Coke niya naranasan ang isang unyon na tunay na may paninindigan at pagkakaisa, dahil maraming pagkakataon ng kanyang pakikibaka noon na “ibinenta ng mga pinuno ang laban”. Kaya naman, kahit anong “seminar” ng management sa kanila at pagkatapos ay aalukin ng “loan” mula sa dilawang unyon na Federation of Free Workers (FFW), si Tatay Emil ang nanguna sa paglalantad sa kapwa niya manggagawa na hindi ito makabubuti at pawang maniobra lamang ng may-ari na linlangin ang kanilang hanay.
Lalong nakagagalit ang mga ibinahagi sa amin ni Tatay Emil, bukod sa barat ang sahod at “OTTY” (overtime na thank you ang kapalit) ay walang respeto ang mga bisor sa kanila. Minumura sila upang maapura at magawa ang trabaho sa isang araw. Binabalasubas sila bilang tao. Itinuturing silang parang mga “kalabaw” (iyon ang kanyang termino, pero duda ako dahil kahit ang magsasaka ay may pag-aalaga sa sarili niyang pang-araro sa lupa.)
Tatlong taon na niyang pinapaandar ang forklift, upang makagpaglipat ng mga pinatong-patong na case ng mga softdrinks sa mga piling pwesto ng bodega na tinatawag nilang “rack” na mas matangkad pa sa 20 talampakan. Sa tagal niya sa pabrika, kabisado na ni Tatay Emil kung saang rack number nakalagay ang kung anong produkto, mapa-Coke Zero, Royal, Sprite, Minute Maid, Powerade, Viva o Real Leaf man yan (Oo, ganyan karami ang variety ng mga produkto ng Coca-Cola).
Dahil din sa kawalan ng safety measures tulad ng pagsusuot ng vest sa pagawaan, maraming beses nang may nadisgrasya at naipit sa trabaho tulad ng mga janitor. May mga pagkakataon din na binabawasan ang kanilang kakaunti na ngang sahod kapag aksidenteng may nabasag na mga produkto. May kaso din na sinet-up ng management at pinagbintangan ang isang opisyales ng kanilang unyon ng pagnanakaw. Tapos may mga pinag-aalimurahang mga manggagawa, kung bakit daw walang finile na papeles sa araw bago mag-emergency leave (Eh emergency nga di ba? Tanga ba sila?)
Hindi ko tuloy maiwasang magmura: Tangina, tangina wala ngang happiness dito kaya sila nagwewelga.
***

***
IBAGSAK ANG IMPERYALISMO! –yan ang napansin kong nakasulat sa pinakamalaking streamer na nakapwesto sa Gate 4, at nililiman ng mga manggagawang nagtatasa sa nakamit ng unang araw ng kanilang welga. Tunay nga namang karapat-dapat ang pangungusap na ito na sumaklaw ng pinakamalawak na espasyo ng tela dahil sa saysay ng panawagan sa ating lipunan.
Makasaysayan ang kanilang laban dahil makasaysayan na rin ang pagka-gahaman ng Coca-Cola sa kilusang paggawa hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Silipin lamang angwww.killercoke.org para magkaroon ng ideya sa sinasabi ko. Ayon mismo sa Wikipedia (isang unreliable site pero tingin ko tumpak ang pagbanggit nila dito na:) dalawang bansa lamang sa daigdig ang walang ibinebentang Coke: Cuba at North Korea, na kapwa nagpasyang tahakin ang sosyalismo bilang sistemang panlipunan at ngayon ay mga mahigpit na anti-imperyalistang bayan.
Magpapartikular na lang ako sa Cuba, dahil bukod sa paborito kong rebolusyonaryo si Che Guevara, baka walang maniwaala sa akin sa sobrang pagkabombarded ng Pinas sa mga Anti-NoKor sentiments gawa ng Western-influenced mainstream media na mga pasimuno ng balita ng paranoid rocket launch at all-out war nila. Tapos isabay mo pa ang laganap na Gwiyomi at Gangnam Style galing sa South Korea na hindi mo maiiwasang marinig kapag lumabas ka ng bahay.
Anyway, my point is, marami tayong pagkakahalintulad sa Cuba: Pareho tayong sinakop ng Espanya, parehong inalipin ang ating mga ninuno at pinagkakitaan ng mga mokong na dahuyan noong panahon ng Merkantilismo, parehong sinadlak sa pyudal na kaayusan ng mga hacienda, at sa bandang huli, parehong ibinenta sa Amerika noong pirmahan ng 1898 Treaty of Paris.
Sa panahong ito, mahigit isang dekada palang ang edad ng The Coca-Cola Company, at dahil sa pagsolidify ng sistemang Kapitalismo sa mga makapangyarihang bayan lalo na sa Estados Unidos, malaki ang naging pakinabang ng pagkakuha ng mga kolonyang Pilipinas at Cuba upang panggalingan ng mga hilaw na materyales. At partikular na nakinabang dito ang Coke dahil sa magkaparehong tropikal na klima ng dalawang bansang ito, madaling-madali magtanim ng mga tubuhan at magproduce ng kanilang main ingredient: ASUKAL.
Fastfoward in world history: Nagdaan ang dalawang digmaang pandaigdig (na pasimuno ng mga imperyalistang bayan para pag-agawan ang kanilang mga kolonya at ang umusbong na superpower ay Amerika), napilitang magpwesto ng Estados Unidos ng mga papet na gobyerno at kalaunan ng mga diktador-pasistang pinuno upang labanan ang tindi ng kagustuhan ng mamamayan para sa tunay na pambansang kasarinlan (e.g. Ferdinand Marcos sa Pinas at Fulgencio Batista sa Cuba). Ang kaibahan, hindi lamang napatalsik ng mga Cubano si Batista sa pamumuno ni Fidel Castro sa pamamagitan ng gyera, kundi nahawakan nila ang pamahalaan at pinatupad ang pambansang demokratikong adhikain ng kanilang sambayanan simula noong 1959.
Kaya ngayon, marami nang pagkakaiba ang bansa natin sa kanila: Kung ang Pinas ay patuloy pa ring nilalabanan ang mga cancer ng lipunan na sinasabi ni Gat. Jose P. Rizal, ang Cuba ay literal na ngayong may libreng gamot panlaban sa cancer at pinuri mismo ng World Health Organization sa kanilang 1:170 doctor to patient ratio (mas maunlad pa kaysa sa Amerika na nasa 1 to 188 at lalong mas malayo sa Pinas na 1 to 20,000) . Kung ang Pinas ay may mababang kalidad ng edukasyon dahil sa patuloy na pagkabangarote sa sistema nitong isinasapribado (pagtaas ng matrikula) at halaw sa dayuhang disenyo (K to 12), nagpatupad ng libreng edukasayon sa lahat ng antas ang Cuba at isa ngayon sa mga bansang pinapalakpakan ng UNICEF dahil sa record ng pinakamababang illiteracy rate sa isang developing na bansa.
Kung protesta ang hinihiyaw ng mga manggagawa sa ating bansa tuwing Mayo Uno at reklamo sa traffic ang pabida ng ating media, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa ay isang pyesta para sa mga Cubano at halos di mahulugan ng karayom ang partisipasyon ng mga mamamayan sa lansangan ng Havana, kanilang sentrong bayan. Tunay ngang times change, people change sa dalawang bayang ito na malayo na ang kaibahan mula sa pagiging kolonya ng Espanya.
Ikaw, payag ka bang wala kang maiinom na Coke, kahit hanapin mo pa ang kasuluk-sulukan ng mga isla, ngunit kapalit nito’y mga nabanggit kong perks ng libreng serbisyong panlipunan na nasa Cuba?
***

“KAKAYANIN NATIN ‘YAN, MAGPAPALAKAS tayo ng hanay,” ‘yan ang mala-action star na sinambit sa akin ni Kuya Avelino nang tanungin ko siya kung paano kung tangkaing buwagin ang kanilang piketlayn.
Mulat ang mga manggagawa na sa mga susunod na araw ay maaaring tumindi na ang pangil ng pasismo ng estado sa pagpakat ng mga pulis at militar tulad ng marahas na dispersal na nangyari sa pabrika ng Nestle sa Cabuyao, Laguna nang naglunsad ang mga maggagawa roon ng welga noong 2004. Sa katunayan, binigyan na ng taning ng Regional Trial Court ng 72 hours (mula May 21, 12:00nn) ang mga manggagawa na tanggalin ang barikada. Ngunit malakas ang loob ng mga manggagawa na panatilihin ang hanay isang buwan o higit pa hangga’t hindi ibinibigay ang kanilang mga hinaing.
Ganap nang gabi at tirik na ang pisngi ng buwan nang magdesisyon kaming kumalas muna ng hanay. “Makisabay na kayo kay nanay,” sabi sa amin ng isang manggagawa. Nang magpakilala ako at tanungin kung sino siya: “Nanay Luz,” ang masigla at pangiting sagot niya. Si Luz Fortuna, asawa ng yumaong si Ka Fort, pinaslang na lider-manggagawa ng Nestle Workers’ Union noong 2005. Pinasakay niya kami sa kanyang owner-type na dyip na ang tawag niya ay “Hot Car”. Maliban sa naging literal na “mainit” sa mata si Ka Fort at ito ang kanilang naging paraan ng transportasyon upang maitago siya kapag may pupuntahan, hindi ko na tinanong pa kung may ibang ibig sabihin ito sa kanila bilang mag-asawa.
Marami kaming napagkwentuhan ni Nanay Luz dahil natraffic kami sa rush-hour ng mga pauwing mga commuter galing Maynila. Maliban nga pala sa manggagawa ng Nestle, nakikiisa rin ang mga manggagawa sa laban nila Kuya Avelino: nariyan ang Honda, Toyota, Phil Steel at marami pang iba. Ang pabrika ng Coca-Cola ay dinaraanan din ng mga bus na sakay ay mga manggagawang patungo sa iba’t ibang enklabo ng rehiyon, kaya maya’t maya ang paghahagis ng mga barya mula sa bintana bilang pagpapahayag ng suporta. Makailang beses din akong nakakita na may naghagis ng nilukot na Php 100 sa kanila, sabay taas-kamao. Kunsabagay, kung sino man ang una’t unang makakaunawa ng kanilang kalagayan, ay walang iba kundi ang kapwa nila manggagawa.
Bagama’t pabiro kung magkwento, matalas ang mga komento ni Nanay Luz sa mga nangyayari habang minamaniobra ang sasakyan upang ma-overtake ang mga truck at makaalis sa traffic. Siya mismo ay nasabak ang personal na buhay sa pulitikal na tunggalian ng mapagsamantalang uri sa pinagsasamantalahan. Ibinahagi niya sa akin na walang maaasahan ang mga manggagawa ngayon kay DOLE Sec. Rosalinda Baldos. “Puro mga pangako,” ang sabi niya, parang mga tradisyunal na pulitiko. Pagkakaisa ng mamamayan ang kailangan, ‘yan ang natutunan niya sa buhay at kamatayang pakikibaka ng kanyang asawa.
Ibinahagi ko kay Nanay Luz na nawalan na rin ang aming pamilya ng tatay, “Namatay po sa diabetes, mahilig kasi sa Coke,” ang pabiro kong sinambit. Doon ko lamang napagtanto kung paano tayo tinuturuan ng mga tulad ni Nanay Luz na igpawan ang mga hamon na dumarating, na maging siya ay hanggang ngayon nililimitahan ng kanyang sariling ina, subalit sa kabila nito ay piniling magpatuloy sa pagkilos sa tulong at suporta ng kanyang mga anak.
Palasak mang sabihin ngunit akma pa rin: Kung tutuusin, napakaliit lang ng hinihinging sakripisyo ng mga manggagawa ng Coke sa atin. Wala pa nga sa minimum ang mismong pagboycott ng mga produkto at paghikayat din ng iba na gawin ito, kundi ang kailangan ay ang kongkretong pagbibigay ng suporta sa paraan ng panahon at lakas na ilalaan sa kanilang kasalukuyang nag-aaklas mula sa sistemang mapang-alipin.
Maano ba namang maglaan lang ng ilang oras hanggang araw sa pagbisita at pakikiisa sa kanilang welga? Samantalang sila, halos inaraw-araw na tiniyak na maayos ang kondisyon ng mga inumin natin. Samantalang sila, nagbanat ng buto sa pagbubuhat ng libu-libong case at pagpupuyat sa pagmamaneho maideliver lamang sa mga tindahan at grocery store upang maiparating ang inalay nilang ginhawa sa bawat pulgada ng pawis na ipinagpalit ng mga kapitalista para sa kanilang ganansya.
“Magyayaya po kami ng mas maraming kabataan,” ‘yan ang pangako namin kina Kuya Avelino, Tatay Emil at iba pang manggagawa na aming nakatalakayan sa maikling panahon ng pakikisalamuha. Dahil hindi “lalakas ang hanay” kung ang mga manggagawa lamang ang titindig upang ipaglaban ang karapatan na dapat ay tinatamasa ng lahat, kailangan ang kapit-bisig at patuloy na pagbuhos ng pakiisa ng lahat ng sektor ng lipunan.
Kaya ganito, simple lang ang mga hakbang. Para makatipid ng pamasahe: Umiwas muna sa ilang mga luho, huwag munang mag-DoTA, manood ng sine o kumain sa mamahaling restaurant. Kalimutan na muna ang pamamasyal sa mall o pamamasyal sa beach ngayong huling weekend ng bakasyon. Magyaya na rin ng kaibigan dahil hindi mo ito makikitang ipapatalastas mismo ng Coca-Cola o ibabalita sa TV dahil pangunahing pinagkukuhanan ito ng kita ng mga media networks.
Simple lang ang direksyon. Kung ikaw ay nasa Maynila, sa EDSA ay may mga dumadaang bus pa-“Balibago”, meron din sa Taft. Kung ikaw ay nasa Timog Katagalugan, may dyip na mismo sa Crossing, Calamba o van mula sa Pala-pala, Dasmariñas. Sabihin niyo lang sa driver na ibaba kayo sa tapat ng Mini Stop ng Complex. Pagdating doon, sa halip na bumili ng kinamumuhiang produkto sa convenience store, ay may terminal ng tricycle sa gilid nito. Dito mo banggitin ang “Coca-Cola”, saka ka nila dadalhin kung nasaan ang pabrika. Php11 lang ang pamasahe, katumbas ng dalawang Sakto, may sukli ka pang piso. Pagkababa ay pumili na lamang ng isa sa anim na gate na kanilang binabarikadahan.
Doon naghihintay ang mga manggagawa, hinihintay ka nila. Hinihintay na maging bahagi ng kanilang laban at tagumpay. Hinihintay ka nilang manguna sa pagtala ng kasaysayan upang baguhin ang (insert curse word) sistemang ito, magtayo ng lipunang bago nang makamtan ang tunay na “happiness”.
Happiness na walang panlilinlang. Happiness na walang garapalan ng mga gahaman. Happiness na nakabatay sa panlipunang hustisya at pambansang demokrasya.

_____________________________
Talaan ng manunulat:
Bilang ng ininom na Coke sa loob ng 48 oras: 0
Bilang ng upos ng yosing sinulit sa hithit upang matapos ang naratibong ito: 9 ½
Presyo ng nagastos na pambili ng yosi dahil sa lintik na Sin Tax Bill: Php 32
Presyo ng natipid na pamasahe sa pakikihitch sa “Hot Car” ni Nanay Luz Fortuna: Php 17
Presyo ng karanasan at aral ngayong araw na ipinamalas ng kilusang paggawa: Priceless.
_____________________________
Talaan ng pagsasamantala sa mga manggagawa ng Coca-Cola:
Bilang ng mga kasalukuyang magkakasabay na welga ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan: 3 (Ang dalawa pa ay: Phil Steel Corp. sa Cabuyao, Laguna, at Phil Coco Ventures sa Catanauan, Quezon)
Estimate bilang na ibinigay ng pangulo ng unyon para masagot ang tanong na “Ilan po ang nakatambak na mga case ng bote ang nasa loob ng pabrika ngayon?”: 350,000
Presyo ng sahod ng isang manggagawa bago makialam ang The Red Systems Company Inc. (isang agency na monopolyo din ng Coca-Cola ): Php 427
Presyo ng sahod ng manggagawa sa Coca-Cola KAHIT REGULAR: Php 316
Presyo na inaalok ng management sa mga manggagawa upang sumapi sa dilawang unyon na Federation of Free Workers: Php 24,000 hanggang Php 30,000
Presyo ng Overtime Pay: Kakarampot hanggang WALA
Bilang ng posibleng dumaluyong na mga kabataan, mamulat sa tunay na kalagayan ng lipunan, maorganisa at kumilos para tunay na pagbabago: KASAYSAYAN ANG MAGPAPASYA.