Manggagawa

Pakikiisa ni Cardinal Tagle sa buhay at pakikibaka ng mga manggagawa

Dignidad, dangal at karapatan muna ng mga manggagawa bago ang pera o tubo. Ito ang isa sa mga mungkahi ni Cardinal Luis Antonio Tagle, sa kanyang sermon sa misa para sa manggagawa noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila. Mga mungkahi ito ni Tagle na tugon sa mga problemang […]

Maraming salamat sa inyong mga manggagawa, sabi ni Cardinal Luis Antonio Tagle, sa kanyang sermon noong Mayo 1. (Macky Macaspac)
Maraming salamat sa inyong mga manggagawa, sabi ni Cardinal Luis Antonio Tagle, sa kanyang sermon noong Mayo 1. (Macky Macaspac)

Dignidad, dangal at karapatan muna ng mga manggagawa bago ang pera o tubo.

Ito ang isa sa mga mungkahi ni Cardinal Luis Antonio Tagle, sa kanyang sermon sa misa para sa manggagawa noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila. Mga mungkahi ito ni Tagle na tugon sa mga problemang kinakaharap ng mga manggagawa sa Pilipinas.

Sa isang misa na dinaluhan ng 25 iba pang pari, mga lider-simbahan sa iba’t ibang dominasyong Kristiyano, at mga lider-obrero at progresibo, binigyan-diin ni Tagle ang halaga ng mga manggagawa sa lipunang Pilipino. Sinabi niyang kahit na may iba’t ibang klasipikasyon na ngayon ng mga manggagawa, nananatili ang pangangailangang itaguyod ang dignidad at karapatan nila.

Ani Tagle: “Ang tao ay may karapatan, hindi nababawasan ang karapatan ng manggagawa kahit nagbago pa ang classification nito –ang dangal at karapatan ay hindi magbabago.”

Pinatutukuyan ni Tagle ang sinasabing international trends na paghahanay sa mga manggagawa sa iba’t ibang klase–nakabatay sa klasipikasyon nila ang karapatan nila.

Sinabi ni Tagle na labag sa karapatan ng mga manggagawa ang klasipikasyong ito.

Nanawagan ang dating papabile at tinitingalang lider ng simbahang Katoliko sa bansa na magkaisa sana at sama-samang kumilos para sa ikabubuti ng lahat ang mga manggagawa.

Sinabi pa ni Tagle na bahagi ng misyon ng mga Katolikong pari at mga Katoliko ang makilahok sa mga isyu ng mga manggagawa at makialam sa mga pagkamit ng makabuluhang pagbabago para sa ikabubuti ng manggagawa.

“Maraming, maraming salamat sa lahat ng mga manggagawa. Kung wala kayo, wala ang lipunan,” sabi ni Tagle, sa pagtatapos ng kanyang sermon.

Dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon ng mga obrero na pinangungunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang misa. Nandoon din ang ilang lider-progresibo, na ikinatuwa ang pakikiisa ng mga lider-simbahang Katoliko sa pakikibaka ng mga manggagawa.

Matapos ang misa, pinangunahan din ng mga pari at taong simbahan ang isang Solidarity Lunch, na pakikipagsalo nila sa mga manggagawa sa simpleng pagkain.

Ikinatuwa ng progresibong mga taong-simbahan ang aktibong pakikipagkaisa ni Tagle sa kilusang manggagawa.

Ani Nardy Sabino, pangkalahatang kalihim ng Promotion of Church People’s Response, “Napapanahon ang mensahe ni Cardinal. Ipinapakita niya na hindi isinasantabi ng Simbahan ang hinaing ng mga manggagawa sa bayan.”