Rebyu

Solb sa ‘Four Sisters’


Rebyu: Four Sisters and a Wedding Dinirehe ni Cathy Garcia-Molina Star Cinema Rated PG, ang Four Sisters and a Wedding  na pinangungunahan nina Angel Locsin, Bea Alonso, Toni Gonzaga, Shaina Magdayao at Enchong Dee, sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina ay kapuri-puri,  katangi-tangi, at kasiya-siya  sa mahusay na pagkombina ng comedy at drama para ihatid sa […]

four sisters and a wedding

Rebyu: Four Sisters and a Wedding
Dinirehe ni Cathy Garcia-Molina
Star Cinema

Rated PG, ang Four Sisters and a Wedding  na pinangungunahan nina Angel Locsin, Bea Alonso, Toni Gonzaga, Shaina Magdayao at Enchong Dee, sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina ay kapuri-puri,  katangi-tangi, at kasiya-siya  sa mahusay na pagkombina ng comedy at drama para ihatid sa mga manonood ang kaugaliang Pilipino tungkol sa pamilya, pagkakapatid,at  pagkakasintahan.

Marami na ring pelikula ang pumaksa sa pamilyang Pilipino, partiuklar ang sibling rivalry,  ngunit kakaiba ang pelikulang ito sa matalinong paglalahad ng mga sigalot sa loob ng pamilya, na liban sa nakakaaliw ay nakakapagpatulo rin naman ng luha ng maraming manonood.

Malaking tulong rito ang mahusay na pag-arte ng mga bituin, ang konsistent at makulay na script ni Vanessa Valdez (mula sa orihinal na sinulat ni Jose Javier Reyes), ang catchy at contemporary dialogue, ang mabilis at madulas na editing, at siyempre pa, ang mahusay na direksiyon. Para na nga rin itong maipapantay, kung di man hihigit pa, sa mga patok na Hollywood movies na “feel good.”  Kung ganito kahuhusay ang kalidad ng mga pelikulang Pilipino, walang dahilan para hindi ito tangkilikin ng mga manonood, na patunay kung bakit sa unang araw pa lang ay pinilahan na ito at tumabo sa takilya.  At  hindi lamang dahil sa name stars, kundi sa kabuuang kagandahan ng pelikula mismo.

Magandang  ginamit na behikulo ang nalalapit na kasal ng bunsong kapatid (Enchong Dee) para maidaos ang reunion ng mga magkakapatid, at sa ultimo’y malutas ang mga tago at lantad na iringan sa isa’t isa; gayundin para maipaliwanag ang damdamin ng isang ina sa kanyang mga anak – sila man ay nagtagumpay, nabigo, naging malakas o mahina.  Bawat karakter na ipinakita ay makaka-relate sa karaniwang manoood  sapagkat totoong nangyayari sa karaniwan o lahat ng pamilya.  Para bang ang mga eksena ay eksena na rin ng buhay ng mga manonood kaya humahagalpak sila sa tawa o lumuluha nang tahimik sa dilim ng sinehan.

Pinakamahusay ang characterization ni Bea Alonso bilang “Bobbie” na naging matagumpay sa Amerika ngunit may matagal na palang pait sa dibdib  dahil sa “inagaw” ng kapatid na si  “Alex” (Angel Locsin) ang kanyang kasintahan. Gayundin may tampo siya sa kanyang ina sa akalang ang ina’y may paboritong mga anak at hindi siya nabibilang dun. Pinakatampok na eksena niya ang isang mahabang monologue kung saan ibinuhos niya ang lahat ng nararamdaman, ngunti walang halong paninisi sa ina.

Sumunod na nagpakitang-gilas si Toni Gonzaga bilang “Teddie” (short for Teodora) na matagal nang itinago sa pamilya na siya’y naging waitress at maid sa Spain at tanggal na pala bilang titser dahil sa krisis sa ekonomiya na dinanas ng bansang pinuntahan.  Karaniwang ikinahihiya ng middle class ang pagbagsak ng kanilang status o de-skilling sa oras na maging OFW at pinagtatakpan ang hiyang ito sa patuloy na  pagpapanggap, tulad ng nangyari kay Teddie.

Ibang-ibang Angel Locsin naman ang ipinakita sa papel na “Alex” at nadala niya nang mahusay ang karakter na black sheep o pasaway.  Ang confrontation scenes nila ni Bea Alonso ang maituturing na isa sa highlights ng pelikula sapagkat sila ang nagdala ng pinakamatitinding tensiyon sa pamilya, at lahat ay naghihintay kung kelan magsasabong o sasabog ang dalawa.

Mahusay ring nagampanan ni Shaina Magdayao bilang “Gabbie” ang papel ng kapatid na matandang dalaga na naiwan sa pag-aalaga sa ina at sa bunsong kapatid, habang ang ibang kapatid ay lumabas na sa poder ng ina sa iba’t ibang kadahilanan.  Tampok siya sa opening scenes at malakas ang dating, ngunit hindi na nga lang napalawig ang kanyang papel at hindi  na nabanggit bakit nanatili siyang dalaga gayong maganda at propesyunal naman.  Pero bandang huli’y kinilala ang naging papel at sakripisyo niya sa pamilya.

May ilang character na miscast nga lamang.  Halimbawa, hindi masyadong nabigyan ng buhay ni Angeline Quinto ang papel bilang “Princess” at siya sanang pakakasalan ni Enchong Dee . Walang lumabas na ibang personalidad sa kanyang portrayal liban sa sarili na niya. Samantala, lalong gumuhit ang papel ni Carmi Martin bilang kanyang ina at bumagay sa kanya  ang papel ng isang socialite na eksaherado, matapobre at mayabang,  pero gawdy o walang taste.  Markado rin ang papel ng artistang tumayo bllang nagpapanggap na boyfriend (“Frodo”) ni Toni Gonzaga at sa kahusayan sa pag-arte ay nakakaagaw ng eksena.

Hindi panghihinayangan ang pera at panahon ng mga manonood sa ganitong pelikula.  Lamang katulad ng mga pelikula ng Star Cinema, ito rin ay hindi na kumawala sa temang magkamatayan man ay dapat buo pa rin ang pamilya (kaya nga ginagasgas ang salitang “kapamilya”), na para bang ang mga sigalot sa loob ng pamilya ay mga internal na isyu lamang na mareresolba ng pagmamahalan at hindi mawawasak ng mga krisis sa lipunan.

Pagwawasto: (19 Hulyo 2013) Si Vanessa Valdez, hindi si Jose Javier Reyes, ang nagsulat ng iskrip para sa naturang pelikula. Salamat sa mga nagkomento hinggil dito.