Ang ekstra bilang bida

September 2, 2013

Vilma Santos, sa pelikulang "Ekstra".

Vilma Santos, sa pelikulang “Ekstra”.

Rebyu: Ekstra (The Bit Player) | Tampok si Vilma Santos | Dinirehe ni Jeffrey Jeturian | Sinulat nina Zig Dulay, Antoinete Jadaone, Jeffrey Jeturian

 

Nakakaaliw at nakatutuwa si Vilma Santos sa kanyang first indie film, ang Ekstra: The Bit Player na naging top grosser sa Cinemalaya at tumabo rin sa takilya sa mga pangunahing sinehan bilang 20th anniversary offering ng Star Cinema ng ABS-CBN.

Isang de-glamorized Vilma Santos ang makikita sa tabing, isang karaniwang nanay na masang-masa na maaari mong makasalubong lang sa kalye o namamalengke suot ang maluwag na blusa at palda. Habang naghihintay na tawagin sa location shooting ay kasama niya ang mga katulad niyang ekstra na namamahinga sa tumana o sa malamig na semento, at umaasang kikita ng halagang maipantutustos sa bayarin ng anak sa eskuwela.

Nilalarawan ng Ekstra ang buhay ng mga bit player sa paraang nakakatawa. Pero sa kabila ng mga halakhak ay malinaw ang reyalidad na mahirap pa lang maging ekstra.  Kaya sinuman ang  magsabi ngayon na “ekstra lang ako” ay hindi mo mamatahin, bagkus igagalang at irerespeto sa laki ng kanilang sakripisyo, makasingit man lang sa kakapiranggot na eksena sa murang bayad na pinaghirapan nila.

Magaling ang pagkaganap ni Vilma Santos bilang Loida Malabanan, kung kaya naman tinanghal siyang best actress ng Cinemalaya. Sumegunda rito si Ruby Ruiz (o mas kilalang si “Doris” sa Be Careful with My Heart) at katambal ni Vilma sa  pagganap bilang best supporting actress.  Makinis din ang direksiyon ni Jeffrey Jetturian na nanalong best director, at premyado na rin sa mga pelikulang Tuhog, Kubrador at Minsan Pa.

Ipinakita ng Ekstra kung gaano kalupit ang showbiz bilang industriya laluna para sa mga bit player na puro kontraktuwal at walang-katiyakan sa trabaho.  Nakakaawa ang mga magulang at bata na namuhunan ng panahon, pagod, pera at damit para makasingit lamang sa pelikula ngunit bandang huli ay malalamang hindi pala sila ang hinihinging karakter sa pelikula.

"Ekstra" poster

“Ekstra” poster

Kaya naman kahit madaling araw o dis-oras ng gabi ay pababain sa sasakyan at iiwanan kahit sa gitna ng haywey.  O kaya’y  nagiging biktima ng kapwa nila– nananakawan ng pera o cellphone, nauutangan o nauuto lalo’t bago sa industriya.  Bawat isa ay nananaginip na katulad ni Amalia Fuentes o Gloria Romero na nagsimula bilang ekstra ay papalarin ding makilala at sumikat tulad ng mga idolo nila.

Pero hindi lamang mga ekstra ang maiintindihan mo sa pelikula. Ipapakita rin sa iyo kung bakit ganun kalupit at kataray  ang mga director at assistant director sa kanilang mga istap hanggang sa mga ekstra. Sapagkat maaaring hindi sila likas na ganun; pero sino nga naman ang hindi mag-iinit ang ulo kung kailangang isakripisyo ang kanilang craft o sining masunod lamang ang  pagtitipid ng mga prodyuser sa mga gastusin sa pelikula at sa mga artistang prima-donna o nag-aaksaya ng kanilang oras.  Ngunit sa sobrang presyur ang parating napagbubuntunan ng init ng ulo ay sino pa nga ba kundi ang mga kawawang ekstra.

Hindi lamang kita ang motibasyon ni Loida Malabanan. Liban sa pangarap na maging sikat, isa rin siyang malugod na tagahanga.  Ang makita nang malapitan ang mga idolo niya ay para bang sapat na para mapawi ang mga hirap at pagod niya. Minsan naglalaro rin ang kapalaran. Nagkaroon siya ng pagkakataong magkaroon ng speaking part at gumanap bilang abogado na pinagyabang na niya sa anak, mga kaibigan at kakilala, pero para lamang maunsiyami bandang huli dahil di siya nakita at pinalitan pa siya ng iba sa papel niya.

Ganun lamang gumulong ang buhay ng ekstra. Samantala, bagaman malaki ang pagsisikap ng pelikula na unawain ang katayuan ng mga ekstra, wala itong mensahe o pahiwatig man lang kung anong pagbabago ba ang dapat nilang gawin sa sitwasyon nila. Tipikal ito sa mga pelikulang Pilipino; ang maging salamin lang ng buhay ng masa at bihira pa ang nagsusumikap na umangat mula roon.