Matalinghagang ngiti ng gerilya

September 25, 2013

Rebyu ng “The Guerrilla is a Poet”
Mga direktor: Sari Dalena & Kiri Dalena
Tampok sina Karl Medina, Angeli Bayani, Anthony Falcon, Bong Cabrera, RK Bagatsing, Chanel Latorre, Lehner Mendoza, Lui Quiambao-Manansala, Marcus Madrigal, Jes Evardone, Willie Nepomuceno, Jao Mapa, Raymond Bagatsing
Sinulat nina Kiri Dalena, Keith Sicat, Ericson Acosta, Kerima Tariman

Si Karl Medina (kanan) bilang Jose Maria Sison, a.k.a. Amado Guerrero, kasama si Anthony Falcon na gumanap kay Kumander Dante/Payat.

Si Karl Medina (kanan) bilang Jose Maria Sison, a.k.a. Amado Guerrero, kasama si Anthony Falcon na gumanap kay Kumander Dante/Payat.

Ano nga ba meron si Joma Sison?  Sapat na marahil na malamang founding chairperson siya ng Communist Party of the Philippines para katakutan, pulaan, pangilagan o hangaan.

Pero sa pelikulang docu-drama, na humalaw ng inspirasyon at pamagat sa tula ni Joma na The Guerrilla is a Poet at pumilas ng ilang pahina sa kanyang buhay, naiibang Jose Maria Sison ang bumubulaga sa screen. Mahusay si Karl Medina na  gumanap na kabataang Joma, sa isang romanticized version —seryosong intelektuwal —  na imaheng marahil ay siyang nasa isip noon ng maraming rebolusyonaryo at aktibista na hindi siya kilala. Pero ang atraksiyon sa screen ay si Joma mismo, in the flesh, sa edad na 74.

Unang-una na, hindi mo aakalaing mahusay pala siyang storyteller. Buhay na buhay ang mga kuwento niya sa bawat pahina ng kasaysayan na hinuhugot mula sa kanyang karanasan.  At hindi lang iyon; kalog siya.  Palangiti, palabiro, magiliw — para bang nakikipag-usap lang sa iyo habang nakaharap sa kamera. Para bang kaya mo siyang bitbitin saan mang huntahan at babangka siya. Naikokombina niya ang wit o humor kahit sa mahihirap na eksena sa pelikula. Sa loob ko, may katapat ka na, Lola Basyang.

Madaling makibagay

Ikalawa, hindi siya detached o aloof, na mas pinatampok sa arte ni Karl Medina.  Sabi nga ni Bernabe Buscayno o “Ka Dante” na nainterbyu sa pelikula,  para pa ring kapatid ang turing niya kay Joma kahit tumiwalag na siya sa New People’s Army (NPA) at kahit hindi sila magkauri. Anak ng panginoong maylupa si Joma samantalang si Buscayno ay anak ng magsasaka.  May silip sa ilang eksena na madaling makibagay si Joma – ang pag-alalay sa isang bagong rekrut ng NPA, ang walang pag-aalinlangang makipaglaro ng basketball sa mga sundalo kahit wanted na siya basta’t may pagkakataong makapaniktik, at ang magbirong “mas magandang lalaki ako dun” kapag tinatanong ng kasama kung siya nga ba si Jose Maria Sison.

Ikatlo,  hindi mo mararamdaman sa mga kuwento ni Joma na may bahid siya ng personal na galit sa mga umapi sa kanya. Ano ba naman ang torture kundi parang hazing  sa fraternity, aniya.  Pero ang mas matindi, ang solitary confinement nang limang taon. Tapos tinilad-tilad niya ito sa mga segundo, minuto, oras, araw, buwan, taon. “Parang bloke ng tingga na ibinabagsak sa ulo,” sabi niya.  Ganun lang, cool lang siya. Pero ako, namimilipit na sa upuan ng sinehan.

Ikaapat, ang hilig pala niya sa musika. Sabihin ba naman niyang mas gusto niya ang musika kaysa talumpati? Wala naman daw nagme-memorize ng mga talumpati; pero sa kanta meron. Para bang kaya niyang pagtawanan ang sarili, dahil ang hahaba ng kanyang mga sinusulat at talumpati.

Ikalima, marksman din pala siya, asintado kung bumaril.  Kasi nag UP ROTC pala.  Hindi mo iisipin na isa siyang tunay na gerilya; pero kahit saan hindi rin nawawala ang pagiging manunulat at makata, kaulayaw man ang mga niknik o ang lamlan ng ilaw mula sa maliit na gasera.

JomJul

Ikaanim, si Julie sa buhay ni Joma,  Huwag mamaliitin ang papel ni Juliet de Lima, the  “wind beneath my wings,” sabi nga ng isang kanta.  JomJul.  Wala siyang sulatin na lumabas na hindi dumaan sa input ni Julie, ani Joma. Nahalal si Julie sa Central Committee hindi dahil asawa ni Joma kundi bilang matalino at tapat na miyembro ng kilusang rebolusyonaryo. Tulad ni Julie ang ibang mga kababaihan sa pelikula, na hindi karaniwan ang mga sakripisyo – mula sa pag-aalaga ng bata hanggang sa pananambang.

At ikapito, simple lang ang buhay ni Joma sa Utrecht.  Maliit ang sukat ng apartment at, sa tanda na niya, kailangang bumaba ng ilang palapag bago makarating sa labas ng bilding.  Nagyeyelo din ang paligid at nanunuot sa buto hindi lamang ang lamig kundi ang lungkot na hindi sila makabalik sa Pilipinas at napawalay sa mga anak simula nang mag-underground.  “Walang araw na hindi ko sila naaalala,” ani Julie.

Kung si Joma ang main attraction,  marami pang side attraction ang pelikula. Tulad ng script at makasining na pagsasadula nito.

Matalino, makahulugan

Maganda ang ginamit na teknik na tinuhog ang pelikula ng tula—“Ang Gerilya ay Isang Makata,” na salin mula sa Ingles—sa simula, gitna at dulo, para maipakita ang buhay ni Joma sa mga panahon bago itatag ang CPP, bago maganap ang First Quarter Storm o FQS, bago ang diktadura ni Marcos, hanggang sa Utrecht.

Matalino at makahulugan ang script, at napaghihiwalay kung ano ang totoo at ano ang idinadaan sa arte.  Malaking bagay ang interviews, dahil ang pagsasadula ay maaaring may labis o kulang. Isa pa’y kakaiba ang interpretasyon sa buhay ng NPA – hindi astang  bandido o terorista tulad ng karaniwang mapapanood sa iba, pero nakapaa, salat sa pagkain, may sariling medic, at kinakabisa ang mga regulasyon nila.  Sa bandang huli, bagaman nakulong si Joma at may edad na ngayon, para na ring ipinahihiwatig ng mga kabataang mandirigma na tuloy ang rebolusyon sa salin-salin na pagtula ng mga talata ng “Ang Gerilya ay Isang Makata.”

Makulay ang cinematography.  Mukhang pinag-isipan talaga ang mga anggulo, at ang gamit ng light at shadow. Lamang, sa sobrang ganda ay para bang nag-aalangan ang filmmakers na magpaigsi o magputol ng eksena gayong malinaw naman ang mensaheng naiparating na.  Tuloy, humaba ang pelikula (dalawang oras mahigit) at maraming bahagi na dragging.

Buti na lang at naisalba ng inilapat na musika. Hindi ka tuloy maiinip.  Ang mga rebolusyonaryong kanta na sinasabing popular noong ’70s ay tunog klasiko sa tiklado ng piyano. Sumaliw pa ang musika ng mga katutubong instrumento sa iba pang eksena.  Ang sarap pakinggan, nakabibighani.

Lapat sa karakter

Hindi pahuhuli ang mga artista. Kapansin-pansin ang husay ni Angeli Bayani na gumanap na Julie, lapat na lapat sa karakter.  Bagaman hindi masyadong nahuli ni Karl Medina ang karakter ni Joma, mahusay at malinaw siyang bumigkas ng mga salita  at kapani-paniwala bilang lider, rebolusyonaryo at aktibista. Tumingkad din ang papel ni Willie Nepomuceno bilang Marcos, ni Jao Mapa bilang Senator Aquino, ni Raymod Bagatsing bilang Major Aure, at ni Chanel Latorre bilang Teresa.

Ang pelikulang ito’y sa direksiyon ng filmmakers na sina Kiri at Sari Dalena.  Rated PG, ang pelikula ay ipinalabas sa malalaki ngunit piling sinehan, at sa piling oras lamang, kasama ng iba pang pelikula sa ilalim ng CineFilipino Film Festival noong Setyembre 18-24.

Kahit may ilan pang limitasyon akong mapupuna, pero kung ganito gumawa ng pelikula ang magkapatid na Dalena, isa na marahil akong pipila sa mga susunod nilang pelikula.

Isang pelikula itong hindi ka manghihinayang sa pera – P150 ang tiket, o mga apat na kilo ng bigas ang katumbas.  Dahil  sa isang tula maraming natuhog at nabigkis na ala-ala. Dahil sa isang pelikula namalas ang determinasyon ng mga nakalipas at kasalukuyang henerasyon sa pakikibaka.

Marahil, dadami lalo ang magkaka-interes sa tula ni Joma. Sabi nga ng isang radio ad, “i-memorize na ‘yan!”