Balligi ti Umili: Pagtatanghal sa Politika ng Karahasan, Kapayapaan at Katarungan


Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan)

Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan) na itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) katuwang ang Cordillera People's Alliance (CPA). (Contributed photo)
Hindi simpleng pagbalik-tanaw sa mahigit 30 taong karanasan ng Kilusan para sa Sariling Pagpapasya ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera ang dulang Balligi ti Umili, kundi pagsilip sa isang maningning na bukas. (Contributed photo)

Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan) na itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) katuwang ang Cordillera People’s Alliance (CPA) sa ika-30 Aldaw Kordilyera (Cordillera Day) na ginanap sa Pasil, Kalinga noong Abril 24-26, 2014.

Hindi simpleng pagbalik-tanaw sa mahigit 30 taong karanasan ng Kilusan para sa Sariling Pagpapasya (Self-Determination) ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera at Ilokandia. Bagkus, ang dula ay pagsilip sa isang maningning na bukas para sa ahitasyon ng mamamayang nakikibaka.

Sa pamamagitan ng dula sa loob ng dula, naging bahagi sa pagdiriwang ang mahigit 3,000 Kaigorotan kasama ng iba pang katutubo mula sa Ilokandia, Mindanao, Gitnang Luson, Visayas at NCR maging ng mga nakikiisang katribu mula sa ibang bansa gaya ng Taiwan, Panama, Bangladesh, India, Nepal, Indonesia, Fiji, Estados Unidos, Canada, India, Malaysia, Ecuador, Kenya, Japan, Switzerland at Belgium.

Sa unang eksena, buong kagalakang idineklara ni Bugan (Elder Woman na ginampanan ni Aisa Mariano) ang isang pattong bilang pagpunyagi sa Cordillera Day 2024: Araw ng Pagkamit ng Sariling Pagpapasya. Habang ang community dance na pattong ay mistulang isang tradisyunal na paraan ng pagbukas sa isang espesyal na araw sa kabundukan ng Kordilyera sa pormang tradisyunal na sayaw at sa saliw ng katutubong gangsa ng tanso at ginto, hatid nito ay indayog ng pag-asa.

Sa mata ng pamahalaang binulag ng yamang nakaw, maaaring ang inangking tagumpay na ito bilang ani ng mga katutubo gawa ng masikhay na pakikipaglaban para sa kanilang karapatan ay isa lamang konseptong katatawanan at hibang. Sa tainga naman ng mga sundalong biningi ng mensenaryong pampasabog, isa itong tipo ng balitang maaaring ikayayanig halimbawa ng 41-Infantry Battalion na tinuturo ng mga katutubo bilang may kinalaman sa masaker ng pamilyang Ligiw sa Abra gayun din ng mga berdugong pumatay sa lider ng ili (pamayanan) at tagapagtanggol ng karapatang pantao na si William Bugatti ng Ifugao noong Marso.

Festibal na maituturing ang bawat paggunita ng Aldaw Kordilyera dahil sa katangian ng pagtitipon at gayak na nalilikha nito ngunit kaiba sa makulay o artipisyal na festibal ng Department of Tourism, seryosong usapin ang tampok sa Cordi Day.

Una, ginugunita ang kabayanihan ni Apo Macli-ing Dulag (1930-80) at ng iba pang banwar, mga martir ng bayan na nag-alay ng buhay upang depensahan at ipaglaban ang lupaing ninuno. Maalalang si Apo Macli-ing ay pinaslang ng mga sundalo ng diktaduryang Marcos dahil sa kanyang paggigiit sa kalinangan ng lahat ng tribo laban sa dambuhalang Chico Dam ng World Bank.

Pangalawa, okasyon ito para pag-usapan ang problema ng mga katutubo sa ilalim ng isang pamahalaang nangunguna sa paglabag sa Free, Prior and Informed Consent (FIPC) at may ganang mangamkam ng lupaing ninuno gamit ang Mining Act of 1995. Matapos ang halos dalawampung taong pagbibigay-laya sa mga dayuhang namumuhunan at korporasyong multinasyunal, nararanasan ngayon ang mapanirang epekto ng large-scale mining gaya ng landslide at pagbaha, pagkatuyo ng mga ilog sa rehiyon at kabawasan sa matabang lupa dahil sa lason ng mine tailing.

Ikatlo, ang Aldaw Kordilyera ay isang ritwal ng sanduguan (solidarity / pagkakaisa) ng iba’t ibang tribong may iisang luha at kaaway. Dito, pinag-aaralan at pinagkakasunduan ang gagawing aksyon para sa mga luma at bagong hamon.

Ikaapat, ito ay ay palitang-sining sa pagitan ng mga tribo gaya ng chant/awit, sayaw, kwento, tula at dula bilang pagpunyagi sa mga tagumpay ng kilusan sa rehiyon sa mga isyung politikal, pang-ekonomiya at kultural.

Tagumpay ang pambungad at pangwakas ng palabas ngunit walang pagpapanggap na ito ay makakamit nang madalian at di marahas.

Sa pamamagitan ng flashback, inilahad sa mga sumunod na eksena ang masalimuot at madugong mga realidad sa pagsuway sa kapritso ng mga naghahariharian. Sa kontemporaryong sayaw, maunawaan ang monologo ni Procopio (Oyen Pangket) bilang respetadong pangat (pinuno) ng ili na isang araw ay nawala at nakita na lamang na bangkay. Malinaw na ang distorsyon ng kanyang katawan ay sanhi ng bugbog at sangkatutak na klase ng tortyur.

Ang kasunod na awit ni Wanay (Cherel Killip) ay hinagpis ng isang ina para sa dinuduyang sanggol na nawalan ng ama. Ang awit naman ng Taumbayan ay pagkilala sa isang amang “matapang, malakas ang loob / at masigasig sa pag-oorganisa / para sa pagkakaisa at kalayaan / para sa bayan at kinabukasan”.

Pinukaw ng mga awit sa tono ng kullilipan (solong pambabae) at salidummay (pangkorus / community singing) ang alboroto sa dibdib ng mga manunood sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay gaya nina Makoy, Alice, Pepe, Chadyaas, Kamareg, Doton at Romy na pawang nagmana sa paninindigan ng dakilang pangat na si Apo Macli-ing. Kabilang sina Markus Bangit, Alice Claver, Pepe Manegdeg, Etfew Chadyaas, Johny Kamareg, Jose Doton at Romy Sanchez sa mga biktima ng extra-judicial killing kung saan ang karamihan sa mga sangkot na militar, pulis at para-militar na tropang Ambo Balweg o ang traydor na Cordillera People’s Liberation Army ay nanatiling malaya para maghasik ng lagim.

Nagluluksa ang mga bata’t matatanda, gayundin ang lupa, palay, ibon at mga sanga ngunit sa isang ellalay (chant) na “kailangang ipagpatuloy ang laban”, nangingibabaw ang likas na pagnanais ng mamamayan na tumindig para sa katarungan.

Sa kabilang banda, makatotohanan namang pinakita ang naramdamang takot ni Wanay sa puntong nais niyang ilayo sa kanilang bayan ang kanyang anak na si Kawil (Edong Dacoscos) at tuluyang mamuhay nang “tahimik” sa Baguio. Ang ganitong pagbabakwet ng mag-ina ay maisasalamin sa penomena ng malawakang paglikas gawa ng paghaharing-militar sa iba’t ibang nayon laluna kung saan may korporasyong balak ng pagmimina, pagtrotroso, pagpapa-dam o kaya pagpa-planta.

Ang talunang aparato ng sistematikong pananakot ay nagdudulot ng dislokasyon maging ng kalooban ng indibidwal man o ng buong komunidad ngunit batay na rin sa kasaysayan, sa isang panig ay lalo lamang nitong pinapatibay ang kawastuhan ng pananaw ng mga katutubo hinggil sa kabuloktutan ng sinasabing mga proyektong pangkaunlaran gaya ng mga plantang hydro at geotermal ng Chevron maging ng minahang Makilala-Free Port McMoRan ng Phoenix, Arizona.

Mismong sa Pasil na lunan ng pagtatanghal, iginiit ng tribong Guinaang sa pamumuno ng Indigenous Farmers Association of Guinaang, Pasil, Inc. (IFAGPI) ang paglunsad ng pagtitipon sa kabila ng mga bantang pagkitil ng buhay mula sa militar at mga ahente ng Makilala Mining Company na balak sirain ang mahigit 3,000 ektarya ng lupaing ninuno.

Sa harap ng ganitong hamon, kailangan ng isang pinunong may bakal na determinasyon: di natutunaw ng alok na salapi, ginto o CADT (Certificate of Ancestral Domain Title) ng NCIP (National Commission on Indigenous Peoples). Higit na kinakailangang pagtibayin ang sintido-komong Katutubong Batas (Customary Law) hinggil sa lupa kung saan “ang tao ay kinikilalang tagapaglinang at kung sinuman ang may ganang manira ay kailangang parusahan”. At sapagkat mapanghati ang pamamaraang pag-unlad ng kasalukuyang pamahalaan kasakapat ang mga dayuhang korporasyon, higit na kinakailangang buhayin ang isang unity/peace pact gaya ng Tomangan.

Sa gabay ni Apo Konao (Bernard Banao), ganito pinanghawakan ng mga katribung naiwan sa baryo ang kanilang lupang pamana. At sa bawat paglaban ay ang panawagan sa mga kabataan upang kumilos, isang alingawngaw ng bundok na pumagting hanggang sa pansamantalang pamamahay sa lungsod ng mag-inang Wanay at Kawil.

Sa kanilang naranasang diskriminasyon, demolisyon at pagkasira ng katutubong kultura, binasag ng dula ang konseptong iskapismo habang pinatunayan din ang lapot ng dugong Igorot. Si Kawil ay lumaking puno ng tanong at sa kanyang kagustuhang mahanap ang sagot ay muling inaral ang mga awit at sayaw ng kanyang lupang sinilangan. Sa isang digdigwi ay naitanghal ang kanyang simpatiya sa nararanasang paghihirap ng kanayon mula sa simpleng pandaraya sa presyo ng gulay at bulaklak hanggang kawalan ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon maging sa pagdukot at pagpaslang ng kanilang kamag-anak.

Sa awit na Fétad! Entay Epanawagan (Fétad! Ating Ipanawagan), mauunawaan sa kasabay na masigabong palakpakan na si Kawil ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (NPA). Ito ang huling mensahe sa flashback.

Maaaring may impresyong iglap ang solusyong pamumundok ni Kawil laluna kung di mo kabisado ang ritmo ng hininga at galaw ng mga kamay at paa ng mga katutubong malaon nang isinasantabi. Ang transisyon ay naganap mismo sa tauhan nang magkaroon ito ng bagong pananaw.

Hindi sapat ang dalawang oras upang mailahad ang epiko ng pakikibaka ng katutubong mamamayan sa Kordilyera at Ilokandia maging ang pagkamit ng tagumpay nito mula panahon ng kolonyal na pananakop. Gayunpaman, malinaw ang ipinakitang tunggalian sa dula at ang lohika ng pasyang pag-aarmas ng kabataang tauhan.

Sa huling chant ng isang Babaeng Pinuno (Ani Bungaoen), binanggit niya ang halaga ng kasaysayan at pag-alaala sa mga aral “hindi lamang ng rehiyon kundi maging ng buong bansa sa kung paano nakamit ang isang lipunang malaya”. Ang pagsulong kung gayon para sa Sariling Pagpapasya ay sang-ayon sa perspektiba ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Balik-Tanaw sa Dulang Macli-ing

Noong 1988, itinanghal ng Philippine Educational Theater Association (PETA) ang dulang Macli-ing sa panulat ni Malou Jacob. Binuksan ng dula ang diskurso hinggil sa katahimikang nakabatay sa hustisya laban sa tipo ng katahimikang bunsod ng eskimang pangangayupapa ng isang estado gaya ng nangyaring kutsabahan ng Tropang Balweg at Pamahalaang Corazon Aquino.

Ang kabalintunaang “Ang tunay na mandirigma ay alagad ng kapayapaan”  ay isinambit ng Taumbayan sa talastasan ng gagawing tugon hinggil sa mensahe ni Apo Macli-ing para sa katuparan ng katarungan para sa kanya at sa kanilang ili sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga katutubo at maging sa suporta ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Si Apo Macli-ing ay kinilalang tagapagtakwil ng tribal war bilang labi ng kolonyal na taktika ng divide and rule na naranasan ng kanilang mga ninuno laluna sa ilalim ng kolonyal na panghimasok ng Amerikano (1898-1946). Sa halip ay itinaguyod niya ang tradisyong mapagkaisa: ang bodong sa pagitan ng dalawang tribo at sa malaon ay sa pagitan ng maraming tribo (inter-tribal). Ang bodong kung gayon ay naging daan upang mapalalim ang pag-unawa ng mga katutubo maging ng mga naninirahang Ilokano sa patag hinggil sa kung sino ang tunay na kalaban ng mamamayan: silang nagtaguyod ng mapanira at mapaghating proyekto gaya ng Chico River Dam na pinangambahang magpapalubog sa kanilang ili.

Naging popular din ang mga pahayag ni Apo Macli-ing sa harap ni Pangulong Marcos at ang kroni nitong si Manuel Elizalde bilang repleksyon ng prinsipyo ng mga katutubo hinggil sa kanilang lupaing hindi pagmamay-ari ninuman sapagkat ito ay pahiram lamang ni Kabunian (Bathala / Tagapaglikha) sa tao upang kalingain at pagyamanin. Sa katutubong paniniwala kung gayon, “ang lupa ay hindi simpleng pagmamay-ari kundi bahagi ng pamanang lahi na nararapat lamang alagaan”. Taliwas ito sa kapitalistang konsepto ng pribadong pagmamay-ari at pagsasamantala sa ngalan ng malaking tubo na siyang pinamalas ng pamahalaang Marcos alinsunod sa patakaran ng World Bank. Samantala, ipinagmamalaki ng mga katutubo na sa kanilang pamanang lupain, “dito sila isinilang, dito sila nabuhay at namulat at dito rin mamamatay” gaya ng sinasambit sa Ti Daga Nagtaudan na awit ng DKK.

Sa karumaldumal na panahong batas militar, naranasan ng mga katutubo ang pagbomba sa komunidad, panununog ng kabahayan, pag-salvage at panggahasa sa mga kababaihan. Ngunit hindi nasiraan ng loob si Apo Macli-ing gaya ng nais mangyari ng kanilang kalaban. Sa halip, pinatawag niya ang buong ili: bata, matanda, kabataan, kababaihan at kalalakihan at nanawagan sa pamamagitan ng chant at sayaw ng isang Fétad! (paglaban).

Subalit umigting rin ang pasistang pamamalakad ng pamahalaan. Umabot sa puntong ang karamihan sa mga kalalakihan ay dinala sa piitan ng mga militar. Sa kabilang banda, ang iba ay aktibong nakidigma sa hanay ng NPA. Samantala, ang mga naiwang kababaihan naman sa baryo ay aktibong lumahok sa mga aksyong protesta o civil disobedience gaya ng pagdistrungka sa mga sasakyan ng mga kagamitan para sa pagtayo ng dam maging sa pagsira ng mga tent ng mga sundalong nagkakampo sa kanilang ili.

Ang mga kababaihan ay hindi nagpatinag sa mahahabang baril ng mga militar at sa halip ay matapang nilang hinarap ang mga ito bilang pagdepensa sa kanilang lupain. Nangyaring nagsimulang magtanggal ng saplot ang isang Bakét (Elder Woman) upang tigilan ang mga militar. Sa tradisyon ng senyales ng Fétad!, sumunod na naghubad ang iba pang kababaihan habang ang isang Nanay ay nagpasirit ng gatas upang mapahiya ang mga militar na pawang kalalakihan. Matandaang sa Ikatlong Akto, ang mga kababaihan sa ili ay nakaranas ng panggahasa bilang sukdulang pagyurak sa kanilang karapatan bilang babaeng ina, anak, kapatid, kamag-anak o kababayan. Kung kaya, sa kasaysayan ng Kaigorotan, ang aksyong ito ay itinuring na matagumpay sapagkat sa huli ay napahiya, umatras at tuluyang umalis ang mga nagkampong militar. Sa pagtapos ng dula, inimbitahan ang mga manunood sa isang pattong na maaya namang nilahukan ng mga manunood.

Malaking elemento ng dula ang karahasan bilang halaw ito sa buhay ni Apo Macli-ing sa panahon ng batas militar ni Marcos. Bukod dito, ang pinangyarihan ng dula sa kabundukan ng Kalinga ay isang lokasyon kung saan ang paglulunsad ng mga katutubo ng armadong labanan ay hinihiling ng kondisyong nasa panganib ang kanilang lupaing ninuno, kabuhayan, kultura at ang susunod na salinlahi. Ang animasyon ng kanilang pagiging mingor (warrior) sa kontemporaryong panahon ay pagpapahayag rin ng kanilang panawagan para sa sariling pagpapasya kung saan umiiral ang sustenableng pamumuhay at sanduguan.

Binibigyang-pansin ang linyang “Ang tunay na mandirigma ay alagad ng kapayapaan” dahil mayroon itong dalawang mukha ayon sa kung sino ang nagsambit nito: (1) batay sa tauhang nakakilala kay Apo Macli-ing na nagpasimuno sa pagtigil ng tribal war o ang walang kapararakang ubusang-lahi ng tribong Igorot laban sa isa pang tribong Igorot dahil sa mga tunggaliang ayon kay Ama Macli-ing ay maaaring mapag-usapan; at (2) batay sa tauhang kumakatawan kay Marcos, ang kroni nitong si Manuel Elizalde, ang sunud-sunurang Kapitan at ang mga militar.

Sa unang pananaw, binibigyang-linaw na ang mandirigmang gaya ni Apo Macli-ing ay naniniwala sa pagpanaw ng tipo ng tunggaliang labi ng kolonyal na pamamaraan ng pagwasak sa pagkakaisa ng kanilang ili. Magaganap ang pagpanaw na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa problemang kinakaharap ng pamayanan at sa pagkilala kung sino ang tunay na magkakampi at magkalaban sa napakamahalagang usapin ng lupa.

Sa ikalawang pakahulugan, ang linya ay naka-angkla sa layunin ng pangangayupapa ng mga katutubo nang sa gayon ay kusa nilang pabayaan ang pagpapatayo ng dam sa lupaing saklaw ng kanilang lupaing ninuno. Ang paghahalo ng balat sa tinalupan ay nagiging aparato ng estado sa ibayong panloloko sa mamamayan. Samantala, ang gera at ang pakikisangkot dito ng mga mamamayang hangad ay kapayapaan sa kanilang ili ay isang katotohanang kinagisnan na ng mga ina at anak ng iba’t ibang tribo at angkan sa Kordilyera. Sa isang banda, sa pag-iral ng kasaysayan ng mapagpasyang paglaban, ang gerang ito ay inilulunsad lamang dahil kailangan.  Para sa mga katutubo, ang kabundukan ay tangi nilang tahanan. Kinakalinga nito ang lahat ng kanilang pangangailangan gaya ng pagkain, gamot, hangin at edukasyong pangsiyensa at pangkultura.

Kaya naman hangga’t may sintomas ng pagsalaula ng kanilang tahanan, ang kanilang pamayanan ay nakahandang sumugod at makipaglaban sa isang panawagan lamang ng Fétad! mula sa kanilang pangat. Sa literal, ito ay tumutukoy sa terminong laban o sugod. Sa tradisyon ng Kaigorotan, ito ay senyas ng Tribal War ngunit sa pag-unlad ng pampolitikang kamulatan ng mga katutubo mula sa inisyatibang bodong ni Apo Macli-ing, nagkaroon ng panibagong pakahulugan ang Fétad! tungo sa progresibong panawagan ng isang People’s War na nakabatay sa usapin ng lupaing ninuno at demokrasya. Sa esensya, para sa mamamayan ng Kordilyera, ito ay deklarasyon ng digmang bayan.

Maitatalang ang finale na awit na Ili Mid ay popular din sa mga komunidad na inoorganisa ng NPA at ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) sapagkat ang buhay ni Apo Macli-ing at ang laban sa Chico River Dam ay bahagi ng kontemporaryong epiko ng Kordilyera. Nalikha din sa rebolusyunaryong hanay ang mga salidummay na nagsasalaysay sa bahaging ito ng kasaysayan sa rehiyon.

Walang patutunguhan ang Usapang Pangkapayapaan kung hindi sinsero ang gobyerno na isakatuparan ang mga demokratikong hinaing ng mga katutubo. Ito ang deklarasyon ng mga Apo at Bakét noong Aldaw Kordilyera 2011 kung saan naganap din ang Joint Peace Consultation of Cordillera Indigenous People, Government of the Philippines (GPH) at ng NDF. Samantala, may pag-aalinlangan ang mga katutubo sa kagaganap lamang na Peace Agreement sa pagitan ng GPH at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ibang usapin ang pagkaroon ng pag-uusap. Ibang usapin pa rin ang pagpatupad sa mga napag-usapan laluna hinggil sa hinaing ng mga katutubo.

Kung gayon, nananatiling mahalaga ang pagpapakita sa dalawang dula ng armadong pakikipaglaban bilang isang realidad sa rehiyon. Batay sa tradisyon, ang bawat isinilang na katutubo ng Kordilyera ay tinuturing na isang mingor at inaasahang siya ay magiging palaban. Sa kanilang paglaki, nakasanayan nila ang mga kagamitan sa pagbubungkal ng lupa o kaya sa pagmimina bilang mga armas na dapat nilang tanganan.

Kung kaya, sa kanilang malay ang pag-aarmas para bantayan ang kanilang lupaing ninuno ay isang mahalagang bahagi ng kultura. Sa ganitong perspektiba mahusay na maihatid sa tanghalan ang representasyon ng marahas na pakikipaglaban ng mga katutubo alang-alang sa inaasam na kapayapaan at tunay na awtonomiyang (Genuine Regional Autonomy) kundi man matamasa sa kasalukuyan ay matatamasa ng susunod na salinlahi.