DOTC, sinugod ng kabataan dahil sa taas-pasahe sa MRT, LRT
Nagprotesta ang grupo ng kabataan sa harap mismo ng tanggapan ng Department Transportation and Communication (DOTC) sa Mandaluyong City para ipatigil ang dagdag-pasahe sa tatlong tren sa Metro Manila. Ayon sa Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (Karatula) at Anakbayan ang nasabing protesta, hindi makatarungan ang taas-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT-3) at Light […]


Nagprotesta ang grupo ng kabataan sa harap mismo ng tanggapan ng Department Transportation and Communication (DOTC) sa Mandaluyong City para ipatigil ang dagdag-pasahe sa tatlong tren sa Metro Manila.
Ayon sa Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (Karatula) at Anakbayan ang nasabing protesta, hindi makatarungan ang taas-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT-3) at Light Rail Transit LRT-1 at LRT-2) dahil dapat na pampublikong serbisyo ito sa mga mamamayan.
Hirap na umanong makapasok sa mga pamantasan ang kabataan dahil sa taas ng singilin sa mga unibersidad. Isang malaking pasanin pa ang pagtaas ng pamasahe sa MRT at LRT, ayon sa grupo.
“Maraming kabataang estudyante ang lubhang naaapektuhan sa pagtataas ng pasahe dahil sa patung-patong na gastusin meron na sa eskuwelahan. Hindi na mapagkasya ang aming mga baon sa pamasahe pa lamang. Ni hindi naman nadaragdagan ang sahod ng aming mga magulang,” ayon kay Orly Putong, tagapagsalita ng Alay Sinig-Karatula.

Pag-aabandona ng gobyerno sa pagbibigay ng batayang serbisyo sa transportasyon sa mga mamamayan ang pagtaas ng pasahe MRT at LRT.
“Hindi maaaring tanggalin ang pananagutan ng gobyerno rito. Mas mainam kung mabigyan din ang ibang rehiyon ng tren. Pero ang ipapasan sa taumbayan ang dagda-pasahe para rito, hindi ito makatarungan. Lalo na sa panahon na ngayon na nag-uumapaw pa rin sa pork barrel ang pambansang badyet natin,” ayon kay Michael Beltran ng Karatula.