FEATURED Pluma at Papel

Tula | Natutulog Pa Rin Nazarenong Itim


Tula ng beteranong makata at manunulat na si Rogelio Ordonez alay sa sambayanang tumatangkilik sa Pista ng Nazareno.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>
Larawan ni Jo A. Santos

ilang kahang sigarilyo, lolo hugo
sa maghapo’y kailangang ibenta mo
para maibili ng pansit gisado
sa restawran ni be ho
sa kanto ng elizondo
naghihintay mong bunsong apo
sa nakaluhod na barungbarong
sa gilid ng mabahong estero?
ostiya na lamang kaya ang iuwi mo
sagana sa altar ni padre san pedro
sabawan ang kanin ng agua bendita
baka maglasang kalderetang tupa
sa bibig ng namayat lumuluhang sinta.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

gaygayin mo man, lolo hugo
mulang bibig ng r. hidalgo
hanggang dibdib ng bilibid viejo
wala kang matatalisod ni piso
walang pandesal mula sa langit
walang lugaw sa pondang maanghit
sa paa mo’y biglang hahaplit…
sigarilyo ng mga sugapang gaya ko
magpapakislap sa mata mo, lolo hugo.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

ilang dekada na ba, lolo hugo
nagtitinda ka ng tingi-tinging sigarilyo?
nagtagpo na tayo sa plaza miranda
sa maalab, madugong mga protesta
sa panahon ng malagim na diktadura
mabulas ka noong gaya ko
sumasabit pa sa mga estribo
sa mga sasakya’y nakikipagpatintero
ngayo’y kapwa lolo na tayo.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

ilang dupikal na ba ng batingaw, lolo hugo
sa pandinig mo’y umalingawngaw?
ilang himno’t salmo na ba ang nagpasayaw
sa utak mong humihiyaw?
sigarilyo, sigarilyo kayo diyan!
bawal mang hithitin sa maraming lugar
pero usok ng tambutso ng mga sasakyan
di lason sa hungkag na tiyan
sa kauri nating laging nagkakalkal
sa grasyang mula raw sa poong maykapal
paano pakakainin apong naghihintay?

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin

anong malay natin, lolo hugo
baka sa wakas magising din
sa pagkakahimlay nazarenong itim
sa yakap at halik ng milyong deboto
baka biglang bumangon din
sa dasal at misa ni padre san pedro
espada’y hawakan
putulin ang ulo
ng mga ganid sa mga palasyo
busbusin ang tiyan ng mga impakto
upang grasya nati’y di nila masolo.

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.

malay natin, lolo hugo
kapag nagising itim na nazareno
itataas natin ang kalis ng dugo
bendisyon ng tabak at koro ng bomba
iparirinig natin sa mga asyenda
sa mga empresa at mga pabrika
sa naglumot na kuta ng inhustisya
prusisyon ng masa’y agad huhugos
palalayain ang uring busabos!
kapag nagising nazarenong itim
di ka na magtitinda ng sigarilyo
litson, adobo’t asado iuuwi mo
sa pinakasisintang bunsong apo
pero, sa ngayon, lolo hugo…

natutulog pa rin nazarenong itim
sa loob ng eskaparateng salamin.