Editoryal

Editoryal | Salang Pa Rin Si Aquino

March 29, 2016

Editorial Cartoon ni Gabby Pancho

Editorial Cartoon ni Gabby Pancho

Muling nabukulan at kahiya-hiyang nasalang ang rehimeng Aquino sa isa sa  pinakamalaking “cyber heist” (pagnanakaw gamit ang internet) sa kasaysayan.

Nito lamang ay nabunyag na nailipat ng mga hackers ang  $81 milyon na pera ng Bangladesh Bank na nakadeposito sa Federal Reserve Bank of New York patungo sa isang bangko sa Pilipinas, ang Rizal Commercial Banking Corp (RCBC).

Inilabas din agad ang dolyar, pinalitan ng piso, at ipinasok sa mga dambuhalang casino tulad ng Solaire, Midas, at City of Dreams.

At dahil hindi sakop ng Anti-Money Launderling Act (AMLA) ang mga casino, hindi na matunton kung nasaan na ang perang ito ng mamamayan ng mahirap na bansang Bangladesh.

Bagaman sumasailalim ito sa tila wala na namang kinahihinatnang imbestigasyon sa Senado dahil naalarma na ang buong bangko ng mundo, ang nakapagtataka’y bakit nasangkot ang Pilipinas dito?

Sabi nga ni Archbishop Ramon Arguelles ng Lipa, sisihin iyan sa paglaganap ng mga casino sa Pilipinas at pagkunsinti rin ni Aquino sa  sugal.  Tuloy naging paboritong lunsaran tayo ng “money laundering” (o palabasing legal ang pinagmumulan ng pera) ng mga sindikato tulad ng droga, trafficking, smuggling, at iba pa.

Ani pa ni Arguelles, kahit mga casinong napigilan noon ay pinayagan sa ilalim ni Aquino.

May 40 casinos sa bansa, at 23 dito ang nabuksan sa ilalim ng rehimen.  Noong 1976 ginawang legal ang casino na karamihan ay pag-aari ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) ng gobyerno.

Ngunit ngayon, sa ilalim ng konseptong “integrated resorts” (kasama na sa casino ang mga hotel, entertainment, malls, atbp), namayani na ang  malalaking dayuhang investor at target na gawing “international destination” ng manunugal ang Pilipinas. Ang mga pangunahing naging kliyente ay mga “high-rollers” mula sa China, kaya sangkot ang mga pangalang Go, Kim at Wong sa cyber heist na ito.

Gayunpaman, masahol pa na mga mambabatas mismo ng Pilipinas ang pumipigil na higpitan ang regulasyon sa mga casino at baguhin ang AMLA, sabi na rin ni Senador Serge Osmena.

At malamang na hindi lamang minsang nangyari sa Pilipinas ang cyber heist na ito.

“Daang Matuwid”?  Habang nalalapit ang pagtatapos ng termino ni Aquino, lalong nagsulputan ang mga nakatago pang pananagutan nito sa bayan. Simula pa noong “hostage crisis” nito sa Luneta, sistematikong korapsyon sa pamamagitan ng pork barrel system, kapabayaan sa “Yolanda”, masaker sa Mamasapano, tanim-bala sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport), kabulukan ng mass transport system, pagpaslang sa mga Lumad, at marami pang iba, si Aquino mismo ang nagpababa sa katayuan ng bansa sa mata ng buong mundo. Ang mga kasalanang ito ay testimonya ng kapabayaan ng pangulong nangako ng tuwid na daan pero isinusugal ang kinabukasan ng bayan.