FEATURED Showbiz/Reality

‘Dolce Amore’ at reyalidad ng giyera


Sa likod ng kuwento ng teleseryeng kinabibidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil ang tunay na kuwento na mas nakaeengganyong subaybayan.

showbiz-reality-iconTaong 1998. Nagmamadali ang dalawang Overseas Filipino Workers na sina Uge at Alice Urtola, dala ang maliit nilang anak na si Angel at sanggol na si Monica, na makarating sa border ng Askovia para makatakas sa lumalalang giyera-sibil sa naturang bansa.

Pero pagdating sa border, mga babae at bata lang ang inuunang lisanin. Naiwan si Uge. Sa biyahe, nabomba ng mga rebelde ang trak na kinasasakyan nina Alice at ang dalawang anak. Nawalan sila ng malay. Inakalang patay na ang ina at si Angel, at nadala sa isang refugee camp ang sanggol na si Monica.

Ganito nagsimula ang teleseryeng Dolce Amore na pinalalabas pa ngayon sa Dos. Sa ganitong paraan nagsimula ang pinaka-basic na plot ng naturang teleserye: ang pagkakahiwalay ni Monica/Serena Marchesa (Liza Soberano) sa kanyang tunay na pamilya para mapalaki ng isang Italyanong bilyunaryong pilantropo na si Roberto Marchesa (Ruben Maria Soriquez) at asawang si Luciana (Cherie Gil). Sa piling ng mga Marchesa, nagkataon namang pinalaki si Serena ng isang Pilipinang yaya (Frenchie Dy).

Liza Soberano at Enrique Gil sa teleseryeng 'Dolce Amore' sa ABS-CBN-2.
Liza Soberano at Enrique Gil sa teleseryeng ‘Dolce Amore’ sa ABS-CBN-2.

Malamang sinadya, pero sa sinumang sumusubaybay naman sa international news, mapapansin ang pagkakahawig ng setting ng unang episode ng Dolce Amore sa tunay na nangyayari ngayon sa bansang Syria. Naglalabanan ang mga rebeldeng suportado ng gobyerno ng US at European Union at ang gobyerno ni Assad na suportado ng Rusya at Tsina. Ang resulta: mahigit apat na milyong sibilyang Syrian ang napuwersang lumikas sa kanilang bayan. Marami ang sinikap na tumawid patungong Europa. Daan-daan o libo pa nga, ang tinatayang nalunod o nasawi sa tangkang pagtawid sa Mediterranean Sea, sa pagitan ng Middle East at Europa.

Pero isa lang sa pinakahuli ang giyera-sibil sa Syria sa tuluy-tuloy na sigalot sa Middle East na dulot ng panghihimasok ng imperyalismong US dahil sa presensiya ng mayamang reserba ng langis dito. Hindi man totoo na may bansang Askovia na lugmok sa giyera noong 1998 ayon sa kuwento ng Dolce Amore, nariyan ang pananakop ng Israel sa Palestine mula 1940s hanggang ngayon. Nariyan ang giyerang Iran-Iraq noong 1980s. Nariyan ang pananakop ng Iraq sa Kuwait, at pananakop ng US sa Kuwait at Iraq, noong 1994-95. Nariyan ang pananakop ng US sa Afghanistan noong 2001 at sa Iraq noong 2002. Noong 2012, nariyan ang pananakop sa Libya.

Tulad ng maraming teleserye sa telebisyon ngayon, anumang seryosong isyung panlipunan ngayon ay nagsisilbing background lang ng love story o personal na mga istoryang gustong ikuwento ng teleserye.  Matatandaan, halimbawa, ang teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin noong 2011 na tungkol sa mga conflict sa pagitan ng mga karakter na nagkataong sundalo o nagkataong rebelde. Hindi rin naman kaiba ang Dolce Amore na ginamit ang tunay na pangyayari sa Syria o Middle East bilang backdrop ng plot twist na magibibigay daan sa pagkakakilala nina Serena at Simon (Enrique Gil).

Pero bilang mga manonood o tagasubaybay sa mga teleseryeng ito, mainam ring mapaglimian natin ang reyalidad sa mga likod ng ipinapakitang mga sitwasyon o konteksto ng mga kuwento. Malamang, kung mapapalalim natin ang kaalaman sa mga tunay na pangyayari sa lipunan, makikita nating mas nakakaengganyo subaybayan – at mas makabuluhan – ang mga pangyayari sa tunay na buhay.

Larawan sa itaas: Shoot ng unang eksena ng teleseryeng ‘Dolce Amore’ ng ABS-CBN-2. Mula sa www.dolceamore.ph