4 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Fort Magsaysay


Apat na magsasaka ang namatay habang isa naman ang sugatan sa pamamaril sa Fort Magsaysay Military Reservation (FMMR) kahapon.

Fort Magsaysay sa Nueva Ecija. Wikimedia Commons

Apat na magsasaka ang namatay habang isa naman ang sugatan sa isang pamamaril sa Fort Magsaysay Military Reservation (FMMR) kahapon.

Ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid ng Gitnang Luzon (AMGL), nagpapahinga ang mga biktimang sina Baby Mercado, Violeta Mercado, Eligio Barbado and Gaudencio Bagalay mula sa pagtatanim nang paputukan sila ng mga pribadong security guard habang nagsasagawa sila ng bungkalan sa lugar.

Hinala ng grupo, konektado kay Palayan City Mayor Adrianne Mae Cuevas at sa isang nagngangalang “Col. Rigor” ng Nueva Ecija Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) ang mga suspek sa pamamaril.

“Ang mga pamamaslang na ito na may kinalaman sa land dispute sa Fort Magsaysay ay nakakabahala lalo na at ang mga biktima’y pawang ordinaryong magsasaka lamang sila na walang laban,” ayon sa tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na si Joseph Canlas.

Ang 3,100-ektaryang Fort Magsaysay Military Reservation (FMMR) ay ibinigay na sa mga magsasaka sa ilalim Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong Nobyembre 5, 1991 sa ilalim ng administrasyong Corazon Aquino sa mga magsasakang walang lupa at pati na rin sa mga biktima ng pagputok ng bulking Pinatubo sa Pampanga.

“Sa basis ng 1991 Deed of Transfer sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Department of Agrarian Reform (DAR) ay naipamahagi na dapat sa 6,000 magsasaka ang mga lupang sakahan. Ngunit tila naging hungkag ang mga natanggap na Certificates of Land Ownership Award (CLOA) dahil hindi nito naproteksiyunan ang karapatan ng mga magsasaka sa kanilang lupang sakahan,” ani Canlas.