FEATURED Pambansang Isyu

Makabayang serbisyo


Kumusta na ang unang 100 araw ng mga progresibo sa gabinete ni Duterte?

Pambihirang pagkakataon ang pagkakatalaga sa gabinete ni Pangulong Duterte sa mga progresibo upang isulong ang interes ng mga mamamayan sa loob ng ehekutibong sangay.

Kabilang sa mga aktibis-tang naitalaga sina Sec. Rafael Mariano ng Department of Agrarian Reform (DAR), Sec. Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Usec. Joel Maglunsod sa Department of Labor and Employment (DOLE), at Sec. Liza Maza ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Pagsulong

Para isulong ang tunay na repormang agraryo, isa sa mga tinutukan ni Mariano ang mga magsasaka sa Hacienda Lusita sa Tarlac ng pamilyang Cojuangco-Aquino at mga asyenda ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. sa Negros Occidental.

Malaking hakbang ang pagpupulong ng Presidential Agrarian Reform Council nitong Setyembre. Kasama sa napagkasunduan ang dalawang-taong pagtigil sa land-use conversion, at pagpapatawad sa utang na amilyar ng mga magsasaka sa Land Bank of the Philippines.

Tinutukan din ang pamamahagi ng coco levy funds sa mga magniniyog, patuloy na pamamahagi ng certificate of land ownership awards, at pagtiyak na may sapat na kagamitan at suporta mula sa pamahalaan ang mga magsasaka.

Maagap, mapagkalinga

Layunin ni Taguiwalo na bumilis ang serbisyong hinahatid sa mahihirap sa pamamagitan ng pagsugpo sa korupsiyon na nagpapabagal sa pagseserbisyo sa mga mamamayan.

Nagpatupad ang DSWD ng Memorandum Circular No. 9 para ‘di na kailangan pang dumaan sa mga pulitiko at diretso na sa DSWD ang mga mamamayang nangangailangan ng Pro-tective Services Program.

Pinag-aaralan ng DSWD kung paano magiging mas mabisa at mas maraming maabot ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Programs, at Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).

‘Endo’ pinawawakasan

Malinaw ang pahayag ni Duterte na itigil ang kontraktwalisasyon sa paggawa upang pangalagaan ang seguridad sa trabaho ng mga manggagawa.

Sa pagkakaupo sa DOLE nina Sec. Silvestre Bello III at Usec. Maglunsod mula sa Kilusang Mayo Uno-Mindanao at dating kongresista ng Anakpawis Party-list, agarang pinag-aralan ng DOLE ang gawi ng mga negosyante sa labor-only contracting, subcontracting at iba pang porma ng kontraktuwal na paggawa.

Madalas na iniikutan ng mga kompanya ang batas upang ipagpatuloy ang kontraktuwalisasyon. Layunin ni Maglunsod na higpitan ang pagtalima sa mga pamantayan sa paggawa at amyendahan ang Labor Code upang palakasin ang proteksiyon sa manggagawa at kawani.

Sa ulat ng ahensiya, mahigit 10,000 kontraktuwal na ang nagawang regular sa trabaho sa katapusan ng Setyembre sa pamamagitan ng mga inspeksiyon at konsultasyon ng DOLE sa halos 7,000 establisamyento.

Pagtugon sa kahirapan

Hamon sa bagong kalihim at lead convenor ng NAPC ang atas ng pangulo na bawasan ng 9 porsiyento mula sa 26 porsiyento ang poverty incidence sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa 2022.

Bagaman wala pang 100 araw sa puwesto, sinimulan ni Maza ang pagkokonsulta sa batayang mga sektor. Layunin ng ahensiya na bigyan-boses ang mga mamamayan sa pagbubuo ng mga patakaran ng pamahalaan na may kaugnayan sa pagsugpo sa kahirapan.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng NAPC sa mga ahensiya ng gobyerno upang tiyakin na naaabot ng mga programa at sebisyo ng gobyerno ang pinakamahihirap na mamamayan lalo na sa Mindanao.