Reporma sa lipunan at ekonomiya, pag-uusapan
Pinakabuod ng usapang pangkapayapaan ang mga panukala para sa paglutas sa ugat ng kahirapan at pagsasamantala sa bansa.
Magkakaalaman na. Sa pagsisimula ng ikatlong round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at administrasyong Duterte, nasa adyenda na ang mga panukala para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser).
“Ito ang crux (o pinakabuod) ng usapan,” minsan nang sinabi ni Fidel Agcaoili, punong negosyador ng NDFP.
Sa Caser kasi, paguusapan ang mga panukala para sa pagrereporma sa pagpapatakbo ng ekonomiya at relasyon ng mga Pilipino sa isa’t isa. Ang sistemang panlipunan at pangekonomiya, na tinatawag ng NDFP bilang “malakolonyal at malapiyudal”, ang siyang dahilan kung bakit karamihan pa rin ng mga Pilipino ang naghihirap, samantalang iilang indibidwal at pamilya ang may monopolyo sa yaman, rekurso at kapangyarihan sa bansa.
Sa bahagi ng NDFP, pagkakataon ang negosasyon sa Caser para matutugunan ang ugat ng kahirapan at pagsasamantala sa bansa na siyang dahilan kung bakit may armadong tunggalian. Sa bahagi ng administrasyong Duterte, pagkakataon ito para mapatunayang seryoso at sinsero ito sa pangakong pagbabago sa bansa.
Simple lang, sa unang tingin. Pero marami ang makikitang hadlang para makamit ang isang makabuluhang kasunduan.
Tungkuling magpanukala
Sa pagitan ng dalawang panig, NDFP ang may tungkuling maghapag ng seryoso at makatwirang panukala para sa reporma. Ito naman kasi ang kumakatawan sa nagrerebolusyong mga mamamayang Pilipino na nagnanais magpabagsak sa namumunong sistemang pampulitika at pangekonomiya.
At hindi ito nagkulang sa paghapag ng panukala: mula nang pasimulan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang bagong rebolusyong pambansademokratiko noong 1968, naghapag na ito ng programa para sa isang “demokratikong gobyernong bayan” na itatatag habang naglulunsad ito ng armadong pakikibaka. Sa usapang pangkapayapaan, lalo na sa kasalukuyang yugto nito, agarang nagbuo ang NDFP ng burador ng Caser.
Nakatuon ang panukalang Caser ng NDFP sa pagpapaunlad sa kalagayang pang-ekonomiya ng mas maraming bilang ng mga mamamayan. Sa kasalukuyang sistema kasi, nakatuon ang Estado sa pag-akit ng dayuhang pamumuhunan at pag-eksport ng lakas-paggawa.
Sa kabila ng mga pangakong “maaambunan” (trickle-down economics) ang mahihirap ng yaman na nakokopo ng iilang mayayaman nananatili ang matinding kahirapan sa bansa at hindi nangyayari ang sinasabing “inclusive growth” o kaunlarang para sa lahat.

Repormang agraryo, kaunlaran sa kanayunan
Isa sa pangunahing mga nilalaman ng panukala ng NDFP ang tunay na repormang agraryo at kaunlaran sa kanayunan.
“Ang unang hakbang sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran sa bansa ay pagtugon sa pinakabatayang mga problema ng kanayunan ng Pilipinas,” ayon sa burador (sa wikang Ingles, isinalin ng Pinoy Weekly) para sa Caser ng NDFP na natanggap ng Pinoy Weekly. “Kasama rito ang malawakang kahirapan, malalang malnutrisyon, kawalan ng lupa ng mga magsasaka, matinding kawalan ng pagkakapantaypantay na hindi lang usapin ng hustisyang panlipunan kundi (usapin din ng) mahusay na polisiya sa ekonomiya.”
Apat ang estratehiyang iminumungkahi ng NDFP. Una, kailangan umanong buwagin ang mga monoplyo sa lupaing agrikultural at iba pang produktibong lupain. Pangalawa, tapusin ang mapangsamantalang mga gawain laban sa mga magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda at mga manggagawa sa mga kaburikan at pangisdaang pinatatakbo ng mga kapitalista.
Pangatlo, paunlarin ang produksiyon sa agrikultura, lalo na sa bigas at mais, niyog, asukal, pangisdaan at produktong marino, bakahan/ babuyan at manukan. Kailangan umano ng aktibong suporta ng gobyerno sa produksiyong agrikultural sa pamamagitan ng akses ng mga magsasaka sa pondo, pasilidad, irigasyon, serbisyo at imprastraktura, habang sinusuportahan din ang organisasyon o kooperatibo ng mga magsasaka.
Pang-apat, nais ng NDFP na protektahan, suportahan at paunlarin ang pagpoproseso ng pagkain, kabilang ang mga produktong gatas, gayundin ang siyensiya at teknolohiya na magagamit para paunlarin ang produktibidad ng agrikultura at ng kanayunan. Kailangan din umanong tugunan ang produksiyong ito ang aktuwal na pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino, hindi para sa pag-eeksport sa labas ng bansa.
Pag-iindustriyalisa para sa nakararami
Isa pang susing nilalaman ng panukalang Caser ng NDFP: ang pag-iindustriyalisa ng bansa.
“(Sa ngayon, ang sitwasyon ng bansa ay) lumalalang pagkaatrasado sa industriya at teknolohiya, tumitinding dominasyon ng dayuhan at lokal na pagsusubkontrata, mahinang paglikha ng trabaho, mababang sahod, pagpuwersa sa mga mamamayan sa di-pormal na trabaho, maliliit na mga negosyanteng napupunta sa mga aktibidad na may mababang produktibidad/nasa laylayan,” ayon sa burador ng NDFP.
Ganito umano ang sitwasyon dahil sa neokolonyal na karakter ng ekonomiya, pangangalakal at pamumuhunan na di-paborable sa interes ng mga Pilipino, at pagkakaroon ng ekonomiyang nakadepende sa dayuhang pamumuhunan at pagtugon sa pangangailangan ng merkado.
Ayon sa naturang burador, ang pambansang industriyalisasyon ay nangangahulugan ng kakayahan ng isang bansa na makakuha at makapagpaunlad ng kapasidad na lumikha ng mga kagamitang pang-industriya.
Layunin nitong maglikha ng empleyo, mapigilan ang pagababa ng mga sahod, mapalaki ang lokal na merkado, maiangat ng antas ng siyensiya at teknolohiya at mapaunlad ang kabuhayan ng karamihang mamamayan.
Sa pag-iindustriyalisa ng bansa, kailangang magamit nang husto ang lokal na mga likas-yaman, habang isinasaalang-alang ang epekto ng paggamit na ito sa kalikasan.
Kailangan umanong suportahan ang sumusunod na mga industriya, gayundin ang mismong mga makabayang negosyante na katuwang sa pagpapalakas ng naturang mga industriya: pagmimina at metallurgy, kagamitang grikultura/industriyal (makinarya at kagamitan), gamit sa konstruksiyon (kahoy, ceramic, salamin, plastik, semento), gamit at sasakyan sa transportasyon (hal. tren, bus, barko), enerhiya, elektroniks, precision instruments, mga kemikal na pang-industriya, pharmaceuticals at pagkain.
“(Kailangang) mabuwag ang dominasyon ng dayuhang mga monopolyo-kapitalista at malalaking komprador burgesya sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagkumpiska at pagsasabansa, kung kailangan at kung nararapat,” sabi pa sa burador ng NDFP.
Gayunman, sa panukalang ito, may puwang pa rin para lumahok ang pribadong sektor sa industriyalisasyon—hangga’t hindi nito minomonopolisa ang kita at may malakas na boses pa rin ang mga manggagawa sa pagpapatakbo ng mga empresa.
Samantala, taliwas sa pananakot ng mga ekonomistang neoliberal at iba pang tagasuporta ng kasalukuyang sistema sa ekonomiya, maraming paraan para mapondohan ang magastos na industriyalisasyon na ito.
Kabilang sa mga maaaring pagmumulan ng pondo: surplus na likha ng lokal na agrikultura at industriya, mas mataas na buwi sa malalaking komprador at panginoong maylupa, buwis sa alak, tobako at panunugal, dayuhang pangungutang (na may makatwirang interest rates) para sa pang-aangkat ng kailangang teknolohiya, official development assistance mula sa ibang bansa na walang mga kondisyon, remitans ng mga Pilipino sa ibayong dagat, at mga matitipid na pondo mula sa pagkontrol sa luxury imports (bubuwisan nang mas mataas ang luxury goods imports), gayundin ang matitipid sa pagbabawas ng pondo sa militar.
Iba pang panukala
Bahagi rin ng panukala ng NDFP ang kasunduan hinggil sa pangangalaga ng kalikasan (kasama ang regulasyon sa malawakang pagmimina na inilalabas ng bansa ang nakukuhang mga mina), pagsiguro sa kabuhayan, karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, pagsiguro sa karapatan ng pambansang minorya sa sariling pagpapasya, pagsiguro na abot-kamay ang mga serbisyong panlipunan (hal. serbisyong pangkalusugan at edukasyon) at pagtaguyod ng makabayan, progresibo at maka-mamamayang kultura.
“Sistematikong binubukas ng neoliberal globalisasyon ang ekonomiya sa dipantay na kompetisyon, habang pinapayagan ang makaisang-panig na dayuhang pagsasamantala sa mga rekurso at lakas-paggawa ng Pilipinas at pinipigilan ang pambansang kaunlaran ng ekonomiya,” anito. Dahil dito, mungkahi rin ng NDFP na siguruhing may soberanya ang bansa sa ekonomiya: magpatupad ng isang independiyenteng polisiyang panlabas na kumikilala sa pantay at makatarungang pakikipagugnayan at pakikipagkalakalan sa ibang bansa. Ibig sabihin nito, kailangang repasuhin ang lahat ng kasunduan sa pangangalakal na pinasok ng nakaraang mga administrasyon sa ibang bansa at dayuhang mga institusyon tulad ng World Bank, International Monetary Fund at World Trade Organization.
Gayunman, batid ng NDFP na kailangan ng suporta ng mga mamamayang Pilipino para matulak ang mga negosyador ng administrasyong Duterte na kilalanin ang pangangailangan para sa pagbabagong ito.