Kalbaryo ng Maralita | Mga kuwento ng pagdamay, paglaban
Patuloy na nararanasan ng mga maralita ang kalbaryo sa lipunan. Patuloy din ang kanilang pagkakaisa at paglaban.
Sa paggunita ng Mahal na Araw ng mga Katoliko, muling ginunita ang kalbaryong kinaharap ni Kristo na piniling ipapako sa krus ng publiko.
Sa ganitong paraan isinalarawan ng mga miyembro ng Kalipunang Damayang Mahihirap (Kadamay) ang kalbaryong kinakaharap nila bilang mga maralita na tila ipinako na sa krus ang mga pangako sa kanila ng gobyerno. Ang naman publiko, patuloy ang pagbato sa kanila habang pasan-pasan ang kahirapang minana nila sa lipunang tila kahit kailan ay hindi naging para sa katulad nila.
Nitong mga nagdaang lingo, naging laman ng mga balita ang sapilitang pag-okupa ng Kadamay sa mga nagtiwangwang at nabubulok na na pabahay sa Pandi, Bulacan.
Nagsimula ang sapilitang pag-okupa sa mga pabahay noong Marso 8. Nagkaroon nang dayalogo sa pagitan ng grupo at mga opisyal ng National Housing Authority (NHA). Nagresulta ang dayalogo sa pagbawi ng NHA sa una nitong banta na palalayasin ang mga maralitang umokupa sa mga yunit.
Nagpahayag na rin si Pangulong Duterte na hayaan na ang Kadamay sa mga bahay na kanilang inokupa at magpapagawa na lamang umano siya ng ‘mas’ magandang pabahay para sa mga pulis at mga sundalo.
Nasa 5,000 pamilya ang omukupa sa Pandi, Bulacan na may 52, 341 yunit ng bahay na walang nakikinabang.
Nitong Abril 10, isinagawa ng Kadamay kasama ng iba’t ibang sektor ang Kalbaryo ng Maralita mula Plaza Miranda patungong Mendiola pasan-pasan ang kanilang mga ipinanawagang mga problemang kinahaharap ng bansa at isinagaw ang pagkadismaya sa mga napakong pangako ni Pangulong Duterte.
Silang nangangailangan ng pagdamay
Isa sa mga nakimartsa mula Quiapo hanggang Mendiola si Aling Nely Palci, 40. Isa siya sa mga lider ng Kadamay sa Bulacan na patuloy na nakikibaka para sa hinihiling nilang libreng pabahay mula sa gobyerno.
Mag-isang tinataguyod ngayon ni Aling Nely ang kaniyang limang anak, lahat ay nag-aaral. Sa kasamaang palad, nitong nakaraan lamang ay natanggal siya sa pinagtatrabahuhang pagawaan ng plastic sa Bulacan na pinagserbisyuhan niya na halos 20-taon.
“Lima ‘yong anak ko, lahat nag-aaral. Wala na rin akong mister kasi patay na. Tapos nito nga lang e natanggal pa ko sa pagawaan ng plastic na pinagtatrabahuhan ko,” ani Aling Nely.
Sa patuloy niyang pagsasalaysay ay sinabi ni Aling Nely na nawalan siya ng trabaho dahil pinapili siya ng kanyang amo kung ipagpapatuloy niya ang kanyang trabaho o pakikibaka para magkaroon ng bahay.
“Pinapili nila ako kung bahay o trabaho,” aniya. “Pero siyempre, bahay ang gusto ko.”
Sa kabilang banda naman ay isa si Mang Edwin Lopez, 40 anyos din. Kasama siya sa mga sapilitang umokupa ng mga tiwangwang na pabahay ng NHA sa Pandi. Mag-isa siya ngayon sa buhay sapagkat namatayan din ng asawa at ang kaniyang anak naman ay kasalukyang nasa pangangalaga ng kanyang biyenan.
“Nagtatrabaho ako dito [sa Maynila], bale construction worker ako dito. Wala akong kasamang pamilya ngayon, patay na ‘yong asawa ko tapos ‘yong anak ko naman e nasa bahay ng lola niya sa Caloocan,” salaysay ni Mang Edwin.
Ayon kay Mang Edwin, simula pa noong bata pa siya ay wala silang permanenteng tirahan sa Maynila. Hanggang sa makapag-asawa ay ganoon din ang naging kapalaran.
Sa kasalukyan ay wala namang daw gulo silang nararanasan sa kanilang lugar dulot ng sapilitang pag-okupa sa mga pabahay sa Pandi ngunit aniya hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kureyente at tubig silang nagagamit.
“Okey naman yung pag-occupy namin sa Pandi. Wala pa nga lang kuryente at tubig. Siguro kapag mas dumami na ‘yong mga tao doon at kapag nagtagal-tagal pa e magkakaroon na rin,” aniya.
Isa pa sa nakisama sa pagkilos na iyon si Aling Elvie na hindi ibinigay ang kaniyang buong pangalan. Kaiba kay Mang Edwin ay mapalad na napagkalooban ng pabahay si Aling Elvie matapos silang ma-demolish at paalisin sa Quinta Market. Gayunpaman ay pinipili pa ring bumalik ni Aling Elvie sa Maynila para magkaroon ng ikabubuhay.
“Bale anim na buwan na kami roon [sa Pandi]. Masuwerte kami kasi sa legal na proseso kami idinaan kasi kasama kami sa napaalis noong i-demolish yung Quinta Market,” aniya. “Na-transfer ko na sa Pandi ‘yong mga anak ko dati kaso umiiyak ako doon kasi wala talagang hanapbuhay.”
Ani Aling Elvie, sa pagbabalat niya ng mga bawang o paggugupit ng mga tsinelas ay kumikita lamang siya ng halos P35 sa isang araw, na hindi maikakailang kulang na kulang para mabuhay ang isang pamilya.
“Yong naggugupit kami ng tsinelas ‘di naman uubrang mabuhay kami kahit sa pagbabalat ng bawang, ‘yogn binabalatan ko e native pa napakaliit noon tapos ang bayad lang sa amin e P35,” pagsasalay pa ni Aling Elvie.
“Ngayon eto, napipilitan akong lumuluwas kami rito sa Maynila hanggang Wednesday siguro andito kami, nagtitinda-tinda ako ng mga meryenda ganoon tapos umuuwi rin kami. Kapag andito naman kami balik sa gilid-gilid ng mga bangketa para doon matulog,” aniya.
Iisang hangarin
Para sa mga namumuhay sa gitnang uri o mga mas pinalad na magkaroon ng trabaho at bahay, madalas ay iniisip na ang mga tulad nina Aling Nely, Mang Edwin at Aling Elvie ay mga sumama lang sa rally dahil binayaran.
Mayroon ding mga tumataas ang kilay sa kanila at nagawa pang bansagang “professional squatters” na umiiyak ng libreng pabahay subalit kalauna’y ibebenta rin at babalik sa dating gawi.
Pero ayon kay Aling Nely naroon sila para sa adhikain nilang makipaglaban para sa kanilang karapatan.
“Halos dalawampung taon na rin akong sumasama sa mga ganito, hindi kami binayaran o ano pa man. Nitong nakaraan nga lang e naranasan naming bombahin na kami ng bombero at kahit palu-paluin pa,” aniya.
Para naman kay Mang Edwin, ipinagpapasa-Diyos na lamang niya ang mga nag-iisip ng ganito sa kanila. “Sa akin e yun lang namang obligasyon ng gobyerno e wag nilang kalimutan, lalo na para sa aming mga mahihirap. Bahala na si Lord, di naman ata tulog yung nasa itaas e para di malaman kung ano talaga yung nangyayari,” pagpapaliwanag niya.
Hindi naman natapos ang kalbaryo ni Aling Elvie sa pagkakaroon ng sariling bahay. Aniya hindi naman na niya kinakailangan pa sanang bumalik sa Maynila kung mayroon lamang sapat na hanapbuhay ang kaniyang pamilya sa Pandi.
“Hindi na talaga ako pupunta rito kung may hanapbuhay ako , kung may pangkabuhayan kami doon sa Pandi. Hahanap ka pa ba, maganda yung pabahay sa amin doon may tiles, maayos. Ang problema lang talaga wala kaming kabuhayan at ikakabuhay doon,” pagsasalaysay ni Aling Elvie.
Tuloy ang laban, tuloy ang damayan
Sa kasalukuyan, ‘mapayapa’ naman daw na naninirahan na ang mga kasapi ng Kadamay na umokupa sa mga nakatiwangwang na pabahay sa Pandi. Gayon pa man ay hindi maikakailang marami pa rin silang pangangailangan na dapat ay agad tugunan.
Ayon kay Nicole, malaki ang kakulangan ng komunidad sa maiinom na tubig. Nagdudulot ito ng lagnat at pagtatae sa mga bata.
“Yon medyo ‘yong iba nagkakandalagnat-lagnat at pagtatae sa mga bata,” aniya.
Gayumpaman, may mga alternatibong ginagawa ang mga miyembro ng komunidad para sa kanilang mga kasama nang sa ganoon ay mairaos nila ang kanilang pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa kulang-kulang na serbisyo ng pabahay.
“Yon, nagtutulungan kung sino ang nangangailangan, kung sinong mayro’n, nagbibigayan” dagdag ni Nicole.
Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga maralitang taga-lungsod sa kanilang pangunahing pangangailangan maski na ang pabahay na kanilang inokupa ay handog sana ng pamahalaan para sa mga miyembro ng kapulisan, militar, at iba pa.
“Bale, siyempre unang-una doon ay mga pabahay, serbisyo po kagaya ng school, patubig, kuryente, trabaho– lahat-lahat po ng kailangan ng mga taong school,” ani Nicole.
Bagamat napagtagumpayan na ng grupo ang pag-okupa sa mga nagtiwangwang na pabahay sa Pandi ay may isang bagay ang sigurado – hindi pa tapos ang kanilang laban. Lalo pa’t higit ay hindi pa rin napapasakamay ng mga Kadamay ang titulo at mga papel na magpapatunay na ang mga bahay na kanilang inokupa ay sarili na nilang pag-aari.
“Magtutulungan pa rin po kami do’n kahit hindi ipamigay, at kahit ipamigay po, ipagpapatuloy pa rin namin ang pakikibaka para sa aming mga kasama,” pagtatapos ni Nicole.
Ulat nina Reggie Rey C. Fajardo, Ma. Kathrina S. Morales at Keanu Harold G. Reyes