FEATURED Manggagawa

Obrero sa impiyerno

Isang manggagawa ng HTI ang nagsasalita ngayon at nagkukumpirma sa dalawang buwan na nating suspetsa: mahigit isanlibong manggagawa ang napahamak sa sunog at itinago ito ng manedsment at gobyerno.

“Natatakot ako….(Kung) namatayan ako ng kamaganak.. ang kalaban ko, pader. Dahil ang HTI ay isa sa pinakamayaman dito sa Pilipinas.”

Ito ang sabi ni Miguel (di tunay na ngalan), isang manggagawa sa pabrika ng Home Technology Industries sa Cavite Economic Zone, na noong Pebrero 1 ay tinupok ng apoy na tumagal nang mahigit dalawang araw. Sinunong ng apoy ang pangarap ng maraming manggagawang nagtatrabaho rito. Pero naging saksi si Miguel hindi lang sa pagkasunog ng mga pangarap kundi pagkasunog ng mismong mga manggagawa.

PW-15-13---2017-04-02---p01
PW print issue ngayong linggo.

Maraming kinakakatakutan si Miguel ngayon. Natatakot siya sa magiging kinabukasan niya. Pero natatakot din siya sa mismong kaligtasan niya at ng kaanak niya, dahil sa mga nalalaman niya hinggil sa mga sirkunstansiya ng sunog.

Marahil, nabalitaan natin sa midya ang pangyayari: 5:45 ng hapon na nagsimulang masunog ang main building ng HTI. Nakalabas ang mga manggagawa, sabi sa mga ulat sa midya, pero nahirapan ang mga bumberong apulahin. Umabot nga ito nang mahigit dalawang araw.

Iniulat ni Cavite Gov. Jesus Crispin “Boying” Remulla na walang namatay sa sunog, maliban sa tatlong namatay sa ospital. Kahit napakatindi ng sunog, at nauna nang naibalita na posibleng may mga na-trap sa loob ng pabrika habang nasusunog ito. Ang pruweba ni Remulla? “Walang naghahanap na kaanak.”

Pero nakausap nga ng Pinoy Weekly at ng Mayday Multimedia si Miguel—at iba sa opisyal na kuwento ang ipinapahayag niya. Sinusuportahan din ng kanyang testimonya ang findings ng National Fact-Finding Mission na pinangunahan ng mga grupong makamanggagawa: Hindi pa rin matunton kung ano ang kinahinatnan ng 1,328 manggagawa na na-trap sa loob ng pabrika ng HTI habang nasusunog ito.

Kuwento ni Miguel

Labinlimang minuto bago mag-ala sais ng hapon ng Pebrero 1. Patapos na ang shift ni Miguel at papalabas na siya ng bilding ng kompanya. Napansin niya na umuusok na ang ikatlong palapag ng gusali.

Maya-maya, nakarinig na siya ng mga sigaw na punung-puno ng pangamba at takot. Nagkukumahog naman na nagtakbuhan ang mga mangagawang naghahabol sa kanikanilang mga buhay. Makalipas ang ilang minuto, isang malakas na pagsabog na hindi niya alam kung saang parte ng gusali nanggaling ang pagsabog na siyang nagbigay-hudyat kay Miguel na tuluyang tumakbo palabas at iligtas ang kanyang sarili.

“Paglabas ko, (sumalubong ko) ang ingay ng wang-wang ng mga ambulansiya na nagmamadali na dalhin sa ospital ang mga biktima ng sunog. Nung nasa tapat na ako ng Puregold (groserya malapit sa CEZ). Sobrang dami talaga ng ambulansiyang nadaan. Ang dami na ring tao na hindi alam kung ano ang nangyayari,” kuwento ni Miguel.

Dali-dali siyang tumakbo sa kanilang tinitirahan upang ipaalam sa kanyang kamag-anak na buhay siya at maayos ang kalagayan. Punung-puno ng kaba at takot niyang sinalubong ng kanyang kamag-anak na kalauna’y nakahinga na nang maluwag nang malaman na buhay pa siya.

Alas-7:30 ng gabi, iniwan ni Miguel ang tahanan para alamin kung nabiktima rin ng sunog ang kanyang mga kasamahan sa trabaho. Agad siyang nagtungo sa ospital na matatagpuan din sa Cavite.

Bumungad agad sa kanya ang kababaihan na lahat ay pawang sugatan. Sunog ang malalaking bahagi ng kanilang katawan. Ang mga doktor at nars ng ospital, hindi magkanda-ugaga sa dami ng pasyente. Hindi alam kung sino ang uunahin dahil pare-parehas na kritikal ang kalagayan. Ang iba, hindi na maipasok sa ospital. Gumawa ng listahan ng sugatan ang ospital—dalawang kartolinang puno, baliktaran pa. Nasa unang ospital pa lang si Miguel.

Wala sa ospital na iyon ang kasamahan ni Miguel kaya naisipan niyang tawagan ang kamag-anak ng isang kaibigan. Napagalaman niyang isa pala sa kanyang mga kaibigan ay kritikal ang kalagayan.

Mukha ng sunog na biktima

Kinaumagahan, nagtungo si Miguel sa ospital kung saan nakaratay ang kaibigan. Katulad din sa naunang ospital, puno rin ito. Ang iba sa mga kamag-anak, sumisigaw, nanghihingi ng tulong. Nais ng bawat isa na unahin ang kanilang kaanak.

Di lang pasyente at kamag-anak ang pumuno sa ospital, maging ang media, nakigulo na rin. Katulad ng marami, nais malaman ng mga ito ang totoong kuwento. Subalit mahigpit ang seguridad sa ospital na kinalalagyan ng kanyang kaibigan.

Nasa intensive care unit (ICU) ang kanyang kaibigan. “Parang nanganganak siya,” pagsasalarawan ni Miguel sa posisyon ng kaibigan na inabutan niya sa ICU. Nakapataong ang bukakang mga binti at paa nito sa patungan, habang ang mga braso’t kamay ay nakataas na parang nahoholdap. Nababalot ng benda ang kanyang buong katawan. Papasok pa lang si Miguel, iyak at hikbi na ang kanyang naririnig.

Nakausap niya ang kaibigan. Ang salaysay nito: Nang magsimulang masunog ang gusali, kahit na balot ng takot ay tumalon siya mula sa ikatlong palapag patungong ikalawang palapag. Kahit natatakot, buong loob siyang gumapang habang takip ng mga kamay ang dalawang mata sa ibabaw ng mga kapwa manggagawang tiyak siya’y wala nang buhay. Nang makakita ng liwanag, mas tinapangan pa niya ang kanyang sarili at tumakbo pababa ng ikalawang palapag. Buong panahon, nasusunog na siya.

Kaya’t katulad ng marami,  ipinagtataka rin ni Miguel na bakit itinatago ng nagtataasang mga pader ang tunay na pangyayari maging ang totoong bilang ng mga namatay.

Mga ‘doktor’ sa pabrika

Ilang araw na nakatunganga, ilang araw na nakatanga.

Ang mga nakaligtas kabilang si Miguel ay ilang araw nang naghihitay sa ilalabas na detalye ng mga opisyal ng HTI sa naganap na sunog noong unang araw ng Pebrero. Lahat sila ay nagabang sa katotohanan. Matapos ang isang linggo, inilabas na nga ng manedsment ang ilan sa mga detalye sa trahedya. Una, ang pinag-umpisahan ng sunog at pangalawa, ang eksaktong oras ng sunog.

Ayon sa mga mga opisyal ng HTI, nagsimula ito sa spark ng isang panel saw na nasilaban ang mga kusot na kaagad naman hinigop ng vacuum sa paligid ng pabrika. Ito ang sinasabi nila na pinagmulan ng sunog na kaagad na kumalat sa gusali na kinarooonan ng libu-libong manggagawa.

Ang ikalawa ay ang eksaktong oras ng simula ng apoy. Ayon sa HTI sa mga manggagawa at publiko, 6:08 ng gabi nagsimula ang sunog. Pero mali ito, sabi ni Miguel sa sarili. Habang binabasa sa kanila ang mga detalye, napapailing na lang siya. Nasisiguro ni Miguel—at ng kanyang mga kapwa manggagawa—na nasa pagitan ng 5:45 hanggang 5:55 ng hapon nagsimula ang sunog. Oras ito kung kailan marami pa sa mga manggagawa ang hindi pa nakakapag-out dahil karamihan sa kanila ay alas-sais ang tapos ng shift. Ibig sabihin, marami pa ang nasa loob nang nagmistulang impyerno sa gusali ng HTI. “Pati ba naman mga detalye dinodoktor na ngayon?” ani Miguel.

Pero mas mahalaga para kay Miguel at mga kasamahan niya, kung ano ang nangyari sa mga kasamahan nilang naiwan sa nasusunog na gusali. Sa isip ni Miguel, malinaw ang sagot — kasinglinaw ng alaala ng kanyang kaibigan na gumapang sa ibabaw ng walang-buhay na mga kamanggagawa.

Kuwento ni Miguel, matapos ang pakikipag-usap sa kanila ng manedsment, nabalot sila sa takot. “Kung sa killer, ipapatay ako?” tanong niya. Kung kaya umano ng manedsment patayin ang tunay na nangyayari, at ibaon sa limot ang 1,328 nawawalang (at posibleng nasawi nang) manggagawa, paano pa kaya sila? Kaya ang marami sa kanila, napilitang tanggapin na lang ang P200,000 kompensasyon sa mga nabiktima.

Sa kabila nito, napili pa rin ni Miguel na magsalita. Ikinukubli ang mukha at identidad, pero nagsalita pa rin. Panahon na, marahil, para pakinggan natin si Miguel at ang mga manggagawa ng HTI. May ulat ni Darius Galang