Ayudang may pisi


Ginagamit ng gobyernong US ang mga ‘ayuda’ nito sa Pilipinas para impluwensiyahan ang mga polisiya ng bansa para pumabor sa mga negosyong Amerikano.

Sa pagitan ng kanyang pag-aalimura noong nakaraang buwan, dineklara ni Pangulong Duterte ang pagtigil umano ng gobyerno sa pagtanggap ng ayuda mula sa European Union (EU). Ayon sa mga amuyong ng Pangulo, isang paraan ng paggiit ng soberanya ng bansa ito.

Para sa Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik, okey lang ang paggiit na ito ng rehimeng Duterte sa soberanya ng bansa. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na ginagamit talaga ang tinatawag na official development aid (ODA) ng mayayamang (o imperyalistang) bansa para makaimpluwensiya sa mahihirap (o malakolonyal) na mga bansa tulad ng Pilipinas.

Pero ayon sa Ibon, may mas malinaw at mas malakas na dahilan para tanggihan ang ODA na mula sa Estados Unidos (US), ang “pinakamapanghimasok na dayuhang kapangyarihan sa bansa”.

Small time

Wala pang direktang paliwanag ang gobyernong Duterte sa dahilan ng pagtanggi nito ng ODA mula sa EU. Pero dati pang sinasabi ng Pangulo na handa siyang tumanggi ng ayuda mula sa mga bansa na bumabatikos sa kampanyang Ayudang may pisi kontra-droga ng kanyang administrasyon.

Itinuturing ni Duterte na panghihimasok sa internal na usapin ng bansa ang paghayag ng kritisismo sa kanyang kampanyang kontra-droga.

Pero ang kakatwa rito, ayon sa Ibon, napakaliit lang ng aktuwal na ayudang binibigay ng EU sa bansa. Noong 2015, umabot lang sa US$227- Milyon o 1.5 porsiyento lang ng kabuuang ODA ng bansa ang nagmula sa EU.

Kung di isasama ang ayuda mula sa mga ahensiyang multilateral (hindi gobyerno), aabot lang sa 3 porsiyento ng ODA ang bigay ng EU. Samantala, Japan ang pinakamalaking nagbibigay ng ODA sa Pilipinas, na may 65 porsiyento, kasunod ang US na may 15 porsiyento, Australia na may 7 porsiyento at South Korea na may 6 porsiyento.

Pisi ng Kano

Gaano kamapanghimasok ang US? Mismong ang dating administrador ng US Agency for International Development (USAID) na si Andrew Natsios ang diumano’y nagsabing ang ODA na binibigay nito sa mahihirap na bansa ang “pinakamahalagang kasangkapan ng impluwensiya ng Amerika sa (mahihirap na mga bansa).”

Naiimpluwensiyahan din ng US hanggang pagbubuo ng mga polisiya sa ekonomiya ng bansa.

Ayon sa Ibon, kahit isasaalang-alang lang ang datos mula 2011, makikitang ginagamit ng US ang inisyatibang Partnership for Growth (PFG) na nagkakahalagang US$739-M para itulak sa gobyerno ang iskema nitong “Asia-Pacific integration”, kabilang ang paglahok sa Trans-Pacific Partnership. Kahit na inayawan na ng bagong administrasyong Trump sa US ang TPP, tiyak na ginagamit pa rin ang PFG para itulak ang neoliberal na mga polisiya sa ekonomiya ng bansa.

Ginamit din ng US ang US$1-M The Arangkada Philippines Project (TAPP) mula 2010 hanggang 2016 patra magtulak ng 471 rekomendasyon sa polisiya na 80 porsiyento na raw ang napapatupad. Marami pang katulad na proyekto ang ginagamit ng US para impluwensiyahan ang gobyerno.

“Gusto ng US ang mga polisiya na magbebenepisyo sa interes ng Amerika sa pag-eksport at komersiyo at maglilikha ng sistema ng negosyo at free market na pangangalakal sa AsyaPasipiko para manatili ang kontrol at dominansiya nito sa ekonomiya,” ayon sa Ibon.

Hinikayat ng Ibon ang administrasyong Duterte na totohanin ang deklarasyon nitong independiyenteng polisiyang panlabas (independent foreign policy) bilang paggiit ng soberanya ng bansa.