Pinas, pinakamasahol sa obrero
Sikat na naman ang Pinoy: sa bansa natin pinakaapi ang mga manggagawa.
Nangunguna na naman ang Pilipinas sa isang pandaigdigang listahan. Pero hindi ito sa kategoryang magugustuhan natin. Muli, isa tayo sa mga pinakamasasahol na bansa para sa mga manggagawa sa buong mundo.
Sa ika-apat na sunud-sunod na pagkakataon ngayong 2017, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalalang kalagayan ng mga manggagawa na nilagom sa taunang ITUC Global Rights Index mula sa pagsasaliksik ng International Trade Union Confederation (ITUC).
Ang ITUC ay isang pandaigdigang samahan ng mga unyon ng manggagawa sa buong mundo.
Hindi ito ikinagulat ng lokal na mga unyon ng mga manggagawa sa Pilipinas. Sila ang dugo at laman na nakakaranas sa mga datos sa ulat ng ITUC. Nariyan ang kontraktuwalisasyon, mababang sahod, pangit na mga kondisyon sa loob ng pagawaan, ang nararanasan ng isang pangkaraniwang manggagawang Pilipino. Kaliwa’t kanang paglabag sa mga karapatang pantao ang nakalap ng ITUC ang nagbigay ng mataas na puntos sa Pilipinas.
Kabilang sa mga naidokumento ng ITUC ang brutal na pag-atake ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kasama ang mga tinawag nilang “bayarang goons” sa isinasagawang piket ng mga manggagawa ng dambuhalang plantasyon ng saging na Shin Sun Tropical Fruit Corporation sa Compostela Valley, Mindanao kung saan kasalukuyang ipinapatupad ang batas militar. Labing-apat na lider ng unyon ang itinali nang parang mga hayop, ikinulong, at kinuwestiyon. Ang piket na noo’y dalawang buwan nang nakatayo ay nananawagan ng paghinto sa kontraktuwalisasyon, pagbubuwag ng mga unyon, at mas maayos na kondisyon para sa mga manggagawa.
“Noong Mayo 23, idineklara ni Pangulong Duterte ang batas militar sa Mindanao. Layunin umano nitong labanan ang terorismo. Pero buhat noon, ang batas militar ay nagagamit ng mga pasista sa kanyang administrasyon para kitilin ang lehitimo at makataong mga pakikibaka ng mga mamamayan gaya na lang ng nangyari sa mga nagpipiket na mangagagawa ng sagingan,” ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno o KMU.
Iba pang porma
Kalakhan sa mga naiulat na paglabag sa karapatan ng mga manggagawa’y may kinalaman sa unyong kinabibilangan ng mga biktima. Nariyan ang pananakot sa mga lider ng unyon na minsa’y umaabot pa sa karahasan tulad ng pagpaslang kay Edilberto Miralles, dating pangulo ng R&E Taxi Transport Union. Binaril si Miralles sa harap ng National Labour Relations Commission habang papunta ito sa isang pagdinig patungkol sa trabaho.
Ayon sa ITUC, malalang porma rin ng pagkitil sa karapatan ng mga manggagawa ang ilegal na pagbubuwag sa unyon sa porma ng diskriminasyon, pananakot na mawawalan ng trabaho ang sinumang magmimiyembro sa mga unyon, at pagbubuo ng mga “dilawang unyon” o mga bayarang pekeng unyon.
Alam ng mga employer ang lakas ng organisadong mga manggagawa sa paggiit ng kanilang mga karapatan. May kakayahan ang mga unyong maglatag ng kanilang kahingian sa Collective Bargaining Agreement, at malaki ang pananagutan sa batas ng employer na lalabag sa kasunduang ito.
Mas malakas kung sama-sama
Dahil dito, pilit pinupuntirya ng madadayang employer at iba pang may pansariling adyenda ang mga unyon dahil ito ang pinakapuso ng pakikibaka ng mga manggagawa. Gayumpaman, nagpapatuloy ang mga unyon sa layunin nitong kahit papaano’y gawing patas ang ugnayan ng employer sa kanyang manggagawa sa pamamagitan ng paggigiit ng mas mataas na sahod, at pagpapabuti sa kalagayan sa pagawaan.
Sa kabila ng lahat, dapat maunawaan ng mga manggagawa ang kanilang lakas: mas malakas ang mga manggagawa kung sama-sama nilang ipaglalaban ang kanilang karapatan. Wala ang mga pagawaan kung wala ang mga manggagawa, at sa loob nito, sila ang mapagpasya kung paralisado o tuloy ang trabaho.