Uncategorized

Randy Malayao: isang kolektibong pag-alala


Alaala ng mga kasamahan ni Randy sa kanayunan ng Cagayan Valley.

Malumanay pero matikas, malakas tumawa at palabiro pero seryoso sa maraming bagay. Ganito ang pagkilala namin kay Randy Malayao.

Naaalala ko pa noong gitnang bahagi ng dekada ’90, nang mabalitaan na may isang kabataang intelektuwal ang nagnanais na kumilos sa rehiyong Cagayan.  Siyempre, masaya kami, dahil noong panahon na iyon,  mangilan-ngilan lang ang nagpapahiwatig ng kagustuhan na kumilos nang buong panahon sa kanayunan,  sa hanay ng mga magsasaka.

Noong una kong makita si Randy bago siya pumasok sa erya,  nakakuwentuhan ko na siya. “Kumilos na ako sa ibang rehiyon,  panahon naman na kumilos ako sa rehiyong pinagmulan ko,” matatag niyang bigkas.  Mula noon, madalas na namin siyang nakakasalamuha, at nakalikha ng maraming alaala na hindi makakalimutan ng mga kasama at masa sa rehiyon.

Sabi nga ng isang nakasama niya sa isang gawain,  tila walang kapaguran kung siya ay magtrabaho. Mula umaga hanggang hatinggabi subsob sa pagsusulat ng mga polyeto, mga statement at mga artikulo. Ayon sa naturang kasama, “Siya ang matiyagang nagturo sa akin na magsulat ng mga artikulo,  polyeto.  Marami akong natutunan sa kanya.”

Isa sa mga proyekto ng kanilang grupo ang Saniweng iti Tanap ti Cagayan,  isang koleksiyon ng mga rebolusyonaryong awitin na likha sa rehiyon.  Hindi nakakapagtakang matagumpay na nabuo ang proyekto dahil bukod sa mahilig din siyang umawit, buo ang kanyang loob na makakuha ng suporta para sa rehiyon.

“Dumadagundong ang boses niya kapag may mga kulturang pagtatanghal,” alaala ng isang kasama. “Hindi mo nga maikakaila na nasa paligid lang siya, dahil sa lakas pero mababang boses niya,” sabi naman ng isa pa niyang nakasama.  Madalas kapag may mga bumibiistang aktibista mula sa labas, isa  siya sa mga  hinahanap dahil naiintriga kung sino iyung matikas, malakas ang boses pero malumanay na kasamang kinagigiliwan ng marami.

“Wala siyang kapaguran sa pagpopropaganda. Kadalasan, bumibisita siya sa mga kalapaw (kubo) namin sa gabi, kinukuwento niya ang pagiging estudyante niya hanggang sa naging aktibista at mag-fulltime, ” sabi naman ng isa niyang nakasama. “Maalala ko nga na minsan napagalitan tayo dahil kahit gabing-gabi na,  nagkukuwentuhan pa tayo at sinasabayan pa natin ng malakas na tawanan.”

Sa isa namang pagtatagpo namin sa Isabela, sa isang tuktok ng matatarik na kabatuhan, naranasan namin ang maligo sa kakarampot na tubig dahil tag-araw noon at hirap ang tubig.  Kaya naman nang dumating ang unang ulan sa gitna buwan ng Mayo, para kaming mga batang naligo sa ulan at lahat ng puwedeng lagyan ng tubig ulan pinuno sa pag-aakalang hindi pa panahon ng tag-ulan.  Resulta, hirap namang magpatuyo ng damit. Naalala ko nga na ’yung sampayan ng damit malapit sa kanyang kalapaw,  magkakatabi ang kanyang damit at mga pahina ng publikasyon na bagong kayod mula sa risograph.  Nauuna pa niyang samsamin ang mga pahina ng diyaryo nung umulan.

Sa kuwento naman ng isa pa niyang nakasama,  matingkad na katangian ni Randy ang pagiging maalalahanin sa mga kasama kahit na yaong mga nasa ibang gawain na o ’yung nangibang bansa para maghanapbuhay. “Naging ninong ko siya sa kasal. Madalas siyang magbigay ng advice kapag nagkakaproblema kaming mag-asawa. Kahit nga noong tuluyan kaming naghiwalay na mag-asawa,  isa siya sa mga unang nagbigay ng payo sa akin,” sabi niya.  Dagdag pa niya, kahit nasa ibang bansa na siya,  madalas na nagpapadala si Randy ng mga chat message,  nangungumusta,  nagbibigay ng payo.

Kahit nga nung nasa kulungan, hindi niya nakakaligtaang mangumusta sa mga kasama,  kaibigan at kakilala na nasa labas ng kulungan.  Minsan nga nagulat na lang ang asawa ko,  bigla siyang nagpadala ng mensahe,  “kumusta…. ,  jail aide ako ngayon,  kaya medyo maluwag.  Kumusta si lakay mo?”  patungkol sa akin.  

Ganundin nang makalabas siya mula sa kulungan at kumilos bilang peace consultant. Hindi nagbago ang kanyang pakikisalamuha sa mga dating kasama.  “Madalas siyang dumaan sa bahay,  nag-aalaga sa mga anak ko,”  kuwento naman ng isa pa niyang nakasama.  Hindi rin mapili sa pagkain  si Randy, “kahit anong pagkain sa bahay kakainin niya,  hindi siya namimili.”

Pero may paborito namang lutuin si Randy, ang pansit cabagan na nauna kong matikman sa isang selebrasyon na aming inilunsad sa isang lugar sa Bulacan.

Siyempre, hindi rin naman nawawala ang mumunting kahinaan, kung maituturing man na kahinaan.  Naalala kasi ng isa niyang nakasama na sa isang pulong pag-aaral, nakatulog siya at nahulog sa upuan.  Malakas din siyang humilik, “masa din siya,  masandal tulog.”

Ganundin, marunong din siyang humanga sa kababaihan,  isa sa mga nakasama niya ang nagsabi na naging “crush” daw siya  ni Randy.

“Meron ’yung time na pumupunta siya sa kubo naming mga babae, nakipagkuwentuhan, nagbabahagi sya ng mga karanasan niya sa pagkilos niya, karanasan niya bilang studyante, bilang aktibista, bilang manunulat.  Isang beses na may nasabi siya sa akin nung kami lang ang nag-uusap sa isang kubo.  Kuwentuhan kami, hanggang may ipinagtapat sya sa akin. Nung una pala niya akong makilala sa bahay namin sa Tuguegarao, may crush na pala siya sa akin,” kuwento ng isa. Pero hindi sila naging magkarelasyon. Si Randy pa nga ang tumayong ninong nang ikasal siya.

Naalala ko nga na may pormal din siyang niligawan, ‘yung kasamang babae, may alagang puting aso.  Kasama sa panunuyo sa babae, si Randy ang nagpapaligo sa aso, at nagpapainit pa siya ng tubig na pampaligo ng aso.

Maraming nakasama pero iisa lang ang pagkilala sa kanya:  Matikas pero malumanay, palabiro, at palatawa pero seryoso, maalalahanin at responsableng kasama.

Kaya naman, kahit nangungulila kami, kasama ng karamihan,  dadagundong pa rin ang boses ni Randy Malayao sa mga lansangan at mga bulwagan hanggang sa mga ublag na kampuhan sa kanayunan.

Mabuhay ka kasamang Randy!