Rehimeng Duterte: Ikalawang kabanata
Pinalakas ng (gawa-gawang) resulta sa eleksiyon ang loob ng rehimeng Duterte para lalong ratsadahin ang mga panukalang batas na kontra-mamamayan
Dominado ng mga pambato ng administrasyon ang 2019 midterm elections, lalo na sa Senado.
Dahil dito, siguradong raratsadahin ng administrasyong Duterte ang prayoridad nitong mga polisiyang neoliberal sa oras na magbukas ang ika-18 Kongreso. Matatandaang ginamit na nito ang pagiging “super-majority” (o labis na mayorya) sa ika-17 Kongreso para magpasa ng mga hakbang na nagpapalala sa krisis sa trabaho, kahirapan at kakulangan ng kaunlaran.
Mas malala pang mga polisiya pa ang maipapasa matapos mahalal ang mga opisyal na di-maaasahang tatalikod sa neoliberalismo.
Kuwestiyonableng mga resulta
Kontrobersiyal ang naging tagumpay sa eleksiyon ng mga kandidato at grupong party-list na sinuportahan ng administrasyon.
Tumampok sa 2019 midterm elections ang malawakang pagbili-ng-boto, pagkasira ng mga makina sa botohan, at kahina-hinalang mga pagkabalam sa pagpapadala ng resulta. Lantad ding ginamit ng administrasyong Duterte ang mga rekurso ng publiko hindi lang para suportahan ang mga kandidato nito kundi para isabotahe ang kampanya ng oposisyon. Pinuruhan ng malupit na atake lalo ang progresibong mga kandidato, grupong party-list at mga tagasuporta nila.
Nakuha ng mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago na suportado ni Duterte ang siyam sa 12 puwesto sa Senado: si Cynthia Villar, pinakamayamang senador at asawa ng pinakamayamang oligarko sa bansa; Taguig Rep. Pia Cayetano; reelectionist senator Sonny Angara, anak ng namayapang senador Ed Angara; reelectionist at dating senate president Koko Pimentel, anak ng dating senador Aquilino Pimentel; dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go; dating hepe ng pulisya Ronald “Bato” dela Rosa; Imee Marcos, pinakamatandang anak na babae ng napatalsik na diktador na si Ferdinand Marcos; dating nakulong na mandarambong at dating senador Ramon “Bong” Revilla; at dating Metro Manila Development Authority (MMDA) chief at dating presidential political adviser Francis Tolentino.
Marami sa mga nagwaging grupong party-list ay may ugnay o tuwirang suportado ng administrasyon: ang Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) party-list; ang partidong suportado ni Gloria Arroyo na alyado ni Duterte, ang Ako Bicol Political Party (AKB); One Patriotic Coalition of Marginalized Nationals (1Pacman) ng pinakamayamang multi-bilyonaryo na kongresistang si Michael Romero; Probinsyano Ako ng warlord sa Ilocos Norte na si Rudy Farinas; at ang Marino, na inindorso ni Duterte at may nominadong mga negosyanteng nakabase sa Davao.
Inilarawan ng election watchdog na Kontra Daya ang mga grupong ito bilang “kaduda-duda at insulto sa sistemang party-list.”
Samantala, napagwagian ng blokeng Makabayan ng progresibong mga grupong party-list ang sistematikong atake ng Estado at paninira para makakuha ng anim na puwesto sa ika-18 Kongreso, nabawasan lang ng isa mula ng nakaraang halalan. Nakakuha ang Bayan Muna ng mahigit 1.1 milyong boto para makakuha ng tatlong puwesto sa unang pagkakataon mula 2007. Nakakuha naman ng isang puwesto bawat isa ang Gabriela Women’s Party, ACT Teachers Party at Kabataan Party-list. Hindi nakapagmantine ng puwesto sa Kamara ang Anakpawis, ang isa pang miyembro ng bloke na may makinaryang pinanungahan ng mga manggagawa at magsasaka na nakaranas ng malupit at bayolenteng mga atake at pamamaslang.
Pinakikita ng sistematikong atake ng Estado sa progresibong mga kandidato at grupo para pigilan silang makaupo ang mga depekto ng demokrasya sa eleksiyong Pilipino. Nanira at nanabotahe ng kampanya at pampulitikang mga alyansa at nang-atake sa makinaryang party-list ang mga militar, pulisya at lokal na mga opisyal ng gobyerno sa mga kandidato ng Kaliwa. Ipinapakita lang nito ang di pagiging bukas ng gobyerno sa mga aktibistang nagtataguyod ng tunay na pagbabago at nag-aangat sa kaalaman ng publiko sa mga isyu habang nagtutulak ng tunay na mga solusyon.
Pagbenta at panunupil
Napakalaking bahagi muli ng nagwaging mga kandidato ay galing sa datihan nang pampulitikang mga partido, pampulitikang mga partido at interes ng elite na siyang nasa likod ng sistema ng mga batas na kontra-mamamayan at kontra-kaunlaran ng bansa. Malamang na ipagpapatuloy lang nila o paiigtingin pa ang dati nang mga polisiya sa ikasasama ng ekonomiya.
Kabilang sa mga hakbang na pakikinabangan lang ng iilan na ipinasa ng ika-17 Kongreso sa ilalim ng administrasyong Duterte ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, na nagpapaba sa personal income, estate at donor taxes ng mayayaman habang pinahihirapan naman ang pinakamahihirap na ngang mayorya sa pamamagitan ng mas mataas na buwis sa mga bilihin. Isa pang hakbang ng administrasyon ang Rice Tariffication Law na nagliberalisa sa pangangalakal ng bigas. Dahil dito, lalong magiging palaasa ang bansa sa makitid na merkadong pandaigdig para sa bigas, habang kakarampot ang suporta ng gobyerno sa produksiyon ng milyun-milyong magsasaka ng bigas. Nariyan din ang batas militar sa Mindanao, sa kabila ng namonitor ng Commission on Human Rights (CHR) na malawakang paglabag sa karapatang pantao sa lugar.
Sinabi ni Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III na pag-uusapan ng Senado ang pag-aamyenda sa Public Services Act (PSA) at Human Security Act (HSA) sa huling mga araw ng ika-17 Kongreso hanggang Hunyo. Ibinubukas ng pag-aamyenda sa PSA sa dayuhang pag-aari at kontrol ang kritikal na pampublikong mga serbisyo tulad ng kuryente, telekomunikasyon, at transportasyon. Nakokomprumiso nito ang pambansang seguridad at depensa-sibil, habang ginagawang lalong mas di-abot-kamay ang pampublikong mga serbisyo at di maaabot lalo na ng mga pamilyang may mababang sahod.
Samantala, nagbabanta ang HAS na lalong kitilin ang mga kalayaang sibil at karapatang pantao ng mga mamamayan. Ngayon pa lang, ginigipit na ng administrasyong Duterte ang sinasabing mga personalidad na sangkot daw sa droga at diumano’y pinaghihinalaang mga “terorista” at tagasuporta nang labag sa karampatang proseso at batas. Nangangamba ang mga kritiko na bibigyan lang ng mga amyenda sa HAS ang gobyerno ng mas malayang kamay para bumigwas sa oposisyon at iba pang tinitingnan nitong banta sa pamumuno nito.
Malamang na lalong pinalakas-loob ng mga resulta sa eleksiyon ang administrasyong Duterte na itulak ang Charter Change (cha-cha) para paglingkuran ang makitid na adyenda nito sa pulitika. Nanantiling prayoridad ng gobyernong Duterte ang pag-aamyenda sa 1987 Saligang Batas na nakapokus sa pederalismo at buong liberalisasyon ng ekonomiya.
Mula noong panahon ni Fidel Ramos hanggang sa kasalukuyang administrasyon, konsistent ang maraming tangka para magkaroon ng cha-cha sa pagtanggal sa mga hadlang sa batas para sa tuwirang dayuhang pagsasamantala sa likas-yaman ng bansa. Konsistent din ito sa kagustuhang tanggalin ang mga hadlang sa dayuhang pagmamay-ari sa lupa, pampublikong mga yutilidad, institusyong pang-edukasyon, masmidya at advertising. Sinasabi ng mga nagtutulak nito na magbubunsod ng kaunlarang pang-ekonomiya daw ang pag-akit ng dayuhang pamumuhunan.
Ito rin ang dahilan kung bakit tinutulak ng Malakanyang ang iba pang panukalang batas na nakatengga sa iba’t ibang komite ng Senado, tulad ng National Land Use Plan, ang panukalang batas na sinasabing pagtigil sa kontraktuwalisasyon, at ang Tax Reform for Attracting Better and Higher Quality Opportunities (Trabaho). Maliban sa pag-amyenda sa PSA, itinutulak din ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac) ang pagliliberalisa sa industriya ng asukal, paglikha ng Department of Water, at pagbigay ng eksempsiyon sa election ban sa mga proyekto ng gobyerno na line-itemized.
Lahat nang ito, nakatuon sa pagpapadali sa negosyo at kita mula sa pampublikong mga serbisyo, lupain at likas-yaman, at paggawa ng imprastraktura. Kabaligtaran naman ang pangalan ng Trabaho Bill sa magiging epekto nito, dahil ang tunay na pokus nito ay pagbaba sa corporate tax at pagrarasyunalisa sa mga insentibo na, kung may epekto man, ay maaring lalong pahirapan ang pag-eempleyo at bumaba ang sahod ng mga manggagawa. Kahit ang sinasabing batas para wakasan ang kontraktuwalisasyon ay maaaring maging ilegalisa ang kontraktuwal na mga gawain sa empleyo sa halip na mapigilan ito.
Sa halip na magdala ng kaunlaran, mas malamang na palalain ng cha-cha at iba pang priority bills ng administrasyong Duterte ang maka-negosyo at neoliberal na mga polisiya ng nakaraang mga dekada. Makikilala ang ekonomiya ngayon sa pag-urong ng agrikultura at pagmamanupaktura, mahinang paglikha ng trabaho at talamak na kahirapan.
Bantay-sarado
Punung-puno ang ehekutibo, lehislatibo at hudisyal na mga sangay ng gobyerno ng mga alyado ng administrasyon o di kaya’t mga takot na magsalita. Pinalalakas ng gawa-gawang resulta ng nakaraang eleksiyon ang kamay ng administrasyon at mga tagasuporta nitong nasa elite na magpatupad ng mga hakbang sa ekonomiya at pulitika na pakikinabangan nito, sa kapahamakan ng publiko.
Ngayon, higit kailanman, nakataya rito ang patrimonya at soberanya ng bansa, gayundin ang karapatan at kagalingan ng mga mamamyan
Ngayon, higit kailanman, kritikal ang masugid na pagtutol ng organisadong batayang mga sektor. Pinaka-inaasahang tagadepensa kontra sa pambabaluktot ng ekonomiya para paglingkuran ang makitid na interes ng elite. Makakatulong ang mga progresibo sa Kongreso at mga alyado nila sa gobyerno hanggang sa lokal na antas, para magtulak ng alternatibong adyenda sa ekonomiya. Maaaring mapaunlad ang lokal na agrikultura at industriyang Pilipino, maprotektahan ang kalikasan, mataguyod ang kagalingan ng mga mamamayan, at makamit ang kalayaan sa ekonomiya.
May ulat ni Casey Salamanca. Salin ng PW mula sa orihinal na Ingles na pinamagatang “2019 midterm elections results:Harsher policies ahead”