Bagsakan sa panahon ng pandemya


Ilang paraan kung saan maaaring direktang bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka bilang suporta sa kanilang lubhang apektado ng pandemyang Covid-19

Bagsak na presyo ng prutas at gulay, kadalasan palugi at malimit ay nangangabulok lang. Sa harap ng kahirapan at kagutuman, ganito ang kalagayan ng mga magsasaka sa mga nakalipas na taon na lalong pinalala ng pandemya.

Kaya naman malaking tulong ang pagtangkilik sa mga ito upang palakasin ng lokal na sektor ng agrikultura na patuloy na binabaha ng mga produkto ng dayuhan. Mula sa iba’t ibang lugar at sa tulong ng iba’t ibang grupo na sumusuporta sa mga magsasaka, nagtungo sila sa Kamaynilaan upang ihatid ang kanilang mga produkto na tinawag na “Bagsakan”.

Ngayong buwan ng mga magsasaka, narito ang ilan sa mga bagsakan ng kanilang mga produkto:

1. Bagsakan Farmers Market

Nabuo ang Bagsakan Farmers Market bilang isang kolektibong organisasyon na nagtataguyod ng karapatan ng mga magsasaka at nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa. Bukod sa mga mura at sariwang gulay at prutas mula Norzagaray at San Jose Del Monte, Bulacan, patok din ang kanilang mga kakanin gaya ng biko at maja. Matatagpuan sila sa Bantayog ng mga Bayani, Quezon City.

Maaring umoder online sa kanilang Facebook page na: www.facebook.com/ bagsakanfarmersmarket/

2. Sustainable Sagada

Isa sa mga produktong matatagpuan lang sa Sagada ang etag (binurong karne at niluto sa tradisyonal na pamamaraan ng mga taga- Kordilyera) na maaaring nang mabili mula sa Sustainable Sagada. Ilan pa sa mga produkto nila ang Smoked Ham at Cheese Sausage.

Maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page para mag-oder: www.facebook.com/ SustainableSagada

3. Sadiwa

Mula rin sa Kordilyera ang Sadiwa na pinangungunahan ng kababaihang nagtataguyod ng mga produktong mula sa kanilang bukirin. Ilan dito ang kapeng Arabika, Sagada at Kalinga, blueberry at strawberry jam. Nagdedeliber din sila sa buong Metro Manila. Sundan sila sa: www. facebook.com/SadiwaPH

* * *

Ilan lang ang mga ito sa mga bagsakan ngayong Buwan ng Magsasaka. Magkakaroon naman ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ng sarili nitong bagsakan na “No Justice No Peace” sa Oktubre 24.

Maaaring puntahan ang kanilang Facebook page https://www.facebook.com/ kilusangmagbubukid para sa update at iba pang detalye.