FEATURED

Ayuda ng maralita sa kapwa na nasalanta ng #UlyssesPH


Ayon sa ilang evacuees, mas aktibo sa paghahatid ng tulong ang mga mamamayan kumpara sa pamahalaan.

Katatapos pa lang kaninang tanghali ng relief operations sa Kasiglahan Village, Rodriguez (dating Montalban), Rizal ng Balsa (Bayanihan Alay sa Bayan) ng mga kasaping organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Aabot sa higit 1,000 pamilya ang nabigyan ng cooked meals, relief food packs, cleaning materials at magasing Pinoy Weekly: disenyong package na nagbibigay sustansiya sa katawan at kamalayan.

Larawan ni Francis Villabroza
Larawan ni Francis Villabroza

Ilampung katao naman ang relief workers at volunteers na tumulong para sa maayos na pamamahagi ng mga gamit at pagkain. May mahigpit na koordinasyon at pakikipagtulungan ang Balsa sa Sikad — ang samahan ng mga taga-komunidad sa Kasiglahan na binubuo ng iba’t ibang miyembro ng progresibong mga organisasyon gaya ng Anakpawis, Kadamay, Gabriela, atbp.

Malaking tulong ang releif operations para sa mga nasalanta ng Ulysses sa Montalban bagamat hindi ito sasapat kumpara sa mabigat na kinakaharap na problema ng mga mamamayan dito. Lubog pa rin sa putik ang pamayanan kasama ng mga bahay nila, hindi pa rin nalilinis ang daan patungo sa komunidad.

Larawan ni Francis Villabroza
Hindi pa tapos ang pangangailangang tumulong. Francis Villabroza

Marami pa rin putik at mga tumbang puno n nakaharang sa daan kung kaya’t nagtitiis pa rin sila sa masikip at kulang sa social distancing na evacuation centers sa paaralan sa lugar.

Ayon sa ilang residente, mangangailangan ng malalaking equipment gaya ng backhoe para malinis ang lugar. Hinihingi pa nila ang tulong ng pamahalaan ukol dito. Ayon naman sa ilang residente, hinaharangan din umano ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglilinis at pagbalik ng mga tao sa kanilang pamayanan.

Ayon din sa ilang evacuees, mas aktibo sa paghahatid ng tulong ang mga mamamayan kumpara sa pamahalaan.

Kuha ni Francis Villabroza