Pagkulong sa #HRDay7, halatang di-makatarungan

December 14, 2020

Halata umano na walang kredibilidad ang pulisya at mga opisyal ng rehimeng Duterte tulad ni Badoy sa mga paratang at “red-tagging” na ginagawa nito.

Biglang nagbago ang kuwento ng awtoridad, dalawang araw matapos ang reyd sa mga bahay ng mga organisador ng mga manggagawa at isang mamamahayag noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Noong araw ng pagpasok, paghalughog ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa mga bahay nina Dennise Velasco, Jaymie Gregorio Jr., Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, Joel Demate, Rodrigo Esparago at Lady Ann Salem at pag-aresto sa kanila, sinabi ng CIDG na mga miyembro ng “criminal gang” daw na nagbebenta ng mga baril ang inaresto nila.

Pero nitong Disyembre 12, nag-iba ang ihip ng hangin. Sa kanyang Facebook post, pinaratangan ni Presidential Communications Office Usec. Lorraine Badoy ang tinaguriang #HRDay7 bilang mga miyembro raw ng “Metro Manila Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines”. Hindi na lang sila mga kriminal na nagbebenta raw ng baril, mga miyembro na raw sila ng CPP, at ang mga armas ay para sa armadong rebolusyon nito.

“Minumungkahi (namin) kina Badoy at sa mga nasa sektor ng seguridad ng estado na una sa lahat ay magkaisa sa gawa-gawang kuwento at pekeng naratibo nito sa background ng human rights defenders na tinaniman nila ng ebidensiya tulad ng mga baril at ekslosibo sa magkakasabay na mga reyd nila noong Huwebes,” pahayag ng bagong-tatag na Free the Human Rights Day Network.

Halata umano na walang kredibilidad ang pulisya at mga opisyal ng rehimeng Duterte tulad ni Badoy sa mga paratang at “red-tagging” na ginagawa nito.

Sinabi pa ng naturang network na nakakagalit ang mga paglabag sa karapatan ng pito, pero nakakagalit din ang tila pagwawaldas umano ng mga ahente ng Estado kabilang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-Elcac ng badyet ng gobyerno na mula sa buwis ng mga mamamayan.

Iginigiit nila at ng mga grupong pangkarapatang pantao na layunin ng mga pag-aresto na supilin ang mga lider-manggagawa at mamamahayag na nangunguna ngayon sa paglaban sa mga kabuktutan ng rehimeng Duterte.

Inaresto ang pito sa magkakahiwalay na mga reyd sa kanilang mga bahay sa Quezon City, Sta. Ana, at Mandaluyong. Nakabatay ang reyd sa inilabas na search warrant ng kontrobersiyal na Quezon City Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert.

Si Villavert din ang judge na naglabas ng search warrant noong Oktubre 2019 para ireyd ng pulisya ang mga opisina at tahanan ng mga aktibista sa Negros at Manila na dumulo sa pag-aresto ng maraming aktibista, kabilang na sina Reina Mae Nasino sa Manila.

Bago nito, “nakipagdiyalogo” ang noo’y hepe ng National Capital Region Police Office o NCRPO na si Hen. Debold Sinas kay Villavert. Nagpaskil pa ang PNP ng mga litrato ng naturang diyalogo sa isang Facebook page nito.

Nanawagan ang iba’t ibang grupo sa agarang paglaya ng pito. Pati ang mga organisasyon ng midya tulad ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, at iba pa, nanawagan sa agarang paglaya kay Salem, na siyang editor ng alternatibong online news site na Manila Today.

Matatandaang kabilang ang Manila Today sa mga grupo ng alternatibong midya (kabilang ang Pinoy Weekly) na pinaratangang “prente ng komunista”, ni Allan Capuyan ng NTF-Elcac sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo.

PW Staff