FEATURED

Aktibismo, kabaligtaran ng terorismo

Kailan pa naging ilegal ang paggiit sa karapatan at pagbatikos sa gobyerno na ginagawa ng mga progresibo?

Nakahimlay si Amanda Socorro Lacaba Echanis sa isang tahanan sa Brgy. Carupian, Baggao, Cagayan madaling araw ng Disyembre 2 nang pasukin ang bahay ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP). May mandamyento de aresto raw sila.

Kapapanganak pa lang ni Amanda sa isang-buwang sanggol na si Randall Emmanuel, na kasama niya noong gulatin siya ng mga pulis. Pero matapos ang diumano’y panghahalughog sa bahay, biglang inanunsiyo ng pulis: may nakuha raw siyang “isang yunit ng M-16”, dalawang magasin ng naturang, 20 bala, at dalawang granada.

Sa mga panayam sa midya noong siya’y nasa kustodiya na ng pulisya, mariing pinabulaanan ni Amanda na kanya ang mga baril. Kapareho ito ng kuwento ng maraming aktibistang inaresto, kabilang na ang grupo ni Reina Mae Nasino noong Nobyembre 2019 sa opisina ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila: tinaniman sila ng baril at eksplosibo para bigyan-katwiran ang pag-aresto at pananatili sa kulungan (dahil di-puwede pumiyansa sa kasong illegal possession of explosives).

Pero ang giit ni Amanda, ng mga kapwa niya organisador sa hanay ng mga magsasaka sa Cagayan, kaanak at kakilala, hindi siya armadong rebelde. Anak ng lider-pesante at konsultant sa usapang pangkapayapaan na si Randall Echanis na pinaslang nitong Agosto, kilala rin si Amanda bilang manunulat at artista, at dating bahagi ng isang nongovernment organization na tumutulong sa mga maralitang lungsod.

Sa panayam sa midya matapos ang pag-aresto sa kanya, iginiit ng bagong hepe ng PNP, ang kontrobersiyal na Hen. Debold Sinas, sinabi nitong bahagi raw ng “underground” si Amanda. Pero wala silang saksi na gustong tumestigo hinggil dito.

“Hindi po totoong wala ‘yan sa underground. Ang asawa niya ay lider ng armado sa NPA (New People’s Army) sa Cagayan Valley. Kaya nga may mga armas ‘yan. Kasi maski tanungin mo, ang asawa niya ang nasa underground. Ang problema lang, ‘yung mga report namin, walang gustong mag-testify para ma-file-an ng kaso,” inamin ni Sinas.

Walang ebidensiya, pero bakit hinuli si Amanda?

Piket ng Save Our Schools Network sa tanggapan ng Department of Education sa Pasig City para kondenahin ang papel ng DepEd sa red-tagging sa mga grupong naggigiit ng karapatan sa edukasyon, kabilang ang karapatan ng mga batang Lumad. Kontribusyon

Binanggit sa pagdinig

Isang araw bago hulihin si Amanda, nabanggit ang pangalan niya sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Seurity, Peace, Unification and Reconciliation sa pangunguna ni Sen. Panfilo Lacson noong Disyembre 1.

Isang testigo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na nagngangalan daw na “Ka Ivy” ang nagsabing nakasama raw niya sa isang yunit ng NPA si Amanda. Ang ebidensiya niya? Isang litrato ng grupo ng kababaihan. Nakatagilid ang isang babae na itinuturo niyang si Amanda. Walang makikitang armas ito.

Nakapagtataka ang tiyempo ng paglabas ng akusasyon na ito. Gayundin, nakapagtataka sa marami ang paglabas ng balita ng pagpaslang sa pinakabatang anak na babae ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, si Jevilyn Cullamat, sa isang engkuwentro umano sa Marihatag, Surigao del Sur noong Nobyembre 28, o tatlong araw bago ang pagdinig sa Senado.

Pinakalat ng militar ang isang larawan ng walang-buhay na si Jevilyn, nakahandusay sa lupa, katabi ang diumano’y nakumpiskang mga baril at kagamitan daw ng mga rebelde, habang nakatayo ang mga sundalo sa harapan ng mga ito, hawak ang mga watawat ng Communist Party of the Philippines o CPP, NPA at National Democratic Front (NDF).

Madamdamin ang pagtestigo ni Rep. Cullamat sa naturang pagdinig. Nagdadalamhati siya sa pagkamatay ng kanyang anak, na pinagmamalaki niya sa pagtindig nito para sa karapatan ng mga Lumad sa lupaing ninuno. “Pero walang kinalaman ang Bayan Muna rito,” sabi ni Cullamat, sa pagitan ng mga hikbi. Hindi umano maaaring gamitin ng militar at NTF-Elcac ang bangkay ni Jevilyn para lalong siraan at paratangan ang progresibong mga party-list. Kinondena rin niya ang aniya’y pambabastos sa labi ng anak – na pinakalat pa ang walang-buhay na larawan sa social media.

Inayunan ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagkondena sa anito’y paglapastangan sa karapatan ni Jevilyn, sa pagbalandra ng larawan niya sa social media. Sabi rin ng mga grupong pangkarapatang pantao, labag sa International Humanitarian Law ang ginawa ng militar. Sa sumunod na araw, sinabi naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi nga dapat kinukuhanan at pinapaskil ng militar sa social media ang larawan ng nasawing mga kalaban nila.

Anu’t anuman, sa paghuli kay Amanda at sa pagpaslang kay Jevilyn, tila nalalantad ang plano ng NTF-Elcac na gamitin ang kaso nila para lalong pagdiinan ang paratang na sangkot sa armadong pakikibaka ang legal na progresibong mga organisasyon at aktibista.

Pagtanggol sa karapatan

Sa nauna’t ikalawang pagdinig ng komite ni Lacson, dumalo ang mga lider-progresibo na sina Neri Colmenares at Teddy Casiño at pati ang dalawang kinatawan ng blokeng Makabayan na sina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Kabataan Rep. Sarah Elago para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan sa harap ng mga paratang ng NTF-Elcac.

Unang sumalang si Casiño, bilang kinatawan ng Bayan. “Isa po akong aktibista. Kumikilos po ako sa legal at parlamentaryong pakikibaka para sa panlipunan at demokratikong reporma,” panimula niya. Aniya pa, isinusulong lang ng Bayan ang kanilang mga adbokasiya tulad ng dagdag-sahod sa mga manggagawa, climate justice at pagpapababa ng singil sa kuryente sa “saklaw ng konstitusyon at mga batas” ng bansa.

Idiniin pa niya na hindi siya rebelde. Aniya, hindi siya kalahok sa armadong pakikikabaka o sumusuporta nananawagan ng “marahas na pagpapabagsak” ng Estado. Ni hindi rin siya nagrerekrut para sa NPA o anumang armadong grupo. “Hindi po ako terorista. At hindi po ako front ng mga rebelde o terorista,” aniya.

Nagsalita rin ang mga opisyal ng Gabriela na sina Joms Salvador, pangkalahatang kalihim, at Sr. Mary John Mananzan, chairwoman emeritus, at Dr. Jean Lindo, tagapangulo ng Gabriela-Southern Mindanao Region.

Binatikos naman ni Elago sa naturang pagdinig ang pagpapakalat ng “fake news” ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director-General Alex Paul Monteagudo na nagpapakalat ng publication materials sa social media na walang-batayang nag-uugnay sa kanya sa diumano’y pagrerekrut sa NPA.

“Ano itong sinasabi ng NICA na truth-tagging, Mr. Chair? Hindi po ba nakakabahala na kailangan pang ipaalala ng kabataan sa ating na premier intelligence agency: Think before you click. Ikonsidera ang pinagmulan nito bago i-share ang content. Nakakahiya po kung galing sa NICA at Secretariat ng Anti- Terrorism Council tapos hindi man lang marunong mag fact-check,” ani Elago, may bahagi sa wikang Ingles.

Ayon kay Elago, dumalo siya sa pagdinig ng Senado upang maningil ng pananagutan sa pangrered tag na isinasagawa ng mga puwersa ng Estado. “Nandito ako hindi lang para sumagot, kundi maningil ng pananagutan sa lahat ng pangdudusta na ginawa sa akin,” aniya.

Amanda Echanis (nasa ilalim ng asul na payong), at ang kanyang sanggol, sa kustodiya ng pulisya.

Panganib ng red-tagging

Maliban sa simpleng paninira, idinadaing ng mga lider-progresibo na madalas na tinutungo ng red-tagging ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa kanila – tulad ng nangyari kay Amanda Echanis. Pero sa ibang kaso, mas masahol pa: nagiging biktima sila ng extra-judical killing.

Kung kaya pare-parehong nagpahayag ng pangamba sa kanilang buhay ang halos lahat ng resource person ng progresibong mga grupo sa pagdinig sa Senado.

Sa paglalahad ni Casiño, ikinakatakot niyang mangyari ang sinapit nina Randy Malayao, Sarah Alvarez, Jory Porquia at marami pang aktibistang na aniya’y “pinaratangan nilang komunista bago pinatay.”

Ayon naman kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, hindi lang daw “harmless” na pahayag o post lang sa Facebook ang red-tagging, lalo na ng mga opisyal ng militar, pulisya at pambansang gobyerno.

Ibinahagi ni Palabay na katugma ang estilo ng mga kaso ng extrajudicial killings sa mga pinaslang na mga kasama nilang human rights workers tulad ng nangyari kina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala na pinaslang noong Hunyo 2019 sa Sorsogon. Naging imbuwelto umano ang mga sundalo at mga opisyal ng gobyerno na aniya’y ‘paulit-ulit na nagbigkas ng kanilang mga pangalan at ng mga organisasyon nila’ sa iba’t ibang pagkakataon sa media, mga forum at mga paskil at polyeto na nag-aakusang sila’y mga kriminal at NPA.

“Hindi naman po siguro coincidence lang ito, na ang 185 human rights defenders na pinatay in the nakaraang apat na taon, mula sa 328 sibilyan na nadokumentong pinaslang sa counter-insurgency operations ay ni-redtag, pinagbantaan, sinurveillance ng mga sundalo bago sila patayin,” ani Palabay.

Ipinunto pa ni Palabay na noong 2007 pa lang ay natukoy na umano ni Prop. Philip Alston, na noo’y United Nations (UN) Special Rapporteur on Extra-judical Executions, Killings and Enforced Disappearances, sa kanyang ulat na ang red-tagging ay walang pagkilala sa pagkakaiba ng combatant at isang sibilyan; at sa isang aktibista at sa may armas.

Nakasaad pa sa naturang ulat na ang mga umano’y counterinsurgency programs na may pokus kapwa sa civil society leaders ng mga tinagurian ng gobyerno na mga front groups at sa grupong armado ay tumutungo sa extrajudicial killings, na nagiging routine na o systematic. “Bakit ipinagpapatuloy pa?” tanong ni Palabay.

Ikinuwento naman ni Clarissa Ramos ang sinapit ng asawang si Benjamin Ramos, abogado ng Karapatan at National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa Negros na pinaslang noong 2018. Katulad ng iba, ayon kay Clarissa, mula nang hawakan ng kanyang asawa ang mga kaso ng human rights at mga usaping pang-agraryo, regular na itong nakatanggap ng death threat sa mga text message at sinurveilance. Naisama pa umano ito sa order of battle ng militar noong administrasyong Arroyo. Mas tumindi umano ang paninira kay Ramos sa administrasyong Duterte hanggang sa siya’y paslangin.

Ayon din kay Palabay, inamin umano ni Negros Occidental Police Provincial Office Director PS Supt. Rodolfo Castil Jr. ang pag-uutos na ipamahagi sa Negros Occidental ang poster na naninira kay Ramos at iba pang personahe.

“Ang pagsasalubong ng mga pangyayari at mga sirkunstansiya ang nagbibigay sa akin ng higit na rasonableng batayan upang maniwalang ito’y isinagawa ng mga hinihinalang government-backed death squad na itinalaga sa Negros Occidental,” ani Clarissa.

Tulad ni Ramos, naisama ang mukha at pangalan ni Dr. Lindo ng Gabriela -Southern Mindanao, sa mga paskil kamakailan sa Davao na nagsasagawa ng red-tagging sa mga personahe. Binansagan sa naturang mga paskil si Lindo at iba pang mga personahe bilang “berdugo”, “human rights violators” at “pumapatay ng tribu”.

Ani Lindo, seryosong banta ang red-tagging dahil umano sa signipikanteng bilang ng mga aktibistang pinaslang matapos nilang maranasan ito. Para sa kanya, isa itong “prelude to murder”. Nabanggit ni Lindo sa kanyang paglalahad ang pagpaslang sa mga kakilalang magsasaka at kontra-minang aktibistang si Jimmy Saypan noong 2016 at ang pagdukot kay Honey May Suazo ng Karapatan Southern Mindanao na isang taon nang desaparacido.

“Kung mayroon man akong pagkakasala, ito’y ang pagtulong sa mga komunidad ng Lumad, kasama ang mga komunidad ng Manobo sa UCCP Haran sa Davao City,” ani Lindo. Tumulong umano siya sa pagtuturo at paghahanda para sa mga safety protocol ng mga naturang tribu sa umiiral na pandemya. “Ang tangi kong ‘krimen’ laban sa Estado ay kaugnay ng aking gawain para sa Lumad.”

Matapang na nagsalita, kahit umiiyak, si Rep. Cullamat sa pagdinig sa Senado.

Ugat ng tunggalian at gera, tugunan

Para sa Makabayan, malinaw ang ang layunin ng red-tagging ay magdulot ng “chilling effect” (o pananakot) sa mga mamamayan. Ayon kay Casiño, ang gawaing ito’y “pumapatay sa demokratikong paglahok at malusog na debate sa mga isyu ng pampublikong usapin.”

Itinuring pa ni Casiño ang isinasagawa ng saksi na asset ng NTF-Elcac at NICA na si Jeffrey Celiz bilang “trial by publicity” at ang Senado bilang “malaking plataporma”.

Para kay Colmenares, hindi matatapos ang giyera kahit pa mawala ang Makabayan at iba pang aktibistang grupo. “Gobyerno mismo ang umamin na ang ugat ng tunggalian at solusyon sa giyera ay i-address ang lehitimong mga issue ng mga nagrerebelde tulad ng CPP-NPA-NDF,” aniya.

Kung kaya, inirerekomenda ng Makabayan, Bayan at iba pang grupo sa halip na paninira at pag-atake sa kanilang nasa legal na kilusang masa, itulak na lang ang pagpapatuloy ng nabalam na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF. Sa platapormang ito umano mapag-uusapan ang mga ugat ng armadong tunggalian at mga mungkahi para matugunan ito.

Hinikayat ng testigo sa pagdinig ng CHR na si Komisyuner Karen Dumpit ang Senado na ikonsidera na magpasa ng batas na gagawing ilegal ang red-tagging. Para naman sa blokeng Makabayan at mga grupong progresibo, dapat na ituon na lang ang badyet ng NTF-Elcac sa mga serbisyong panlipunan katulad ng ayuda sa mga mamamayang apektado ng pandemya at sunud-sunod na mga kalamidad sa bansa.

Sa huli, naniniwala si Sr. Mananzan na sa kabila ng panunupil, magpapatuloy at lalakas ang paggiit ng mga mamamayan ng kanilang mga karapatan.

Inihalintulad niya ang progresibong kilusan sa kasaysayan ng simbahan na aniya’y lumawak nang nagkaroon ito ng mga martyr. “Akala n’yo ba kaya n’yong patayin ang isang kilusan sa pamamagitan ng pag-uusig? Ang kilusan,pag inusig mo, para kang merong madaling magsilab na materyal at naglalagay ng gasolina,” sabi ni Sr. Mananzan.

Makikita sa patuloy na paninindigan nina Amanda, Rep. Cullamat, at iba pang aktibistang pinagbabantaan at pinagkaitan ng karapatan, na lalong lumalaban ang mga mamamayang ginigipit.