Rebyu

Natauhan ang fan


Rebyu ng Fan Girl, sinulat at dinirehe ni Antoinette Jadaone. Tampok sina Charlie Dizon at Paulo Avelino. Pinrodyus ng Star Cinema.

Sobrang fan siya ni Paulo Avelino. Noong araw na iyon, sa eskuwela, binibilang niya ang bawat segundo bago matapos ang klase. Hindi niya pansin ang barkada, o ang binatang dumidiga. Pagtunog ng kampana, talilis siya papunta sa mall. Doon, katulad ng laksa-laksang nakikipagbalyahang kapwa fans, nakaharap niya ang kinahuhumalingang artista.

Sa entablado, sa harap ng fans, pamilyar ang eksena sa lahat ng may kahit katiting na pamilyaridad sa showbiz sa Pilipinas. Sweet ang magkatambalang sina Paulo at Bea Alonzo. Bago ang mall tour, inamin daw nilang “sila na” (alam na natin ‘yang gimik na ‘yan). May song number sila, siyempre. Nagbato ng posters ng pelikulang inilalako ang pelikula. Dinumog ang dalawa.

Sinagad ng pelikulang Fan Girl ang hangganan ng tiwala ng manonood sa kung paano magawang makasakay sa sasakyan ni Paulo ang umiidolong fan (Charlie Dizon). Ganun lang ba kadaling mag-stalk ng artista? Walang alalay, walang amuyong si Paulo? Siya ang nagmamaneho ng sariling sasakyan? Diretso sa (hindi pinakilalang) probinsiya? Dahil naganap ito sa simula pa lang, at hindi pa nagagasta ng pelikula ang tiwalang ipinagkaloob dito ng manonood, tatanggapin na muna natin ang esktraordinaryong pangyayaring ito — at ang ilang kasunod na eksena.

Anu’t anuman, sa oras na mapag-isa (o inakala niyang mag-isa na lang siya) si Paulo, nagbago na ang kilos ng artista. Heavy metal ang patugtog sa sasakyan (istiryotipo itong marahil ay di matarungan sa fans ng heavy metal). Nanigarilyo (o himithit ng marijuana, di natin tiyak), nagtanggal ng manbun at jacket si Paulo habang nagmamaneho. May kinausap sa telepono, nagmumura. Hindi na ito ang sweet at romatikong matinee idol ni fan girl.

Pagbabadya ito ng mangyayari sa susunod na mga oras. Nagsasalitan ang takot at irasyunal na paghanga — at pagnanasa — ni fan girl sa idolong artista. Si Paulo naman, mas naiintriga kaysa nagagalit, mas natutuwa sa atensiyon kaysa naiinis sa intrusyon. Papunta na sana ng terminal ng bus ang dalawa para pauwiin si fan girl nang magpakita ng bulnerabilidad si Paulo. Nagbukas din ang fan girl ng kanyang problema sa pamilya, pero lumalabas, hanggang dun lang ang pakikiramay ng artista. Mamaya, matapos makuha ang gusto sa fan girl, bumalik siya sa dating marahas, mapagmura, at bastos na kilos.

“Paulo Avelino” at fan: maiksing eksaminasyon ng celebrity culture.

Para sa isang direktor ng mga dramatikong mga pelikulang binidahan ng love teams nitong nakaraang mga taon, kahanga-hanga ang matapang na madilim na sulyap ng direktor na si Antoinette Jadaone sa buhay ng isang artista. Tuso ang paggamit ng tunay na pangalan ni Avelino sa karakter bilang marketing gimmick at pagsegurong hindi ganoon sa tunay-na-buhay si Avelino — lalo pa’t isa siya sa executive directors. Gayunman, para sa isang direktor na sumikat at nadebelop sa loob ng studio system, mapangahas ang sinikal na pagpapakitang ito sa mga artista sa likod ng kanilang persona: Malamang, kaiba sa totoong-buhay ang hinahangaan nating mga artista, at isama na natin ang mga pulitiko at iba pang iniidolo.

Mahalaga ang puntong ito, dahil malinaw naman sa pagpapakita ng ilang imahen ni Rodrigo Duterte (hal. poster sa tindahan, tarpaulin sa tenement) — sa laylayan ng pelikula, na gusto ng manunulat/direktor na iugnay natin ang machismo at marahas na karakter ni Paulo sa iniidolong pangulo ng milyun-milyong DDS.

Malinaw ding machismo ang iniaalok na alusyon at paliwanag ng Fan Girl sa penomenon ng Dutertismo. Ang pagkakaiba lang, hindi itinatago ng Pangulo ang kanyang pagiging marahas. Si Paulo, pagiging romantiko (“magaling kang kisser”) ang panghatak sa fans. Si Rodrigo, tatay na marahas at macho at bastos magsalita, pero may ginintuang puso (sa tingin ng mga tagasuporta niya). Pero kuha pa rin ng manonood ang punto: misogynist sila pareho, isama pa ang mapang-abusong kinakasama ng nanay ni fan girl.

Pero alam din ng manonood na hindi lang machismo ang problema ni Duterte. Malaking bahagi ito ng persona niya, at pinaliliwanag nito ang maraming aspekto ng kinikilos niya sa publiko. Pero hindi lang ito ang puwersang nagtutulak sa pandarahas at korupsiyon niya. Halimbawa, hindi nakikitaan ng machismo si Duterte sa harap ng kapangyarihan ng mga imperyalista — at ng mga militarista.

Sa huli, natauhan siyempre si fan girl. Sa harap ng abusadong kinakasama ng ina, matutulak siyang kumilos. ‘Yun nga lang, ang hiningan niya ng saklolo ay iyung abusado ring mga tauhan ng Pangulo.