Sining sa mga kuko ng Terror Law

January 22, 2021

Hindi nagpasindak sa lantarang pasismo ang maraming artista.

Hindi pandemya ang hadlang sa paglikha ng sining sa panahong ito. Patunay ang pagpapatuloy nito sa mga platapormang online sa kabila ng pagkaudlot ng iba’t ibang festival o tuluyang pagsasara ng mga espasyo. Online na ang mga pagtatanghal, panonood ng sine, pagbebenta ng libro, mga panayam at iba pang anyo ng pagtitipon. Maging ang nilalaman ng mga palabas ay nag-adjust din tulad ng isang soap operang nag-viral dahil ang multong karakter dito ay naka-face shield.

Kamakailan lang ay inilabas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020. Nakasaad dito na hindi ituturing na terorismo ang mga malikhaing pagtitipon at inisyatiba KUNG hindi ito nagdudulot ng karahasan o naglalagay sa peligro sa nakararami. Ang kondisyong ito ng ATA 2020 ang tunay na hadlang sa paglikha ng sining mula kasalukuyan hanggang sa hinaharap.

Atake sa lumilikha

Wala pang nakakasuhang artista dahil sa kaniyang sining sa ilalim ng ATA 2020–sa ngayon.

Ngunit matagal nang may mga pag-atake sa mga artista bago pa man maipasá ang Terror Law noong Hulyo. Noong 2019 ay bayolenteng dinampot ng mga pulis ang ilang kasapi ng Panday Sining dahil sa kanilang mga graffiti sa mga pader ng Maynila. Karahasan ang naging katumbas ng kaunting pintura, papel, at pandikit na gamit sa pagpapahayag ng saloobin.

Lalong umigting ang mga pag-atake ngayong panahon ng pandemya. Hindi na ganoon kalaya ang malayang pamamahayag na siyang batayang pundasyon ng masining na paglikha. Patunay diyan ang hindi pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN, ang pinakamalaking broadcast network sa Pilipinas. Kasabay nito ang sunod-sunod na pag-aresto noong mga unang buwan ng lockdown dahil umano sa pagpapakalat ng maling balita na labag sa Bayanihan to Heal As One Act. Biktima nito si Bambi Beltran, isang artista sa Cebu na nagpaskil ng satirikal sa kanyang Facebook account. Kung hindi nauunawaan ng rehimeng Duterte ang street art at satire, paano pa kaya ang ibang anyo ng masining na pagpapahayag?

Maging ang mga monumentong nagpapaalala sa ating kasaysayan ay pinag-iinitan din ng kasalukuyang rehimen. Noong 2018, sa reklamo ng Embahada ng Hapon ay ipinatanggal ang Comfort Woman statue na nasa kahabaan ng Roxas Boulevard. Tinanggal na rin ang monumento nina Macliing Dulag na nagbuwis ng buhay laban sa Chico Dam sa Kordilyera noong panahon ng Batas Militar.

Gamit ang bilyun-bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), red-tagging na ng mga artista ang pinagkakaabalahan ng rehimeng Duterte ngayon. Kabilang sa mga biktima sina Angel Locsin, Catriona Gray, at Liza Soberano. Pinatungkulan din ng isang nagpakilalang witness sa isang hearing ang National Artists na sina Lino Brocka at Ishmael Bernal.

Ang Duterte ‘cultural arm’

Kasabay ng nabanggit na mga atake ang tuluy-tuloy ding paggamit ng rehimeng Duterte sa sining para pabanguhin ang sarili gamit ang sarili nitong pangkat pangkultura. Sa saliw ng nakaaantig na kantang “Ipaglalaban Ko”, ang tanyag na si Freddie Aguilar mismo ang nagpalit ng liriko at umawit sa piyesa upang ikampanya si Duterte noong 2016.

Sumunod ang militarisasyon ng pelikula. Noong 2019, ginawaran ng Best Picture ang Mindanao (2019) ni Brillante Mendoza, na siya ring direktor ng mga nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte. Nariyan din ang mga pelikulang Misyon (2018), Bato (2019), at Children of the River (2019) na nagtatanghal sa mga pulis at sundalo–na siya ring responsable sa maraming karahasan sa kanayunan at kalunsuran–bilang mga bayani.

Abril 2020 nang ilabas ng Embahada ng Tsina ang Iisang Dagat (2020) na inawit ng tanyag na mang-aawit na si Imelda Papin kasama ang dalawang Tsino. Iniaalay daw nila ito sa medical frontliners sa gitna ng pandemya sa kabila ng hindi pagkilala ng Tsina sa hatol ng international court na sakop ng Pilipinas ang West Philippine Sea.

Samantala, kasalukuyang nagpapatimpalak ang isang elementong nagpakilalang Maharlika TV, na nang suriin ng ilang manunulat ay lumabas na may koneksiyon sa rehimeng Duterte at maging sa mga Marcos. Hinihinalang plataporma ito upang makapag-recruit sila ng mahuhusay na propagandista.

Sining at panunupil ayon sa kasaysayan

Paano makaaapekto ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa ating masining na paglikha? Ito marahil ang isa sa mahahalagang tanong ngayon na maaari nating pag-isipan. Bagaman may bagong pangalan, hindi na bago ang panunupil sa larang ng sining. Mainam na balikan natin ang kalagayan noong panahon ng Batas Militar.

Instruction No. 1 ni Marcos na ipasara ang mga pahayagan. Dahil dito, naging underground ang moda nilang mga piniling ipagpatuloy ang paglalathala, na kalaunan ay binansagang Mosquito Press. Ang mga akdang hindi inilathala underground ay kailangang aprubado ng gobyerno. Kaya naman naging isang matagumpay na protesta ang “Prometheus Unbound” ni Jose Lacaba, isang tulang tagong lantad na atake kay Marcos, na nakalusot sa Focus Magazine noong 1973.

Bukod sa paglalathala, sinupil din sa ilalim ng batas militar ang mga pelikula at palabas sa telebisyon. Banned ang Manila By Night (1980) ni Ishmael Bernal dahil sa paglalantad nito ng tunay na kalagayan ng Maynila taliwas sa imaheng ibinebenta ng mga Marcos. Maging ang pag-ere ng Voltes V (1977) sa telebisyon ay itinigil dahil sa radikal nitong mensahe ng pagkakaisa.

Sa kabila ng mga panunupil na itong nakatala sa kasaysayan, buháy pa rin ang naratibong si Imelda Marcos ay patron ng sining at marapat siyang pasalamatan sa Cultural Center of the Philippines (CCP), na nagsilbing espasyong pantanghalan ng mapanlilang na “Bagong Lipunan.”

Sa pahapyaw na pagtingin, patuloy pa rin naman ang sining ng paglikha sa ilalim ng rehimeng Duterte — hindi direktang nakalahad ngunit nakaumang na kondisyong ito ang masining na paglikha sa ngalan ng masining na paglikha, na hindi kumukuwestiyon sa mga sistema at kalagayan, at sa kondisyong hindi ito lalabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Pagiging malikhain sa gitna ng panunupil

Bagaman bibilang pa ng buwan o taon bago natin makita ang posibleng inisyal na epekto ng ATA 2020 sa masining na paglikha, nakita nating hindi nagpasindak sa Terror Law ang maraming artista sa pamamagitan ng paglalabas ng mga pahayag at maging sa pag-atras sa mga proyektong may koneksiyon sa rehimeng Duterte. Halimbawa nito ang pahayag ng pag-atras ng siyam na artista mula sa proyektong Trilogy of Saint Lazarus ng College of St. Benilde – Center for Campus Art nang mapag-alaman nilang nais makipagtulungan ng direktor nito sa Armed Forces of the Philippines.

Higit sa lahat, tuluy-tuloy ang progresibong mga pangkat ng artista sa pag-aalay ng kanilang masining na paglikha sa mga inaaping sektor ng lipunan.

Pinatutunayan ng mga inisyatibang ito na sa pagsusuri, sa halip na sa pagpapatúloy lang, tayo mas nagiging malikhain.


Ang print version ng sanaysay na ito ay mababasa sa /baka komiks tabloid.
Roma Estrada

Roma Estrada

Nagturo ng wika at panitikan si Roma Estrada sa iba’t ibang mataas na paaralan at pamantasan. Kasalukuyan siyang nagsusulat para sa Davao Today. Maaaring basahin ang iba pa niyang akda sa romaestrada.wordpress.com.