Lupa at tubig

March 22, 2021

Damayan ng mga migrante’t mamamayan sa panahon ng pandemya.

Kakaputok pa lang ng araw nang narating namin ang Sta. Ana sa San Mateo, Rizal. Isang malawak na taniman ito ng iba-ibang pananim ang bumungad sa amin. Sa di kalayuan, tatambad ang Marikina River. Ayon kay Kuya Joseph, dito nanggagaling ang pinakasariwang mga gulay na binebenta sa mga palengke sa Rizal at Quezon City.

.

Masarap sa mata ang at nakakarelaks ang sariwang hangin. Pero hindi kami nandoon para mag-field trip. Katuwang ang Damayang Migrante, Masipag (Magsasaka at Siyentipiko Para sa Pag-unlad ng Agrikultura) at Just Green, nandoon ang Migrante Philippines para maglunsad ng isang workshop tungkol sa organic farming. Kasama namin ang St. Anne Farmers’ Association, ang lokal na asosasyon ng mga magsasaka sa Sta. Ana, at iba pang residente ng tumana.

Bago magtanghalian, natapos na namin ang diskusyon sa organikong mga paraan ng pagtataboy ng army worms. Nagturo rin ang vegan advocates ng Just Green kung paano gumawa ng kimchi. Nakangiti naming pinagsaluhan ang maghapon sa kanilang itinayong kubo.

Tubig at lupa

.

Pero may malungkot na kuwento sa likod ng mga masasayang eksena.

Ilang buwan lang bago ang workshop, sinalanta ng bagyong Ulysses ang komunidad na ito sa gilid ng ilog. Inanod ng malakas ng bugso ng tubig mula sa bundok ang lahat ng mga pananim at hayop ng mga magsasaka. Inanod maging ang kanilang mga bahay at kagamitan sa pagsasaka.

Bilang bahagi ng programa nitong pag-aabot ng ayuda sa mga naapektuhan ng pandemya at mga sakuna, nag-abot ang Damayang Migrante ng tulong sa kanilang asosasyon. Nagbigay tayo ng mga buto at iba pang mga kagamitan sa mga magsasaka.

Si Kuya Joseph ang presidente ng kanilang asosasyon. Nanay niya si Nanay Cedes, isa sa mga nakakatandang kasapi ng samahan. Siya’y may anak na overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai. Magsimula nang pumutok ang pandemya, nagipit din ang kanyang anak sa pinansiya. Ito ang tumulak kay Nanay Cedes, sa kanyang edad na 79, na magtanim ng gulay para sa pang-araw-araw na pangangailangan.

“Mula nung maliliit pa mga anak ko… Nagkakasakit ako ‘pag wala ako sa bukid. Naoospital ako ‘pag wala ako sa bukid,” ani Nanay Cedes.

Magsasaka rin sa Sta. Ana si Tatay Iko. Umabot sa 20 taon siyang nagtrabaho sa konstriksiyon sa Riyadh, Saudi Arabia. Matapos ang 14 taon bilang general foreman, nagkaproblema siya sa mata, kaya umuwi ng Pilipinas. Nagpasya si Tatay Iko na bumalik sa magtanim bilang kabuhayan.

Sa aming pakikipamuhay sa mga magsasaka, natutunan naming hindi talaga simpleng bagay ang pagtatanim. Di-sanáy sa buhay sa bukid ang marami sa volunteers ng Damayang Migrante. Bagamat masaya ang lahat ng unang makaranas na lumubog sa putik, magtanggal ng damo, at magtanim ng punla, nalaman din ng volunteers na totoo ngang “magtanim ay di-biro.”

Dagdag pa rito ang kawalan ng suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka lalo sa panahon ng sakuna. Kinuwento ni Kuya Joseph na humingi sila ng buto mula sa Department of Agriculture para makapagsimula. Pero ang ibinigay sa kanila, isang tig-iisang dakot ng buto. Tingin siguro ng gobyerno sa pagtatanim ay simpleng gardening lang o proyekto sa eskuwelahan, biro ng mga magsasaka.

Lupang tinubuan, malalayong lupain

.

Sa ganitong gawain lalong nagiging malinaw ang pundamental na pagsasalikop ng mga karanasan ng mga mamamayan.

Tulad ng mga OFW, hangad lang ng mga magsasaka ang sustenableng kabuhayan. Pero kung patuloy silang babaratin ng mga trader, itataboy tuwing ibebenta ang kanilang pinaghirapang pananim, at papabayaan ng gobyerno tuwing magkakaroon ng delubyo, hindi malayong sila’y magpasya ring iwan ang kanilang lupain at mahal sa buhay.

Kung darating ang araw na magkakaroon ng sariling lupa at sustanableng kabuhayan ang mga magsasaka, wala na ring mapipilitang umalis ng bansa. Sama-sama na tayong gagawa ng kimchi, magsasalu-salo ng paborito nating mga putahe, nanamnamin ang presensiya ng bawat isa sa isang masagana at tahimik na lipunan.

Hindi ba’t kay gandang isipin? Makakamit natin iyan kung ipaglalaban natin, hindi lang ang karapatan ng OFWs, kundi ng lahat ng mga Pilipino mula sa kanayunan hanggang sa pinakamalalayong sulok ng mundo.