FEATURED

Si Lapu Lapu at ang ating tagumpay sa Mactan laban sa kolonyalismo


Ipinakita ni Lapu Lapu sa mga dayuhang mananakop na hindi siya masusuhulan o mabubulag sa materyal na kayamanan. Ito ang kanyang dahilan ng pagiging mahusay at kagalang-galang na mandirigmang nagpapahalaga sa karangalan at kalayaan higit sa lahat ng kayamanan sa mundo.

Pambungad

Ang ika-500 taong anibersaryo ng “Battle of Mactan” ay isang oportunidad para gunitain ang unang tagumpay laban sa kolonyalismo sa ating kapuluan. Kinikilala dito ang lider ng itinuturing na unang tagapagtanggol ng kalayaan – si Datu Lapu Lapu. Sino itong lider ng unang engkuwentro ng ating mga ninuno laban sa mga dayuhang mananakop na ang nalalaman natin ukol sa kanya ay halos puno ng alamat?

Batay ba ito sa mga salaysay (oral history) ng mga taga-Mactan at Bisaya? Sino itong lider na namuno sa makasaysayang engkuwentro na nagpaatras ng halos 44 na taon sa panibagong pagsakop ng Kolonyalismong Espanya sa ating Kapuluan? (Agoncillo, 1965) Kahit sa mga sinulat sa dyornal ng Italyanong manunulat tulad nila Antonio Pigafetta na nakasaksi ng labanan o ng Portuges na historyador na si Gaspar Correa, na nakapanayam ang mga nakaligtas na kasama ni Magellan, ay may paghanga sa lider ng mga katutubong mandirigma sa Mactan.

Hanggang ngayon, nakabalot pa rin sa misteryo ang maraming mga detalye sa buhay ni Lapu Lapu. Bukod sa mga akda ng mga Yuropeong manunulat, marami sa alam natin ukol sa kanya ay batay sa mga mala-alamat na salaysay (oral history) ng mga taga-Barangay Punta Engano sa Mactan. (Ocampo, 2018; Gloria, 1973)

Taga-Punta Engano ang pamilyang Pagobo, na isa sa pinakamatandang mga pamilya sa lugar, na matagal nang umaangkin na inapo sila ni Lapu Lapu. Ilan din sa mga pamilya sa nasabing barangay na umaangkin na kamag-anak nila si Lapu Lapu ang matatagal nang naninirahan sa lugar tulad ng pamilyang Baring, Talinting, Mahusay, Eyas, Dano, Okitol, Dalumpines, Daitol, Saludaga at Dimayco. Puno ng alamat at mga salaysay (oral history) na ipinasa sa ilang henerasyon sa Mactan. Ika nga ng ating National Artist na si Resil Mojares noong 2018:

“Walang Pilipinong bayani na naging paksa na punong puno ng pantasya at kamalian katulad ng kay Lapu Lapu. Ganyan ang proseso na naging bahagi si Lapu Lapu na kasama na sa panteon ng mga kinikilalang pambansang bayani.”(Mojares, 2018)

Pati ang kanyang tunay niyang pangalan ay pinagtatalunan. Sigurado tayong siya ang Datu ng Mactan na namuno sa pagkalipol ng unang puwersa ng mga conquistador na nagtangkang sumakop sa ating mga kapuluan. Mayroong nagsasabing siya si Cilapulapu, Si Lapulapu, Salip Pulaka, Cali Pulaco, Kalipulako, Lapulapu Dimantag. Ang pinaka-tanyag sa mga pangalan niya ay Lapu Lapu kayat ito ang ating gagamitin.

Rebulto ni Lapu Lapu sa Mactan. Larawan mula kay Roland Simbulan

Si Datu Lapu Lapu, na pinangalanang “Haring Kalipulako ng Mactan” sa Proklamasyon ng Independensiya ng Pilipinas noong 1898, ang unang naitalang matagumpay na tagapagtanggol ng ating pambansang soberanya laban sa dayuhang mananakop. Itong “Kalipulako” ang nauna nang ginamit na nom de plume (pen name) ni Mariano Ponce sa diyaryong La Solidaridad. Ang kabayanihan ni Lapu Lapu at mahusay na pagsasanggalang niya sa ating teritoryo’t kapuluan ang naging daan ng kanyang pagiging simbolo ng kalayaan, kahusayan at kadakilaan sa antas pambansa. (Gloria, 1973)

Hindi natin dapat ipagdiwang ang pagdating ni Magellan noong 1521. Ang pagdating ni Magellan ay bahagi ng disenyo ng Emperyo ng Espanya. Sapagkat habang inaangkin niya ang ating kapuluan sa ngalan ng Hari ng Espanya, ang kanyang kapwa conquistador na si Hernando Cortez at ang kanyang mga sundalo ay inuubos ang mga Aztec sa Sentrong Amerika sa mga masaker para agawin ang kanilang mga ginto, lupa at gawing alipin ang mga bihag. Dinurog ang mga Aztec halos kasabay ng pagkakatuklas sa kanila. Ang pananakop ng mga Yuropeo sa maraming dako ng mundo ay humantong sa pagkalipol ng maraming katutubong komunidad. Ang integrasyon nila sa emperyong Espanyol ay sumira sa kanilang kabuhayan at kultura. Sinira ng mga kolonisador ang kanilang mga manuskrito na naglalathala ng kanilang mayamang rekord ng karunungan at kabuhayan.

Kahit si Adam Smith ay may obserbasyon noong 1776 na, “ang mga nadiskober ng mga taga-Yuropeo ay nagbukas ng bago at napakalawak na merkado at nagresulta sa paglawak ng kita at yaman, ngunit para sa mga katutubo, lahat ng komersiyal na benepisyong ito ay malalampasan ng walang-kapatawarang hirap na mararanasan nila…gamit ang superyor na lakas-militar ng mga Yuropeo, sila ay nagkomit ng mga krimen dito sa mga malalayong teritoryo”. Isang Espanyol na paring Dominiko na si Bartolome de las Casas, na personal na nakasaksi sa mga karumal-dumal at brutal na krimen ng mga Espanyol sa mga sinakop sa kontinenteng Amerikas, ang nagsiwalat sa mga ito sa kanyang aklat, The Destruction of the Indies (1552).

Ang mga “diskoberi” na ito ng Yuropeo ay nagdulot ng pinakamalawak na pangangamkam ng lupa sa kasaysayan ng sangkatauhan. Tulad ito ng pag-aalipin sa mga taga-Aprika na siya marahil na pinakamalaking mga kaso ng kidnapping na naitala, upang masuplay ng paggawa ang mga kolonyal na plantasyon. Ginamit ng ekspedisyon ni Magellan ang “Regalian Doctrine” na nagdeklara na lahat ng mga lupang madidiskubre ay magiging pag-aari ng Hari ng Espanya, at kasama na rito sa aangkinin ang mga nakatirang katutubo. Ang doktrinang ito na binasbasan ng Papal Bull ng Vatican noong 1452 — sa tinawag na Doctrine of Discovery, o ang nagbigay ng atas sa mga kaharian ng Yuropeo na “sakupin, at angkinin ang lahat ng ari-arian ng mga pagano at di-Kristiyano.” Sa literatura ng kolonyalismo, ang mga nilalang na kanilang natagpuan sa maraming teritoryo sa silangan ay mga “di-sibilisadong ganid sa kalupitan”. Pero, sa katunayan, ang mga nilalang na ito ang siyang naging biktima ng di-mapapatawad na kalupitan ng mga Yuropeo.

“Lapu Lapu” ni Fernando Amorsolo. Nakadisplay sa looby ng Manila Hotel.

Ang engkuwentro sa Mactan

Ang engkuwentro sa Mactan ay narararapat lang ipagdiwang bilang isang malaking tagumpay na dapat ipagbunyi ng lahat ng Pilipinong nagpapahalaga sa kalayaan. Dahil noong makasaysayang araw ng Abril 27, 1521, si Datu Lapu Lapu ng Mactan at ang kanyang mga mandirigma ay pumaslang ng mananakop na mga Espanyol na pinamumunuan ng Portuges na si Ferdinand Magellan at matagumpay na nagtaboy sa mga dayuhang mananakop. Tantiya ni Dr. Danilo M. Gerona, Pilipinong historyador na nagsaliksik sa mga arkibo sa Espanya, Portugal at Italya, na si Magellan ay may edad nang halos 70 nang mangyari ang makasaysayang labanan sa Mactan. (Gerona, 2016) Batay raw ito sa mga salaysay ng mga tagaroon na nakapanayam ng ilang Europeo, at sa ugali at tradisyon noong panahon.

Bahagi ng mala-alamat na kuwento sa Bisaya na ang Lapu Lapu na naging kilala bilang paboritong isda, ang siyang kumagat kay Magellan hanggang sa ito’y mamatay. Pero walang ebidensiya o nakasaksi na si Lapu Lapu ang siyang pumaslang kay Magellan. Ayaw din ng maraming taga-Bisaya na ipangalang Lapu Lapu ang kilalang isda (grouper fish), at sa katunayan, ang Cebu City ay nagpasa ng ordinansiya na tinatawag nang pugapo ang naturang isda. Pero hindi maikakaila na siya ang lider na namuno sa kanyang mga mandirigma. Sa isang maliit na lugar sa mabakawang dalampasigan ng Brgy. Punta Engano, sa Isla ng Mactan, Cebu ay nakatindig ang rebulto ni Datu Lapu Lapu na hawak ang espadang Kampilan at panangga. Ganito ang nakaukit sa ilalim ng rebulto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Mactan:

“Ang pook na ito ay tanda ng isang tagpo ng labanan noong Abril 27, 1521 sa pagitan ng mga Pilipinong pinamunuan ni Lapu-Lapu laban sa mga Kastilang pinamunuan naman ni Magellan nagwakas sa ganap na pagkapanalo ng mga Pilipino. Si Magellan ay napaslang at mula noon, si Lapu-Lapu ay itinuring na unang Pilipinong nagpaurong sa pananalakay ng mga Yuropeo.”

Itong talambuhay ng ating unang tagapagtanggol ng kalayaan ay isang handog para sa pinunong ito na nagwagi sa mabangis na sagupaan noong Abril 27, 1521. Kamakailan lang, naging opisyal na pambansang kapistahan ang “Lapu Lapu Day” ang araw na ito. Mabuti pa ang ang “Fall of Bataan” o “Bataan Day” (April 9) kung kailan sumuko ang mga sundalong Pilipino at Amerikano sa mga Hapon, ay ilang dekada nang isang pambansang pista opisyal.

Sino ba si Lapu Lapu at ano ang mga nalalaman natin tungkol sa kanyang magiting na pamumuhay at pag-uugali? Ang mga magulang ni Lapu-Lapu ayon sa kuwento ay sinasabing sina Datu Mangal at Matang Matana (Banga). Si Datu Mangal daw ay galing dati sa Borneo. Isa sa mga kapatid niyang babae ay si Malingin o Mingming. Ang lolo ni Lapu Lapu ay si Sri Mohammed. Ang pangalang Mactan ay sinasabing nagmula sa kanyang lola, si Matang Mantaunas, na isang makapangyarihang reyna sa kanyang kapanahunan. Si Lapu Lapu ay isang pinaka-iginagalang na Bagani, isang matandang salita para sa mandirigma na kilala dahil sa kanyang katapangan at kakayahan ng pakikidigma. Sinasabi rin na si Lapu Lapu ay ikinasal sa isang magandang Prinsesa, si Bulakna, na anak ni Datu Sabtano, at nagsilang kay Sawili na lumaking isang matapang na mandirigma gaya ng kanyang ama. Isa mga kapatid ni Lapu Lapu ang naging asawa ni Raha Humabon ng Cebu ganun din ang isa sa kanyang pamangkin. Ayon sa mga umaangking kamag-anak ni Lapu Lapu sa Mactan, nagkaroon ang datu ng tatlong asawa at 11 anak. Itong mga detalyeng ito ay hanggang ngayon, ay pinagtatalunan pa ng mala-alamat na salaysay ukol sa bidang Datu. (Gullas, 2018; Coching, 2009; Estebaya, 1966; Ursal, 2015)

Si Lapu Lapu ay isang di-pangkaraniwang tao na iginagalang na pinuno. Humanga maging ang Portuges na historyador na si Gaspar Correa. Kinapanayam niya ang nakaligtas na mga tauhan ni Magellan. Ayon sa nabuhay na mga saksi, isang hari na nakitungo nang maayos at “nagpapalakas ng loob sa kanyang mga tauhan at walang-takot na nakikidigma sa mga mas makapangyarihang mga tribo” si Lapu Lapu (Correa, 1585).

Gayunman, isa nang makapangyarihang pinuno ng isang alyansa o kompederasyon ng pitong tribo sa isla ng Mactan si Lapu Lapu nang dumating si Magellan para sakupin ang isla para sa korona ng Espana. Ang katanyagan ni Lapu Lapu bilang mandirigma ay kilala na kung kaya’t si Sebastian de Elcano, ang humalili kay Magellan nang ito’y mapatay, ay inilarawan ng ganito si Lapu Lapu:

“Mayroong islang malapit na tinatawag na Manthan (i.e. Mactan), ang hari nito ay higit na iginagalang bilang isang mahusay na lalaki sa sining ng pakikidigma at itinuturing na mas makapangyarihan sa lahat ng kanyang kapitnayon…” (De Oviedo, 1552)

Bagaman may kinikilingan, nagtala at naglarawan ang mga Espanyol na manunulat ng makasaysayang kultura bago dumating ang mga mananakop at sibilisasyon na kanilang napagmasdan sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga naninirahan sa ating mga isla. Si Francisco Alcina, sa kanyang Historia de las Islas y Indios de Bisayas (Alcina, 1668) ay naglarawan na kahit na ang pag-inom ng alak sa komunidad nina Lapu Lapu ay isang seryosong gawain. Aniya, “ Sa pagdating ng mga bagay, maging pampulitikong proyekto, utos mula sa hari o sa kanyang mga opisyales, o kahit anong trabaho at kanilang tinatalakay ang pinaka-mabuti, pinakamabilis at pinaka-madaling paraan upang naihatid ito, at kung sila’y nagkikita ng malungkot at walang kaunting alak upang bigyang buhay ang kanila interes, sila’y nag-uusap muna nang mahinahon. Pero matapos ang inuman, sila na nagmungkahi ay gagawin ito nang may kahusayan at ang mga tumugon nang may malayang pagpapasiya, lahat ng nagpasya na may pagkakapantay-pantay.”

Rebulto ni Lapu Lapu sa Rizal Park, Maynila. Larawan mula kay Roland Simbulan

Mga pangyayaring nagpasimula ng labanan sa Mactan

Pinamunuan ang unang paglalayag ng mga Espanyol sa Pilipinas ng isang manlalayag na Portuges na si Fernao de Magalhaes (pangalang Portuges) o Hernando Magallanes (pangalang Espanyol) o Ferdinand Magellan (na higit nating kilalang mananakop sa mga aklat ng kasaysayan ng Pilipinas) ay dumating sa gitnang bahagi ng Kabisayaan at kumuha ng mga ari-arian, sa pangalan ni Haring Charles I ng Espanya sa Samar, Leyte at Cebu na pinagsama sa iisang pangalang “Isla ni San Lazaro.”

Dala ang bandila ng Espanya, pinararangalan si Magellan ng Kanluraning mga historyador dahil sa kanyang “pagkakatuklas” ng mga grupo ng isla na nang magtagal ay pinangalanang nilang Pilipinas, bilang pagpaparangal sa naging hari ng Espanyang si Felipe 2. Subalit ang mga islang ito’y di na nararapat pang tuklasin. Ito’y matagal nang kilala ng mga tao sa Timog-Silangang Asya libong taon na ang nakalipas. Matagal nang nakikipagkalakalan sa mga komunidad ng ating kapuluan ang mga taga-Siam (Thailand), mga Arabo, Hindu (taga-India) at mga mangangalakal na Tsino, at mas nauna pa kay Magellan at sa kanyang ekspedisyon.

Kung gayon, hindi talaga si Magellan ang naka-diskober ng mga isla ng Pilipinas. Subalit, siya ang nakatuklas ng ruta upang makapaglayag sa buong mundo sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanluran ng Atlantiko, paibaba ng Amerika at patawid sa Pasipiko upang makarating sa Silangan.

Ang mga tunay na natuklasan ni Magellan ay ang “daang patungong India” na nabigong makita ni Columbus. Pinaniniwalaan ni Columbus na ang Amerikang kanyang natagpuan ay ang Indies (India).

Marami sa mga nilalang ng mga islang natagpuan ni Magellan ay wala pang konsepto ng isang nasyon o bansa. Pero mayroon na silang pang-unawa sa konsepto ng balangay (pamayanan) at kung paano nila protektahan at itaguyod ang kanilang kapakanan at ipaglaban ang kanilang interes laban sa iba pang mga interes. Nagpapahiwatig ito ng magkatuwang na proteksiyon at benepisyo ng islang pinaglalaban nina Lapu Lapu at kanyang tauhan laban sa mga mananakop na Espanyol.

Ang mga kasapi ng pamayanan ni Lapu-Lapu sa Mactan ay nabubuklod ng matinding damdamin ng karapatan at pinag-isang wika, batas, seremonya, relihiyon, at mga tradisyunal na ugali. Nang magbanta ang panganib, sila’y humarap nang matatag. Nagtulung-tulong sila para makipaglaban sa pagtatanggol sa kanilang komunidad at paraan ng pamumuhay.

Ang mga taga-Kanluran ay tumutukoy sa Silangang mga pamayanan bilang tribo o tribolismo, lamang sa huli’y umunlad patungo sa nasyonalismo. Ito’y matapos magkaisa ang mga tribo sa iisang malaking grupo o bansa nang mapagtanto nila ang kabutihang dulot ng pagkakaisang pulitikal at ang magulong mga pangyayari sa pagkakawatak-watak at mga tunggalian. Ang Nasyonalismong Pilipino ay nagmula sa maliliit na pamayanang tinatawag na balangay (o barangay). Gayon din ang nasyonalismo ng mga mamamayang Bangsa Moro. Sa pagdating ng mga Espanyol noong ika-16 na siglo, ang kapuluang ito’y pinananahanan ng pamayanang Malay gaya ng pinamunuan ni Lapu Lapu. Pinamumunuan ang bawat balangay ng datu o raha na namamahala ng batas at kanilang mga gawain. Mapaghangad sila sa kalayaan at nakahandang magbuwis ng buhay upang ipaglaban ito kung kinakailangan.

Sa simula ng kanyang pagpunta sa mga isla, si Magellan ay sumuway na sa lokal na batas at tradisyon. Nagkamali rin siya sa pagsangkot at pakikialam sa internal o panloob na kontradiksyon sa pamamagitan ng pagpanig nito sa pangunahing kaaway ni Lapu Lapu, si Humabon ng Isla ng Cebu.

Humingi ng buwis (tribute) si Magellan kay Lapu Lapu bilang pagkilala sa Haring Charles I. Pero tumanggi si Lapu Lapu at nagsabing si Magellan ang dapat magbayad nito. Hiningi rin ni Magellan kay Lapu Lapu na isailalim ang sarili kay Humabon, ang kanyang pangunahing kaaway.

Hindi gaya ni Humabon, may tapang ng loob si Lapu Lapu na tumanggi sa mga kagustuhan ni Magellan na kilalann ang kapangyarihan ng Espanya, tanggapin ang Kristiyanismo at iwanian ang sariling kinagisnang katutubong relihiyon. Hindi niya pinaniniwalaan ang mga pangako ng mga mananakop at kanyang napagtanto ang panganib ng pangtanggap ng iniluluhog na pakikipagkaibigan at proteksyon sa kalayaan at pamumuhay ng mga tao.

Maalalahanin si Lapu Lapu at puno ng pangarap. Hindi man lang siya nasilaw sa mga bago at kaakit-akit na bagay na dala ng mga Yuropea gayundin sa kanilang makikintab na baluti at mga sandata.

Nagulat si Magellan sa hindi pagsunod at pagtanggi ni Lapu Lapu, ang pinuno ng mas maliit na islang Mactan. Inaasahan niyang magiging masunurin din ito gaya ng Raha ng Cebu, na pumayag pang binyagan ang mga asawa’t anak, pati na rin ang mga tagasunod niya. Nangako rin siya ng katapatan sa malayo’t di-kilalang hari ng Espanya at maghandog pati ng regalo para rito. Mula nang dumating ang mga Espanyol sa Cebu, lumalaki ang kanilang mga mata tuwing nakikita nila ang maraming gintong kasinglaki ng mga walnut at itlog na nasa kamay ng mga katutubo.

Batid ang paghamon ni Lapu Lapu, inutusan ni Magellan ang sangay ng mga mandaragat sa ilalim ng pamumuno ni Konstable Gonzalo Gomez de Espinosa na magtungo sa Mactan. Sa pagdating nila sa lugar, ang ikinilos nila ay parang hayop. Nilusob at ninakawan ang isang komunidad sa Mactan at bago umalis ay sinunog ang lahat ng mga madaanang tahanan. Dalawang beses ang pagreyd ng mga Espanyol sa Mactan bago Abril 27, 1521. (Mojares, 2018)

Matapos ang malupit na kaparusahan, nagdemanda pa si Magellan kay Lapu Lapu ng sapilitang buwis na binubuo ng may tiyak na bilang ng mga baboy, kambing, manok, buko at malaking bulto ng bigas. Si Lapu Lapu, sa katunaya’y nag-alok lang ng 2/3 na bayad ng kabuuang bilang na hinihingi. Tinanggihan ni Magellan ang kanyang alok.

Nag-anunsiyo si Magellan sa kanyang tauhan ukol sa pamumuno nito sa isang ekspedisyon upang parusahan at bigyang leksiyon si Lapu Lapu. Nagtaka ang lahat nang marinig ito. Tumanggi sa kanyang pasya ang lahat ng nasasakupan ni Kapitan Juan Serrano, maging ang kanyang pinsan. Mahigpit nilang sinabi na labag sa kolonyal na patakaran ng Espanya ang makialam sa lokal na pulitika at pinaalala rin nila kay Magellan na ang mismong opisyal na direktiba sa kanila ng Hari ng Espanya ay ang makita ang daang pakanluran sa Spice Island o ang Molukas at magdala ng panrekado sa Espanya; at hindi upang manakop at baguhin ang mga pagano tungo sa Kristiyanismo. Pinakiusapan nila si Magellan na lumayo’t iwan na lamang ang Cebu at magtungo sa Ternate.

Matigas ang ulo ni Magellan. Paulit-ulit niyang pinagpasiyahang parusahan si Lapu Lapu at mamuno ng isang operasyon laban dito. Sa bandang huli, kinuha ng kanyang mga tauhan ang kanyang atensiyon para alamin ang utos ng hari, na ang Kapitan Heneral o Kumander ay kinakailangang maiwan kasama ang mga hukbong pandagat at hindi itaya ang buhay sa mga lupain. Nag-isip si Magellan pagkarinig nito at animo’y nakumbinsi. Pero nang marinig niya ang isang tao — na marail ay si Sebastian del Cano na nagsasabing sa kanyang edad, ang isang lalaki ay ‘di dapat sumali sa mga labanang kamay sa kamay, na nagpapahiwatig na siya’y matanda na at laos na. Labis na nag-alala si Magellan. Dito nasaktan ang kanyang amour propre.

Muling nanawagan si Magellan ng may pagtatapos ang kanyang gagawing plano at hindi niya pipilitin ang sinuman sa kanila na makilahok sa ekspedisyon. Isasama lang daw niya ang mga nais magboluntaryo, dagdag pa rito ang krus ni Kristo at ang tulong ng kanyang Patron, ang Birhen ng Tagumpay. Ayon sa kanya, magtatagumpay niya sa labanan bilang sundalo ni Kristo.

Nangagsipagtaka ang mga tauhan ni Magellan. Inakala nilang nawawala sa katinuan ang kanilang Kapitan Heneral. O kaya’y nakulam na. Hindi na siya kinakitaan ng interes na magkarga ng mahahalagang gamit sa kanyang sasakyang pandagat. Ngayon, mas naging mahalaga sa kaniya ang paglligtas ng mga kaluluwa.

Ang Raha ng Cebu na si Humabon, na may sama ng loob sa pinuno ng Mactan, na nag-udyok kay Magellan laban kay Lapu Lapu, ay nagdesisyon na manatili na lang sa malayong parte ng Mactan. Nakamasid si Humabon sa malayo para makita kung paano lumaban ang mga Espanyol at bigyan ng leksiyon si Lapu Lapu.

Estatwa ni Antonio Figafetta sa Plaza Independencia sa Cebu City. Wikimedia Commons

Ang tagumpay sa Mactan

Binubuo ng 60 tauhang grupo ang paglalayag nina Magellan sa Mactan: mga tagapamahala ng barko, mga sundalo, mga marino, kasama si Enrique, ang kanyang matapat na aliping Malay na tagasalin, si Pigafetta at ilan pang iba. Armado ang mga Espanyol ng kanilang mga espada, sibat na bakal, panang krosbow, “harquebus”(musket na baril), armor sa katawan at kanyon na nakalayag sa kanilang mga barko.

Sumama sa paglalakbay bilang tagamasid ang Raha ng Cebu na si Humabon. Nasa corselets at may dalang espada, sibat, harquebuse, at crossbows ang mga tauhan naman ni Magellan. Lulan ng tatlong maliliit na barko, dumaong sila nang hatinggabi sa Mactan. Bago sila umatake, pinadala ni Magellan sa pampang ang isa sa kanyang mga tauhan na si Cristobal el Moro para sabihin kay Lapu Lapu ang alok na pakikipagkaibigan ni Magellan sa pamamagitan ng pagpapasakop sa hari ng Espanya, pagpapasailalim sa Kristiyanong Raha ng Cebu na sa Humabon at pagbabayad ng buwis. Kung tatanggi sila, pagmamalaki pa ni Magellan, makikita niya kung paano sumugat ng isang mortal ang sibat ng mga Espanyol. (Pigafetta, 1525)

Sumagot si Lapu-Lapu sa mensaheng ito ni Magellan. Sabi niya, kung may mga sibat at lanseta ang mga Espanyol, mayroon ding kawayang sibat at tulos ng kahoy na pinainit sa apoy ang kanyang mga tauhan.

Sa pagpapakita ni Lapu Lapu ng di-pagkatakot, muli sanang nakikipagkita si Humabon ng Cebu sa mga sundalong ESpanyol at kay Magellan. Pero tumanggi pa rin ang huli. Hindi makadaong ang bapor sa pampang dahil sa kababawan ng tubig at mga nagkalat na koral. Ang mga Espanyol, dala ang kanilang mabibigat na baluti at mga sandata ay kinakailangan upang maglunoy sa pampang. Sinalubong sila ng humigit-kumulang 1,500 mandirigma ni Lapu Lapu na nahahati sa tatlong grupo na gumagawa ng pambihirang ingay sa pamamagitan ng digmaang-sigaw (war cry). Pinasabugan at pinaputukan sila ng mga mananakop sa loob ng kalahating oras subalit, ito’y nagdulot lamang ng maliit na pinsala dahil sa kahirapan sa malayong distansiya nila mula sa mga mandirigma ng Mactan. Ito ay dahil mababa ang tubig o “low tide”.

Armado ang mga mandirigma ni Lapu Lapu ng mahahabang sibat na kahoy (bangkaw o tumbak), bato para tirahin ang ulo ng mga naka-bakal na helmet, espadang Kampilan at kahoy na kalasag bilang panangga. Pero pangunahing sandata nila ang walang-takot na paninindigan na idepensa ang kanilang komunidad laban sa mga dayuhan.

Mas tumapang pa at nangangsipaghagis ng mga pana, sibat at bato ang mga mandirigma ni Lapu Lapu nang makita nila ang di-epektibong mga armas ng mga Espanyol dahil sa 200-300 metrong kalayuan nila. Sa pagnanais naman na paghiwa-hiwalayin at lituhin ang mga mandirigma ng isla, iniutos ni Magellan sa kanyang mga tauhan na sunugin ang kalapit-nayon. Tinupok ng apoy ang ilang bahay na lalong ikinagalit ng mga mandirigma ng Mactan, at dali-dali namang pinuntahan ng iba ang kinaroroonan ng mga Espanyol at pinatay ang dalawa rito. Napuna rin nilang ang mga binti ng sundalong Espanyol ay di-napoprotektahan ng baluti. Dagling iniumang ng mga taga-isla ang kanilang mga pana sa mga binti at ang binti ni Magellan ang isa sa mga tinamaan ng mga palasong may lason. Napag-alaman ni Magellan na nanganganib ang kanyang mga tauhan nang malipol. Iniutos niyang umatras sila at marami naman ang hindi nagdalawang-isip na sumunod. Naiwan ang anim o walong kalalakihan, kasama ang sugatang Kapitan Heneral. Kahit pa sugatan si Magellan, tinuloy pa rin niya ang pakikipaglaban para gawing abala ang mga kaaway habang tumatakas ang kanyang mga tauhan patungo sa ligtas na lugar.

Habang umaatras at lito si Magellan, isang mandirigma ang nakalapit upang saksakin ang mukha ng Kapitan Heneral ng kawayang sibat. Nakipagbuno si Magellan sa kanyang katunggali nang muling tamaan sa braso ng sibat. Pero habang binubunot niya ang kanyang espada, isa naman ang sumaksak sa kanyang braso. Dali-daling nagtakbuhan ang iba pang katutubong mandirigma patungo sa kanya at tinaga pa ang kanyang kaliwang binti na naging dahilan ng kanyang pagkakahandusay na nakababa ang mukha. Pagkakita sa bangkay ni Magellan, umatras sa kanilang barko na nagsisimula nang magsialisan ang natitirang mga Espanyol na may sugat. (Pigafetta, 1525; Transylvanus, 1522)

Umabot lang nang ilang oras ang buong labanan sa Mactan. Batay ito sa bilang ng mga namatay at nasugatan. Sa panig nila Magellan, 12 patay (8 Europeong sundalo) at 4 na Cebuanong pinadala ni Raha Humabon. Doble rito ang mga sugatang umatras, at mayroon ding sugatang nabihag. Sa panig naman nila Lapu Lapu, 15 ang tinatantiyang napatay. (Gerona, 2016)

Noong Abril 27, 1521, lumaban si Lapu Lapu at ang kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng katutubong mga sandata, at nag-ani ng makasaysayang tagumpay. Ito’y isang mahusay na pruweba ng kanilang katapangan at kakayahan sa pakikidigma. Bukod sa aspektong militar, hindi maabot ang kahalagahanang mga nagawa ni LapuLapu. Mula sa pulitikal na pananaw, siya’y isang kampeon ng karapatang pantao — ang karapatang itaboy ang pananakop, ang ipagtanggol ang kanilang bayan at paraan ng pamumuhay, ang karapatang mabuhay nang walang nakikialam o naghahari mula sa labas. Ipinakita ni Lapu Lapu sa pamamagitan ng mga halimbawa ang kahalagahan ng karapatang pantao at ang isakripisyo ang kanyang buhay kung kinakailangan. Itinaguyod niya ang naging diwa at tradisyong mapagpalaya na inilipat mula sa kanyang henerasyon at naging inspirasyon sa mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Mula sa panahong yaon, maraming kalalakihan at kababaihan sa ating mga isla at kapuluan ang nag-alay ng buhay para sa kalayaan. Marahil, unang bayani ng ating bayan si Lapu Lapu. Siya ang ating unang mamamayang makabansa. Marami ring inaning tagumpay na ganito ang mga mamamayang Bangsa Moro sa Mindanao laban sa Espanyol na mga pananakop sa Mindanao.

Detalye ng “Pacto de Sangre” (Blood Compact) ni Juan Luna noong 1886, na nagpapakita ng pakikipagkasunduan nina Rajah Sicatuna ng Bohol at Miguel Lopez de Legazpi noong 1565, o 44 taon matapos madaig ni Lapu Lapu si Magellan sa Mactan. Mula sa National Historical Commission of the Philippines

Ang naging mga bunga

Naging tanyag sa lahat ang bunga ng tagumpay sa Mactan dahil sa mga paliwanag ni Pigafetta at iba pang saksi. Mahalaga ito dahil ipinapahiwatig nito ang matatag at matibay na pag-uugali ni Lapu Lapu. Isinulat ni Pigafetta ang mga nangyari kay Magellan matapos itong maiwasan sa pampang ng Mactan:

“Sa hapon, ang Kristiyanong hari (Humabon) ay nagpadala ng mensahe ng may pahintulot sa mga tao na kung ibibigay sa kanila ang Kapitan at ang ibang napatay na kalalakihan ay bibigyan namin sila ang anumang bagay na kanilang hihilingin. Sumagot sila na hindi nila ibibigay ang ganoong uri ng tao, gaya ng iniisip nila. Hindi nila ito ibibigay kapalit ng lahat ng yaman sa mundo, bagkus itatago nila ito bilang alaala at tropeo ng kanilang tagumpay.” (Pigafetta,1525)

Hindi masusuhulan ng anumang materyal na kayamanan si Lapu Lapu. Tinanggihan niyang ibigay ang bangkay ni Magellan kapalit ang lahat ng kayamanan sa mundo. Ang karangalan ng isang tao ang higit na mahalaga para sa kanya, na pinaniniwalaan ng mga mananalaysay na binubuo ng tradisyon ng mga taga-Silangang Mindanao at pinunong mandirigma ng Bisaya, ang pagtatago ng bangkay ng mandirigmang kaaway. Para sa mga baganis o mga uring mandirigma ng Bisaya noong panahong yaon, ang tradisyong ito’y isang mahalagang ritwal matapos ang isang labanan o pagtatalo.

Ipinakita ni Lapu Lapu sa mga dayuhang mananakop na hindi siya masusuhulan o mabubulag sa materyal na kayamanan. Ito ang kanyang dahilan ng pagiging mahusay at kagalang-galang na mandirigmang nagpapahalaga sa karangalan at kalayaan higit sa lahat ng kayamanan sa mundo. Ang tagumpay at kabayanihan ni Lapu Lapu sa labanan sa Mactan ang nagpaantala sa pananakop ng Espanya sa kapuluan ng Pilipinas sa loob ng 44 taon. Noon lang 1565 mula na namang dumating ang conquistador ng Espanya na si Miguel Lopez de Legazpi at nagtayo ng unang kuta sa ating mga isla. (Agoncillo, 1965) Mayaman din sa datos ang mga sinulat ng Tausug iskolar na si Dr. Samuel K. Tan na naglalathala sa matagumpay na pakikilaban ng mga Muslim sa Mindanao sa buong panahon ng 300 daang kolonyalismo sa Pilipinas. (Tan, 2011)

Pinta ni Manuel Panares, pintor sa Cebu, na nasa Lapu Lapu Shrine sa Lapu Lapu City, Mactan. Larawan mula kay Roland Simbulan

Hindi sapat ang marker, rebulto o pista opisyal

Bagaman sa ating bansa ngayon, dahil sa ating pagdiriwang ng ika-500 daang anibersaryo ng Battle of Mactan, lalo nating nakikilala ang kabayanihan ni Lapu Lapu at ang tagumpay sa Mactan. Pambansang kapistahan na ang Abril 27. Idineklara na ngayon ng Republic Act No. 11040 bilang “Lapu Lapu Day” sa buong bansa kung saan ito isang “Special Working Holiday” pero isang “special non-working holiday” sa Lapu Lapu City sa isla ng Mactan. Ang batas na ito’y nilagdaan noong July 3, 2018. Bukod dito, mula noong 2017, iginagawad ng Pangulo ng Pilipinas ang “Order of Lapu Lapu” sa indibidwal na nasa pampubliko o pribadong sektor na nagpakita ng kahanga-hangang kagitingan sa kanilang buhay.

Ang pangunahing bantayog kay Datu Lapu Lapu at ng “Battle of Mactan” ang “Lapu Lapu Shrine”, isang 66 talampakan (o 20 metrong) bakal na rebulto ang nakatayo kaharap sa dagat sa Punta Engano, Lapu Lapu City (dating bayang Opon), Mactan. Sa Rizal Park (Luneta) sa Maynila naman, itinayo ang isang 40 talampakan tansong rebulto ni Lapu Lapu na nakaharap sa Manila Bay, na pinangalang “Rebulto ng Bantay sa Kalayaan” (The Statue of the Sentinel of Freedom). Opisyal na nga ang karapat-dapat na parangalan kay Lapu Lapu bilang ating unang tagapagtanggol ng kasarinlan at kalayaan sa ating mga kapuluan na ngayo’y isang bansa.

Higit sa lahat, kinakailangang isabuhay at isapraktika ang diwa ni Lapu Lapu at ang “Battle of Mactan”. Tulad ni Lapu Lapu, mahalin natin ang ating bayan, ang ating mga dalampasigan, tahanan at pinakaiingatang yaman. Hindi tayo dapat pumayag na angkinin o sakupin ito ng ibang bansa. Hindi tayo dapat papayag na masuhulan o matakot sa mga nangangamkam o umaangkin sa ating teritoryo at yaman. Ipakita ito sa ating pagtatanggol sa ating pambansang soberanya sa kasalukuyang panahon pag ito ay tinatapakan na parang basahan ng mga dayuhang Amerikano o Tsino. Itaguyod ito sa ating patuloy na laban para sa abrogasyon ng mga di-pantay na mga Tratado katulad ng Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na di nagrerespeto sa ating karapatan at soberanya. Isulong ang diwa ni Lapu Lapu laban sa puwersahang pag-angkin at reklamasyon ng Tsina sa ating mga isla at karagatan at pag-agaw ng hanapbuhay ang ating sariling mga mangingisda. Sa ganitong paraan lang natin tunay na itataguyod ang diwa ng ating kinikilalang unang pambansang bayani.


BIBLIOGRAPIYA:
Agoncillo, Teodoro A.(1965), “Magellan and Lapu-Lapu”, Fookien Times Yearbook, p. 634.
Alcina, Francisco (1668) Historia de las Islas e Indios de Bisayas.
Coching, Francisco V. (2009)Lapu Lapu. Atlas Publishing Co., 120pp.
Correa, Gaspar.(1575) Lendas de India Vol. 2, p. 630.
De Oviedo, Gonzalo Y Valdez (1552). Segunda Parte de la Natural y General Historia de las Indias. Yslas y Tierra Forme de Mar Oceano, Villadolid. fol. Viii. verso.
Estebaya D. M.(1966), 445 Years of Lapu-Lapu. Weekly Nation 1:26-27. April, 1966.
Gloria, Heidi K. (1973)“The Legend of Lapu Lapu: An Interpretation”. Philippine Quarterly of Culture and Society. Vol. 1, No. 3, Sept. 1973. pp. 200-2008. Published by the University of San Carlos.
Gerona, Danilo Madrid.(2016) Ferdinand Magellan: The Armada de Maluco and the European Discovery of the Philippines. Manila: Spanish Galleon Publishers.
Gullas, Vicente.(2018) Lapu Lapu, The Conqueror of Magellan: A Novel. Isinalin sa Ingles mula Cebuano ni Erlinda Kintanar-Alburo. Cebu: University of San Carlos Press, 2018. Ang orihinal na nobela sa Cebuano ni V. Gullas ay pinamagatang “Lapu Lapu, Ang Nakabuntog Kang Magellan” (1938).
Mojares, Resil.(2018) “A Critical Introduction” to Lapu Lapu, The Conqueror of Magellan :A Novel (2018) na sinulat ni V. Gullas noong 1938 sa Cebuano at isinalin sa Ingles ni Erlinda Kintanar-Alburo.
Ocampo, Ambeth R.(2018) “Lapu Lapu, National Hero”. Philippine Daily Inquirer. April 25, 2018.
Tan, Samuel K. (2011) The Muslim South ad Beyond. Quezon City: University of the Philippines Press.
Transylvanus, Maximilianus(1522) “De Molvccis Insulis, 1522” (Blair and Robertson, 305-337). Batay sa mga interbyu na ginawa ni Transylvanus sa mga natirang marino ng ekspedisyon ni Magellan-Elcano na nakauwi sa Espanya at Portugal.
Pigafetta, Antonio(1525) Magellan’s Voyage Around the World. Isinalin ni James A. Robertson: Primo Viaje en Torno al Globo Terraqueo. (mula sa orihinal na Italian, “Primo Viaggio Intorno al Mondo, 1525). Corredato di Notte de Carlo Amoteti, Milano, 1800. (in Blair and Robertson, 33, 26-267)
Ursal, Sofronio B.(2015) The Bisayan (A Novel) Quezon City: Good Governance Books.