Ipagbunyi si Lapu Lapu, kilalanin si Larry Itliong

Mula sa unang mga bayaning lumaban sa mananakop na mga dayuhan hanggang sa mga bayaning migranteng Pilipino, kailangang mas ipakilala sila sa kabataan ngayon.

Sa panahong salat ang kabataan sa edukasyon, may pandemya man o wala, marapat lang na ipagdiwang ang mga kabayanihan ng maraming Pilipino sa kasaysayan. Salat sila sa role model ng pagmamahal sa bayan at katapangan para ipaglaban ang tama at kapakanan ng marami sa kabila ng matinding kalaban. 

Nitong nakaraang buwan, nagbalik-tanaw tayo sa kabayanihan nina Lapu Lapu na unang nagtaboy sa dayuhang mga mananakop. Pero nanguna pa ang rehimeng Duterte, lalo na ang Pangulo mismo, kasama si Sen. Bong Go at ang artistang tagasuporta nilang si Robin Padilla, sa pagbibigay ng maling impormasyon na mula sa lahing Tausug daw si Lapu Lapu — kahit walang istorikal na ebidensiyang nagmula siya sa lahing iyun na pinamumunuan noong Sultanato ng Sulu sa Mindanao. 

Ez Mil, kinastigo sa social media sa pagkakamali sa lyrics hinggil sa pagkamatay ni Lapu Lapu

Wala nang mas matibay na ebidensiya ng kabiguan ng edukasyon na ituro ang buhay ng mga bayaning Pilipino kundi ang kapalpakan ng Tweet ni Cavite Vice Gov. Jolo Revilla noong Abril 27, sa ika-500 anibersaryo ng Battle of Mactan. Noong araw na iyon, nagpaskil ng Tweet si Revilla na pagpupugay sa “isa sa mga unang bayani ng Pilipinas” na si Ferdinand Magellan — ang mismong dayuhang mananakop na pinatay ni (o mga kawal ni) Lapu Lapu sa Mactan.

May nauna nang katulad na ebidensiya. Noong Pebrero, pinag-usapan sa social media ang lyrics sa kanta ng rapper na si Ez Mil na nagsasabing napugutan daw ng ulo si Lapu Lapu. Wala ring ebidensiya na napugutan ng ulo si Lapu Lapu, lalo nang hindi siya nasawi o napugutan ng ulo sa pakikipaglaban kay Magellan.

Sa mga migranteng Pilipino sa Amerika, may kahalintulad na penomenon ito. Marami sa naunang mga migranteng Pilipinong manggagawa, gumawa ng kabayanihan sa Amerika. Kabilang na rito ang makabayang manunulat at migranteng manggagawa na si Carlos Bulosan. Halos kaedad naman ni Bulosan ang kapwa manggagawa sa mga plantasyon sa California na si Larry Itliong. Noong 1965, bilang lider-manggagawa at unyon-lider ng mga manggagawang bukid sa mga taniman ng ubas sa Delano, California, pinangunahan ni Itliong ang walkout at welga. Giit nila ang pagtaas ng sahod ng abang mga manggagawang bukid na pawang mga Pilipino, pero gayundin ang iba pang manggagawang bukid tulad ng mga galing Mexico at iba pang bansang Latino.

Isa sa pinakatanyag na paglaban ng mga manggagawa sa kasaysayan ng Estados Unidos ang tinaguriang Delano grape strikes ng 1965. Pinamunuan niya ang United Farm Workers, at kasama ang tanyag na mga Mehikano-Amerikanong lider-unyonista na sina Cesar Chavez, Dolores Huerta, atbp. 

Pero sa pagtagal ng panahon, mas nakilala sina Chavez bilang makasaysayang lider ng naturang welga. Pansin ng maraming Pilipino-Amerikano, madalas na hindi nababanggit si Itliong bilang kasangga ni Chavez na lider ng welga. Kung kaya, hanggang ngayon, patuloy na ikinakampanya ng mga grupong Pilipino-Amerikano sa California at sa buong US ang paglagay kay Itliong at iba pang kasamahang Pilipinong unyonista sa mga libro ng kasaysayan ng naturang bansa.

Kahit sa Pilipinas, kailangang kilalanin din ang kabayanihan ng mga migranteng Pilipino, na natulak sa ibang bansa dahil sa karalitaan dito, pero nagpamalas ng pagmamahal sa mga kapwa Pilipino, at kapwa api, at nanguna para igiit ang kanilang mga karapatan kahit nasa ibang bansa. Kahit sa mga libro ng kasaysayan sa Pilipinas, madalang mabanggit ang kabayanihan ng mga migranteng Pilipino katulad nina Bulosan at Itliong.

Kamakailan, isang sikat na Pilipino-Amerikanong YouTuber na si AJ Rafael ang gumawa ng kanta na nagpapakilala sa kabayanihan ni Itliong. Mainam na mapanood natin ito sa YouTube, at palaganapin. Gamit ang makakaaliw na tono at rap, naging mahusay na introduksiyon ang kantang “Our Friend, Larry Itliong” sa kahalagahan ng paglaban ni Itliong. 

Magandang halimbawa ang kanta ng paggamit sa sining para makaambag sa edukasyon ng mga Pilipino hinggil sa mga bayani ng sambayanang Pilipino — loob o labas man ng lupain ng Pilipinas.