Ligtas bang pumadyak sa lansangan ng Maynila?


Maraming kakulangan ang mga lansangan ng Kamaynilaan para sa mga biker.

Sa pagtama ng pandemya, pagpapatupad ng lockdown at pagtigil ng pasada ng pampublikong sasakyan, kapansin-pansin ang pagdami ng mga mamamayang gumagamit ng bisikleta upang makapasok sa trabaho.

Sa katunayan, bumili rin ako ng bisikleta para magamit sa pagpasok sa opisina noong nakaraang taon dahil sa pagtigil ng biyahe ng mga jeepney at tricycle. Mayroon namang Grab kalaunan ngunit mas pinili ko ang pagbibisikleta dahil na rin sa taas ng pamasahe.

Sa pagbibisikleta ko, napansin kong maraming kakulangan ang mga lansangan ng Kamaynilaan para sa mga biker. Mas may espasyo ang mga kotse. Pati mga humaharurot na motorsiklo na kaagaw sa katiting na espasyong natitira.

Sa kabila ng panganib at kawalan ng bike lane sa mga highway at lansangan ng Kamaynilaan, marami pa rin ang sumusuong sa pagpadyak sa mga kalsada para makapasok sa kanilang mga trabaho.

Kaligtasan sa lansangan

Panganib para sa mga biker ang kawalan ng maayos na bike lane sa mga lansangan at hindi lingid sa kaalaman ng marami kung paano umasta at magmaneho ang maraming motorista. Dagdag pa sa panganib ang mga bako-bako at ‘di maayos na kalsada.

Kung may bike lane man, madalas ding dinadanan ng mga motorsiklo o ginagawang paradahan ng mga sasakyan.

Lumabas sa sarbey ng Institute of Labor Studies (ILS) noong Agosto 2020 na 82 porsiyento ng mga sumagot ang nagsimulang magbisikleta bilang moda ng transportasyon papuntang trabaho.

Ayon din sa parehong sarbey ng ILS, ang kaligtasan sa lansangan habang nagbibisikleta at ‘di maayos na kondisyon ng mga kalsada ang pangunahing hadlang sa maayos na pagbibisikleta.

Protected bike lanes, ngayon na!

Maraming mga grupo ng siklista ang nanawagan sa gobyerno na bigyan sila ng maayos na espasyo sa mga kalsada.

May inilaan naman na P1.3 Bilyon na pondo ang pamahalaan para sa paglalagay ng mga protected bike lane sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao sa ilalim ng Bayanihan 2 Act ngunit nahuhuli ang Kamaynilaan sa pagpapatupad nito.

May mga lokal na pamahalaan namang tumugon sa panawagan ng mga grupo ng siklista kagaya ng mga lungsod ng Maynila, Makati, Pasig, Marikina, San Juan at Quezon ngunit hindi pa rin maisaayos ang proyektong protected bike lane sa mga pangunahing lansangan kagaya ng EDSA na bumabaybay sa anim na lungsod mula Pasay hanggang Caloocan.

Dahil sa mabagal na pag-usad ng proyekto, hinihingi ngayon ng mga grupo ng siklista sa Kamara, partikular sa Committee on Transportation, na dinggin ang kanilang saloobin sa usapin ng agarang paglalagay ng protected bike lane sa mga pangunahing kalsada sa Kamaynilaan upang masigurado ang ligtas na pagbibisikleta.

Espasyo para sa lahat

Mas binibigyan ng prayoridad ng mga kalsada sa Pilipinas ang mga kotse at sasakyan at madalas hindi isinasaalang- alang ang kaligtasan ng mga siklista at pedestrian.

Ngayong panahon ng pandemya, unti-unting nagbabago ang paraan ng

maraming mamamayan upang maibsan ang kakulangan ng pampublikong transportasyon.

Ang mga manggagawa at kawani na kinakailangan pa ring pumasok sa trabaho at maghanapbuhay ay nakakita ng alternatibong paraan sa pagbibisikleta at kailangang tugunan ng pamahalaan ang pagbabago sa moda ng transportasyon na ginagamit.

Hindi lamang kakulangan ng bike lane ang problema. Kasama din sa dapat pagtuunan ng pansin ang mga batas trapiko na kailangang baguhin bilang tugon sa paglalagay ng mga bike lane at ang pagbabago sa pag-uugali ng mga motorista.

Maraming mga panukala ang inilatag ng mga iba’t ibang urban planner at grupo kung paano magkakaroon ng espasyo sa lansangan ang mga pedestrian, bisikleta, motorsiklo, pribadong sasakyan at pampublikong sasakyan.

Pagkakataon ito para baguhin ang nakasanayang paghahari ng mga motorista sa espasyong dapat ay nagsisilbi sa pangangailangan ng mamamayan.

Angmaagapatmaayosnapagpapatupad ng mga bagong regulasyon sa lansangan ay dapat agarang maisakatuparan nang hindi napag-iiwanan ang mamamayan na siyang araw-araw na sumusuong sa mga lansangan.