‘Rehimeng Duterte, dapat managot sa pagpanaw ni Joseph Canlas’


Sadya umanong pinahirapan sa kulungan ang lider-magsasaka kaya nahawa sa Covid-19, lalo pa’t may diabetes at hypertension ito.

Si Joseph Canlas, matapos maaresto noong Marso 20. Kontribusyon

Kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang diumano’y pananagutan ng rehimeng Duterte sa pagpanaw ng detinidong lider-magsasaka ng Gitnang Luzon na si Joseph Canlas, 59.

Pumanaw si Canlas umaga ng Mayo 11, pinaghihinalaang dahil sa Covid-19. Ayon sa KMP, malamang na nakuha niya ito mula sa kanyang pagkakakulong. Itinakbo siya sa Jose B. Lingad Memorial Hospital gabi ng Mayo 8 dahil sa kahirapan sa paghinga at iba pang sintomas ng Covid-19.

“Pinatay ng brutal na pasismo si Canlas, na nahawa ng Covid-19 habang nakakulong at nasa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tahasang pinabayaan ang kondisyong pangkalusugan ni Canlas, at ang di-patas na pagkakakulong niya ang naging sanhi ng paglugmok ng kanyang kalusugan,” ani Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

May pananagutan din umano ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-Elcac, gayundin si Angeles City RTC Executive Judge Ma. Angelica T. Paras-Quiambao na naglabas ng search warrant laban kay Canlasat PNP-CIDG na nagsagawa ng umano’y ilegal na pag-aresto kay Canlas noong Marso 30.

Sa kanyang pagpanaw, nabiyuda si Mercy Canlas, at nawalan ng ama ang dalawa niyang anak na sina Jenelle at Joseph Jr.

“Gagawin nating indignation at protesta ang ating pagdadalamhati laban sa gobyernong pumapatay ng mamamayan,”pagtatapos ng pahayag ng KMP. Darius Galang