‘Golden years’? Ganito napinsala ni Marcos ang ekonomiya


Salin ng “Golden years? The real long-lasting economic damage wrought by Marcos” ng Ibon Foundation

Kilala sa buong mundo ang administrasyon ni Ferdinand Marcos sa korupsiyon at kronyismo. Pero hindi ito sapat na paliwanag para sa noon ay pinakamalalang pagdausdos ng ekonomiya sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa tindi ng pagbagsak, dama pa rin sa bansa ang epekto nito dekada matapos ang diktadurya.

Lumitaw ang krisis pang-ekonomiya noong dulo na ng rehimen ni Marcos, matapos ang pagpapatupad ng neoliberal na mga polisiya sa ilalim ng batas militar, paghakot ng sangkatutak na utang mula sa mga tagapautang, at krisis pampulitika.

Ipinagpatuloy naman ng sumunod na mga administrasyon ang mapaminsalang mga reporma para sa “malayang merkado” (free market). Ginamit ang batas militar hindi lang para mapanatili ni Marcos ang kanyang kapangyarihan, kundi para sa neoliberal na paghulma sa ekonomiya.

Ano nga ba ang dahilan sa ilang dekadang kaunlaran na ninakaw sa bansa, at bakit patuloy tayong atrasado sa rehiyon?

1. Sa ilalim ni Marcos, nagsimula tumanggap ang Pilipinas ng structural adjustment loans (SAL) ng World Bank. Tayo ang naging kauna-unahang bansa sa Asya at pangalawa sa buong mundo sunod sa Turkey. Dahil dito, tuluyang humina at nawalan ng proteksiyon ang mga lokal na industriya. Umasa lalo ang ekonomiya sa mga import.

May kapalit ang paggamit ng SAL: Noong 1979, kapalit ng utang na US$ 200 Milyon, kailangan ibaba ng Pilipinas ang taripa, tanggalin ang mga import license, tanggalin ang restriksiyon sa dami ng inaangkat, ibaba ang local protections, at tangkilikin lalo ang export para “paunlarin” ang ekonomiya. Ganito rin ang mga kondisyon para sa utang na US$ 302-M noong 1984.

Nang tanggalin ng rehimen ni Marcos ang proteksiyon ng taripa, lalong umasa sa import ang bansa. Binawasan ang taripa mula 0-100 porsiyento, naging 0-50 porsiyento ng inaangkat na produkto.

Napinsala nito ang anumang lokal na industriya sa 14 na sektor: food processing, textile and garments, leather and leather products, pulp and paper, cement, iron and steel, at automotives.

2. Agresibo ang pag-papasok ni Marcos sa dayuhang pangangamkam sa yaman ng Pilipinas.

Binuo ng administrasyon ni Marcos ang service contract scheme na lumabag sa Konstitusyonal na restriksiyon para sa dayuhang pagproseso ng petrolyo at gas sa bansa. Nauwi ito sa buong paglipat ng reserba ng langis sa Malampaya sa dayuhang mga kompanya ng oil at gas na Royal Dutch Shell at Chevron.

Binigyan rin ni Marcos ng higit na pakinabang at oportunidad ang dayuhang kapital nang lagdaan niya ang ilang batas para sa investment at insentibo ng dayuhang mga mammumuhunan. Ang sinimulan niyang mga export processing zone (EPZ) ang naging hudyat sa daan-daang special economic zones (SEZ) sa bansa ngayon.

3. Bumaba ang suweldo (real wages) sa pagitan ng 1970 at 1975. Tumaas lang ito pagkatapos ng 1986.

Bumaba ang nakukuhang suweldo ng nasa sektor ng agrikultura. Ayon sa Martial Law Museum, mula P34 noong 1965, dumausdos ito sa P29 pagdating ng 1986, kung itatapat sa presyo ng 2018.

Sa mga trabahong mababa na nga ang pasuweldo, mula P84 naging P23 na lang ito at ang trabahong may espesyalisasyon mula P113 naging P35 sa parehong panahon. Mababang pasahod ang isa sa mga bitbit na prinsipyo ng neoliberalismo.

4. Ginawang institusyon ni Marcos ang export ng murang lakas-paggawa (cheap labor).

Ang Presidential Decree 442 o 1974 Labor Code ni Marcos ang nagpasimula sa recruitment at placement program para magpadala ng mga manggagawang Pilipino sa abroad.

Yung mga hakbang noon, pamilyar pa rin sa atin ngayon: kaliwa’t kanang pampubliko at pribadong mga recruitment office, pagtatag ng pondo para sa insurance at pag-agapay sa overseas Filipino workers (OFWs), at pagpapaunlad ng mga iskema para sa remittance. Laksa-laksang OFW ang tumuloy sa Middle East o naging mga seaman.

5. Para mabayaran ang mga utang sa dayuhan, ginamit ang International Monetary Fund-enforced fiscal austerity o matinding pagtitipid ng gastusing gobyerno. Bumaba ang halaga ng piso at nagtaasan ang presyo ng bilihin.

Lumobo ang utang ng Pilipinas mula US$ 599-M noong 1965 papuntang US$ 28.3 Bilyon noong 1986 para pondohan ang “Ginintuang Yugto ng Imprastruktura” ni Marcos at ang limpak-limpak na kickback na kasama dito. Bumaba rin ang halaga ng piso katapat ng dolyar, mula P3.91 noong 1965, naging P19.03 noong 1985. Sa pagitan ng 1975 hanggang 1986, lumobo ang presyo ng mga bilihin nang 358 porsiyento.

Dahil sa korupsiyon at kronyismo, hindi humusay ang mga industriya at sektor. Naubos ang pondo ng gobyerno sa bayad-utang. Hanggang ngayon, makikita ang epekto ng krisis na ito sa mga sektor ng produksiyon sa bansa.

Bukas-palad pinahiraman ng IMF-World Bank (na dominado ng US) at iba pang transnasyonal na bangko ang diktadurya kahit pa malinaw na napupunta lang ang pondo sa mga Marcos, sa kanyang mga alipores, at sa malawakang pangungurakot. Alam nilang kailangan pa rin bayaran nang buo ang utang, na tinugunan noon ng gobyerno ni Corazon Aquino, kaya sinuportahan lang nila ang pamiminsala ng rehimen ni Marcos sa ekonomiya ng bansa.

Walang kontradiksiyon sa pagitan ng neoliberalismo at kroni kapitalismo.

Ang raw materials, cheap labor, at investment outlets para sa monopoly capitalism, nanggaling sa mga monopolyong binuo ni Marcos para sa mga Cojuangco, Benedictor, Floirendo, Tan, Enrile, Alcantara, at iba pa (sa asukal, niyog, saging, tobacco, pagtotroso, pagmimina, telecommunications, banking, konstruksiyon, enerhiya, shipping, vehicle assembly, pharmaceuticals, medical supplies at higit pa).

Binansagang “sick man of Asia” ang Pilipinas pagkatapos ng diktadura ni Marcos, at hindi na ito nakabangon pa dahil sa lumalalang pagtangkilik sa neoliberal na polisiya.


Salin ng “Golden years? The real long-lasting economic damage wrought by Marcos” ng Ibon Foundation


Imahe: “SALVAGED Memories, Salvaged Lives,” ni Randalf Dilla; mula sa agimat.net