Panganib ng reklamasyon sa Dumaguete


‘Pag-unlad’ umano ang Dumaguete Smart City Reclamation project, pero para kanino?

Marami sa Dumaguete City sa Negros Oriental ang tutol sa proyektong Dumaguete Smart City Reclamation Project.

Mula Simbahang Katoliko hanggang mga environmentalist at conversationalist (mga nagkokonserba sa mga sinaunang bilding o istruktura), malawak ang paglaban sa 174-ektaryang pagtambak ng bagong lupa mula sa baybayin ng lungsod para magtayo raw ng “smart city” — o isang bahagi ng lungsod na abante sa teknolohiya at imprastraktura para sa malalaking negosyo na nagkakahalagang P23 Bilyon.

Ang binebenta, siyempre, ng mga nagtutulak ng naturang reklamasyon ay “kaunlaran”. Pero anong klaseng kaunlaran ito?

Baybayin ng Dumaguete na pinaplanong pagtayuan ng reklamasyon. Dumaguete PIO

Panganib sa kalikasan

Tulad ng maraming relokasyon sa buong bansa (kabilang ang sa may Manila Bay), pangunahing “business district” ang magiging moda ng reklamasyon sa Dumaguete.

Naunang nakopo ng lokal na kompanyang EM Cuerpo, Inc., ang kontrata sa lokal na gobyerno ng lungsod para sa relokasyon sa Dumaguete. Pero nakipagkontrata ang naturang kompanya sa isang kompanyang Tsino na nagngangalang Poly Changda Overseas Engineering Co. para maging subcontractor. Ayon sa mga ulat, walang permit ang Poly Changda na mag-opereyt sa Pilipinas.

Ang plano nilang itayo ay isang “mixed-use commercial and residential area”. Katulad ng ibang proyektong reklamasyon, magtatayo rito ng mga mall, condominium, business hubs, sports facilities (kabilang ang isang port para sa mga yate ng mayayaman), at iba pa.

Marami ang problema sa planong ito. Una sa lahat, ani Leon Dulce, pambansang tagapag-ugnay ng grupong maka-kalikasan na Kalikasan- People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE), isang kilalang iskema ang reklamasyon para lumikha ng pagkakakitaang lupa mula sa kawalan. “Walang land speculation sa dagat kaya murang magpatabon ng lupa at semento at saka magtayo ng imprastruktura dito, “ aniya.

Pangamba ng grupo na ang pagtambak ng lupa upang maabot ang 174 ektarya – katumbas ng halos 4,000 basketball courts – ang makasisira sa tirahan ng lagpas 200 uri ng isda. Sa mga isa rin na ito nakasalalay ang hanapbuhay ng mga mangingisda ng Dumaguete. Para sa Kalikasan-PNE, mahalaga ang biodiversity, at ilalaban nila ang proteksiyon ng buhay sa ilalim ng dagat.

Sinusugan ito ni Dr. Rene Abesamis, marine biologist ng SU-Angelo King Center for Research and Environmental Management ng Silliman University sa Dumaguete.

“Malawakang pagkasirang ekolohikal” ang mangyayari sa relokasyon, ani Abesamis. “Di-bababa sa 60 porsiyento ng coral reef ecosystems ng Dumaguete ang masisira… at 65 porsiyento ng seagrass ecosystems.” Di-bababa umano sa 100 ektaryang coral reefs ang apektado.

Apektado nito, siyempre, hindi lang ang marine biodiversity o saribuhay sa dagat kundi pati ang pangingisda sa Dumaguete Bay.

Ayon pa kay Dulce, tinututulan din nila ang reklamasyon dahil nasa peligro ang aabutang yamang dagat ng susunod na salinlahi.

Nakasaad umano sa Konstitusyon at sa Philippine Sustainable Development Goals at ang tinatawag na AmBisyon Natin 2040 ang proteksiyon sa yamang-dagat para sa susunod na mga henerasyon. Sa partikular, proteksiyon para sa apat na marine protected areas (MPAs) sa Bantayan, Lo-oc, Mangnao at Banilad.

Ayon sa grupo, sinisiguro ng mga MPA ang suplay ng isda habang pinapangalagaan ang marine biodiversity, maging pagpapalakas ng turismo. Tantiya nila na sisirain ng konstruksiyon ang 84 porsiyento ng mga isdang huli ng mga mangingisda, na makakaapekto sa may 994 na mangingisda sa Dumaguete, kasama ang mga 38,342 residente ng mga baranggay sa baybaying dagat.

Tumindig din ang Philippine Association of Marine Sciences (PAMS) laban sa reklamasyon sa Dumaguete. Sinabi rin ng grupo na palalalain din nito ang pagbaha sa lugar.

China pa rin

“Hindi natin dapat hayaang nakawin nanaman ng China ang ating kabuhayan at ang ating likas na yaman. Kasama natin sa pagtindig ang mga taga-Dumaguete,” sabi ni Sen. Risa Hontiveros.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang aniya’y kuwestiyonableng pagkuha ng EM Cuerpo sa Tsinong kompanyang Polly Changda para isagawa ang reklamasyon.

Para sa senadora, posibleng ginagawang “prente” lang ng kompanyang Tsino ang EM Cuerpo. Hinala ng ilan na minadali umano ang pagpirma ng developer at ng alkalde ng Dumaguete sa kontrata dahil rekisito ito ng investor na maglabas ng pondo.

“Hanggang dito ba naman, kakamkamin pa rin ng China? Sa isang Memorandum of Agreement, pumayag ang Poly Changda na maging reclamation subcontractor ng EM Cuerpo at bilang kabayaran, ibebenta nito ang sapi nito sa nareklamang mga lupa at gagamitin para bayaran ang Poly Changda. Dummy lang ba talaga ang EM Cuerpo? Kailangang masusing imbestigahan ito,” sabi pa ni Hontiveros.

Para kay Dulce, dapat talagang tutulan ito ng mga mamamayan ng Dumaguete kahit pa sa kagyat ay may kikitain ang lokal na pamahalaan dito.

“Hindi naman kasi ang mga opisyales sa gobyerno at mga pribadong kompanya ang sasalo ng pagkasira ng marine ecosystem, ang pagtindi ng baha sa baybayin, at paghina ng pangisdaan. Kaya walang pakialam ang mga yan sa magiging epekto ng reklamasyon. Kaya malawak ang pagtutol ng mamamayan ng Dumaguete dito,” ani Dulce.

Nanangamba siyang kapag napagkakitaan na ng mga nabanggit niya ang reklamasyon, wala nang pakialam ang mga ito kung mamamatay ang pangisdaan at saribuhay sa dagat. “Wala nang pakialam yan sa pagbaha na maaaring maidulot ng proyekto,” aniya pa.

“Dapat ba sa reclaimed land talaga itayo ito? Meron bang ibang site na walang maaapektuhang kritikal na ekosistema o malawak na kabuhayan ng mamamayan?”

Masaya si Dulce at may nagtatanggol pa rin ng kalikasan, at sa malawakang pagtutol sa Dumaguete Reclamation Project.

“Nawa’y ipagpatuloy ng mga mamamayan ng Dumaguete ang pagsagip sa kanilang baybayin at karagatan. Ipakita natin na walang lugar sa poder ng gobyerno ang mga burukrata kapitalista na ipagpapalit ang mga mamamayan at kalikasan sa ngalan ng tubo at kasakiman,” pagtatapos niya.


Featured image: Mula sa Ocean 6 FB page/drone shot ni Rhiyad Maturan