FEATURED

¡Vivo Cuba!


Rebyu ng animated film na Vivo (2021). Tampok ang boses nina Lin Manuel-Miranda, Ynairaly Simo, Zoe Saldana, Juan de Marcos Gonzalez at Gloria Estefan. Mapapanood sa Netflix.

Taong 1996, isang grupo ng matatanda at kinalimutang mga musikero sa Havana sa sosyalistang bansang Cuba ang nagrekord ng isang album katuwang ang ilang Amerikanong prodyuser at musikero. Pinamagatang Buena Vista Social Club (BVSC), naging hit ito sa buong mundo. Kinatampukan ang BVSC ng tradisyunal na musikang Cubano, kabilang ang trova, filin, danzon, son, at bolero.

Aksidenteng nadiskubre ang mga musikerong ito sa Havana. Samantalang lokal na musikero sa Havana si Juan de Marcos Gonzalez, ang iba, matagal nang nawala sa eksena. Ang bokalistang si Ibrahim Ferrer, halimbawa, limpia-bota sa plaza ng lungsod. Ang piyanistang si Ruben Gonzalez, matagal nang nabulok sa ulan ang piano. Pero katulad ng maraming Cubano, hindi sila umalis sa Cuba matapos ang rebolusyon dito noong 1959, at naging tapat sa progresibong gobyerno ni Fidel Castro.

Ang Buena Vista Social Club (BVSC). Nasa gitna, naka-cream na damit, si Ibrahim Ferrer, samantalang nasa kanan niya si Juan de Marcos Gonzalez.

Nang sumikat, nagsagawa ng world tour ang BVSC. Ginawang dokumentaryong pelikula ang karanasan nila. Pero hindi nila tinalikuran ang Cuba at ang rebolusyon nito. Katunayan, madalas pa nilang kantahin sa tour nila ang “Hasta Siempre – Comandante Che”, na pagpupugay sa rebolusyonaryong lider na si Che Guevara.

(Para maging pamilyar sa musika nila, puwedeng balikan ang mga kantang harana at kundiman sa Pilipinas – na katulad ng bolero sa Cuba. Dahil sa impluwensiyang Espanyol, mahahalintulad ang ilan sa musikang Cubano sa ilang tradisyunal na musikang Pilipino. Puwede ring hanapin sa YouTube ang “Buena Vista Social Club” at “Afro-Cuban All-Stars”.)

Ibrahim Ferrer (kaliwa) at Andres sa Vivo.

***

BVSC ang naaalala ng manunulat na ito nang mapanood niya ang animated film na Vivo (2021) sa Netflix (maaaring mapanood sa ibang paraan – alam n’yo na iyun). May direktang kaugnayan din kasi: bukod sa nagsimula ang Vivo sa Havana, isa sa tampok na boses sa pelikula ang kay Juan de Marcos Gonzalez ng BVSC.

Siyempre, pambata ang Vivo. Ito ang pinakahuli sa Amerikanong animated films nitong nakaraang mga taon na tagpuan ang Latina Amerika (Coco, 2017, at Encanto, 2021, di pa naipapalabas) o mga isla sa Asia-Pacific (Moana, 2016). Tampok sa Coco ang musikang Mehikano na mariachi, samantalang sinulat ang mga kanta sa Moana at Encanta ng sikat na kompositor at aktor sa teatro na si Lin Manuel-Miranda, isang Amerikanong Puerto Ricano. Sikat ang huli sa musical play na Hamilton at In The Heights sa Broadway.

Nagkataong si Miranda rin ang kompositor at boses ng pangunahing sa pelikulang Vivo. Nagsimula ang kuwento sa plaza ng Havana, Cuba, kung saan nagtatanghal ang tambalang Andres, isang matandang musikero, at ang kanyang alagang kinkajou (isang wild animal) na si Vivo.

Kakatwang may hawig si Andres kay Ibrahim Ferrer; malamang na hinalaw ng mga animator ang hitsura niya sa tunay na pamosong musikerong Cubano. Sa istorya, nakatanggap si Andres ng paanyaya mula sa isang dating katambalang kapwa-musikero, ang mang-aawit na si Marta, para sa huling pagtatanghal nito bago magretiro.

Noong kabataan nila, sikat ang tambalan nina Andres at Marta sa Havana. Isang araw, may dumating na paanyaya kay Marta na magtanghal sa Mambo Cabana sa Miami, Florida sa Estados Unidos. Di siya nag-atubili at tinanggap ito. Hindi na nasabi ni Andres na mahal niya si Marta. Gumawa na lang siya ng kanta at tinago ito.

Pero matanda na sila; may bagong pagkakataon. Naghanda si Andres na tumungo ng Miami, kahit nagmaktol ang katambal na kinkajou na si Vivo. Pero kinabukasan, wala nang buhay si Andres.

Vivo at Gabi

* * *

Sa puntong ito, naging pangkaraniwang road trip na pelikula ang Vivo: sumakay si Vivo sa bagahe ng tinedyer na si Gabi (na bumisita ng Havana nang mamatay ang tiyuhing si Andres), nakarating sila ng Key West, Florida. Mula roon, bumiyahe sila patungong Miami – at nakatagpo ng kung anu-anong hadlang sa daan. Siyempre, sa dulo, maibibigay ni Vivo ang kanta kay Marta. At mananatili siya sa Florida kasama ang bagong partner na si Gabi.

Napakahusay ng musika ng Vivo. Halong tradisyunal at kontemporanyeong musikang Cubao at estilong anthem ni Miranda ang mga kanta nina Vivo at Andres sa kantang “One of A Kind”, “Mambo Cabana” at “One More Song”. Pero may halong hiphop na ito, tulad ng inaashaan kay Miranda. Pagtuntong ng Florida, mas hiphop na ang musika nina Vivo at Gabi. Nakakaindak at nakaka-LSS ang “My Own Drum”, “Keep the Beat”, at iba pa.

Sa kabuuan, mahusay na pagbibigay-pugay sa musikang Cubano ang Vivo. Mababaw at madaling hulaan ang kuwentong road trip, pero musika ang kalakasan nito. Tulad ng penomenon ng BVSC 25 taon ang nakaraan, pinakita ng Vivo ang matagal nang sinisiraan sa midya ng US – Cuba at mga mamamayang Cubano. Pinatatampok ng Vivo at BVSC ang mayamang kultura ng bansa na matagal nang sinusupil ng US sa pamamagitan ng pang-ekonomiyang embargo nito.

Walang pasaring ang pelikulang ito laban sa sosyalistang gobyerno sa Cuba. Pero negatibo ang hindi nito pagpapakita ng embargo – halimbawa, walang hirap na nakabiyahe si Marta mula Havana tungo Miami. Siguro, sabihin na lang nating pinakikita ng Vivo kung ano ang hitsura ng malayang pagbabahagi ng kultura sa dalawang bansa kung walang embargo. Okey na rin ito, kaysa sa mga pelikulang Hollywood, halimbawa, na laging kontrabida ang mga bansang nagpapakilalang sosyalista, tulad ng Cuba at North Korea.

Mainam sanang nagbigay pa ng mas matalas na pahayag ang pelikula laban sa embargo. Pero di na ito maaasahan sa pelikulang gawa ng Netflix.